Duty

May mga karanasan na bumabalik sa ala-ala matapos ang isang pangyayari.  Maaaring maranasan ang matinding emosyon o maaari rin naming hindi maranasan ito. Mabuting kinikilala ang damdamin at hindi isinasantabi ang emosyong dinadala. Maganda ring maisama ang mga ito sa pagninilay at pagbubuo.
 
Naalala ko ang isang bahagi ng buhay bago pa ako naging aktibista. May panahong hatid-sundo kaming magkakapatid mula tirahan hanggang paaralan. Malaking ginhawa ito para sa akin dahil hindi na ako kailangang maghintay ng jeep o bus. Hindi na kailangang maghabol-hininga upang makasakay sa LRT. May mga pagkakataon na  magkahalong hiya at yabang ang naramdaman ko tuwing itatapat ng driver namin  ang sasakyan harapan ng pamantasan. Bababa ang unipormado naming security staff na buong galang na pagbubuksan ako ng pinto. “Manong”o kapatid na nakakatanda ang tawag ko sa kanya;  tanda ito ng paggalang sa nakakatandang kasamang nanilbihan sa aming  pamilya.
 
Di ko nakilalang mabuti si Manong kahit may ilang buwan siyang nanatili sa bahay namin upang umalalay  at  siguraduhing hindi kami mailagay sa alanganin sa loob o sa labas man ng aming tahanan. Hindi ko siya nakakuwentuhan, hindi ko rin siya nakukumusta.  Lumaki akong may panabing na naghihiwalay sa akin at sa aking kapwa.  
 
Hindi ko na matandaan kung gaano katagal siya nanatili sa amin.  Ang alam ko lang, may panahon na nailagay sa peligro ang aking pamilya at kinailangan ng dagdag na seguridad. Napakalaki  ang naitulong niya upang mapanatag ang kalooban ng aking ama’t ina na ligtas ako at ang aking mga kapatid. Ang hirap ng pagbuhos ng buhay sa pagbabantay  at paniniguro na walang mangyayari sa mga taong kinakailangang bantayan ng buong katapatan.
 
Naalala ko si Manong sa naganap na pagpaslang kay SG Jeneven Bandiala na guard on-duty noon sa Gate 3.5 ng Ateneo.  Binaril siya ng  isang taong may personal na galit  sa isang  inaasintang kalaban, isang dating alkalde ng isang bayan sa Basilan, na  sinamahan ang anak na dadalo sa seremonya ng pagtatapos ng mga mag-aaral ng abogasiya.  
 
Nagitla ako sa pagpatay sa kanila, sa araw pa naman na dinaluhan ng maraming pamilyang nagbubunyi sa pagtatapos ng mga mahal nila sa buhay. Nanlumo ako na nasama rin sa mga napaslang ang kapwa ko naninilbihan sa pamayanan ng Ateneo.  Ginawa niya ang kanyang makakaya kahit mismo ang buhay niya ang nialagay sa panganib at tuluyan na niyang ikinasawi.
 
Kanina, habang naglalakad ako papuntang Gonzaga Hall ng Ateneo, pinagmasdan ko ang kalawakan ng  campus na inihanda na sa muling pagbubukas ng klase. May mga security staff ako nadaanan at kinumusta kung nagtanghalian na sila. Naisip ko rin si Jeneven at ang pamilyang naiwan niya. Sana nabaon niya   ang maraming at makabuluhang  ala-ala tungkol sa pamayanan ng Ateneo. Sana,  marami siyang nakakuwentuhan noong nakalipas na mga araw, kuwentong masaya, kuwentong nagpangiti sa kanya. Sana, alam niya kung gaano siya pinahalagahan at kinikalala sa kanyang kabayanihan  Di biro ang pagsalang ng sarili upang tuparin ang sinumpaan mong  katungkulan.
 
Sana na rin, naibigay sa kanya ang karampatang sahod at benepisyo na kumikilala sa bigat ng kanyang gawain. Hindi lamang sa kanya, kundi  na rin sa lahat niyang kasama sa gawain. 
Buwis-buhay ang trabahong buong tapang nilang pinili at pinaglaban.


 



 

 

 

 

 

 

 

Popular Posts