Natatandaan ko ang isang araw sa Disyembre mga ilang taon na ring nagdaan. Kabuwanan ko noon, ipapanganak ko ang bunso namin ni Lex. Naghihintay na ako na maghilab ang aking sinapupunan, umiksi ang pagitan ng bawa't hilab, senyales na malapit na akong manganak. Handa na ako noon. Nailagay ko na sa isang malaking bag ang ang gagamitin ko sa maiksing panahon ko sa opsital, kasama na rin ang mga lampin at isang malambot na kulay rosas na tela gagamitin ng aming magiging supling ni Lex.
Nang bumilis at tumindi na ang paninikip at paghilab, sinabihan ko na si Lex na kailangan na naming pumunta sa ospital. Sumakay na ako sa Tamaraw FX na pinaandar ni Lex at binaybay na namin ang kahabaan ng Quezon Avenue.
Mabilis ang panganganak ko. Nang sinabi ng doktor na “push”, kahit hindi ko maramdaman ang ibabang bahagi ng katawan ko dahil sa epidural na itinurok sa akin, “push” na rin ang ginawa ko. Dapat pala kasama sa pagsasanay sa mga manganganak yun, ang piliting itulak ang sinapupunan kahit walang maramdaman.
Nang marinig ko na ang unang iyak ng aking supling, doon na ako napanatag. Narito na ang supling ko.
Inilapit na ng mga nars sa aking dibdib ang aking supling. Bigla siyang tumahimik nang yakapin ko siya at alalayan upang sumispsip ng unang patak ng gatas sa kanyang labi.
Naramdaman kong umagos ang pagmamahal sa aking katauhan papunta sa kanya.
Ganito na rin marahil ang nararamdaman ng maraming ina habang kalong-kalong ang kanilang supling. Umaapaw ang pagmamahal na ubod ng banayad na ibinalot nila sa kanilang mga anak.
Sa bawa't yakap natin sa ating anak. gusto nating maiparamdam ang lalim ng ating pagmamahal. Ipaglalaban natin siya laban sa kapahamakan.
Sumagi sa isipan ko ito nang napanood ko ang video kamakailan lamang. Makikita sa video ang isang ina na mahigpit na yinayakap ang kanyang anak. Pilit kinukuha ng isang hindi unipormadong pulis and kanyang anak dahil sa pagpapaputok niya ng boga. Hindi alintana ng ina ang galit na mukha at laki ng pangagatawan ng pulis. Hindi niya kayang iwan ang kanyang anak sa kamay nito.
Ilang minuto ang nagdaan hanggang nagkaroon ng palitan ng mga salita. Binunot ng pulis ang kanyang baril at kinalabit ang gatilyo sa ulo niya at kasunod sa anak niya. Hindi na niya nakuhang makita ang mukha ng anak niya bago siya bumagsak sa lupa. HIndi na nila nakuhang magpaalam sa isa't isa.
Nakakalungkot isipin ang ganitong pangyayari ngayong Kapaskuhan kung saan inaalala ang pagsilang kay Kristo ng kanyang Ina na pinaghirapan siyang ilayo sa kapahamakan.