Hindi madali para sa akin ang matagalang paggamit ng face shield habang naka-face mask ako. Hirap akong huminga nang maayos. Kailangan kong punasan ito sa tuwina kapag nagkakaroon ng panlalabo ito, gawa na rin ng hininga kong gustong kumawala sa dalawang magkapatong na pananggalang. Habol-hininga ako sa pagpasok sa sasakyan upang matanggal ang mga ito at makahinga ng maayos.
Mas mahirap, ‘di hamak, ang sitwasyon ng mga medical frontliners natin, dahil bukod sa face mask at face shield, kailangan nilang magsuot ng PPE o personal protective equipment. Mukhang napakainit sa katawan ang pagsusuot nito, pero kailangang gawin para hindi mahawahan ng sakit.
Naalala ko lang ito nang mapanood ko ang video tungkol sa isang inang detenido na nakasuot ng ng PPE bukod pa sa face mask at face shield sa pagbisita ng burol ng kanyang tatlong-buwang sanggol. Nabigyan rin siya ng tatlong oras na palugit para masilayan sa huling pagkakataon ang ang sanggol na binawian ng buhay na hindi siya kapiling.
Nakasuot siya ng PPE, naka-face mask, naka-face shield, naka-posas ang dalawang kamay na naka-gwantes at bantay-sarado ng mahiigt apat na pung mga pulis at mga guwardya ng bilangguan. Kumpleto ang pananggalang niya.
Hindi siya pinayagang mayakap ang anak; hindi na rin niya makuhang punasan ang luha sa kanyang mga mata. Hindi niya alintana ang init at alinsangan ng panahon noon, ang mas mahalaga ay makasama niya ang kanyang anak sa napakaiksing panahong ibinigay sa kanya.