Tuesday, 17 September 2019

Kuwento ng Paghilom


    Magtatlong-buwan na rin pagkatapos akong sumailalim sa bilateral knee surgery. Nakakapaglakad na ako kahit hindi pa rin kabilisan. “ Hindi na ako gumagamit ng tungkod; matagal ko nang itinabi ang walker na ginamit ko sa pagtayo at ang rollator na ginamit ko sa pagsasanay sa mas mabilis na paghakbang. 

    Marami na ring pagbabago habang bumubuti ang aking kalagayan. Nakakapagmaneho na rin ako ng mahabang distansiya;nasa bucket list ko kasi ang pagmamaneho ulit matapos ang operasyon.Kumpara sa unang tatlong linggo pagkatapos ng operasyon, hindi na gaano kahirap matulog. May ilang beses na nagigising ako tuwing gabi at pahirapan sa akin na makatulog muli. Ginawa ko ang meditation, ang pakikinig ng musika, ang pagtatakip ng tela sa mata, ang paniniguro na madilim ang tulugan ko- pero hindi pa rin ako makatulog. Sinubukan kong magsulat, kaya lang hindi pa ako makaupo nang matagal. Kailangan kong tumayo pagkatapos ng ilang minuto para di manigas ang aking binti.

    Nakabalik na rin ako sa trabaho ko sa pamantasan. Mabuti na lamang, may “stair lift” sa gusali ko, isang silyang bakal na umiikot sa hagdan ng bawa’t palapag. Hindi naging mahirap para sa akin ang mag-akyat-panaog papuntang opisina ko. Hindi lang madali sa akin ang pagbaba gamit ang kanang binti ko; pakiramdam ko may nababanat na goma tuwing bababa ako.

    Pawang dumaan ako sa butas ng karayom sa paghilom. Hindi malakas ang katawan ko bago ako sumalang sa operasyon. Kinakailangang malakas ang mga braso (siyempre pa pati ang binti) dahil gagamitin ang mga ito sa pagbubuhat ng sarili pagkatapos ng operasyon. Ilang beses kong sinubukang tumayo gamit ang walker ko, pero hindi ko magawa. Sinubukan ko pang ilagay ang walker sa pagitan ng higaan ko at isang pader sa aking silid pero hindi ko nakayanang tumayo. Binago ko rin ang taas ng walker taliwas sa rekomendasyon ng physical therapist ko. Maaari kayang masyadong mataas ang walker para sa akin? Natandaan kong tinantiya lang ng physical therapist ang pag-ayos ng taas nito. Naging mas madali ang pagtayo ko nang ibinaba ko ang taas ng walker. Hindi ko na ginising ang anak ko sa unang pagtayo kong mag-isa. Makailangang ulit na rin siyang gumising upang tulungan ako.

    Napatanong rin ako sa sarili kung bubuti pa ang aking paglalakad. Paulit-ulit akong nagpa-praktis, pero masakit pa rin ang tuhod ko sa pagyapak ko. Sinusundan ko ang mga ehersisyong pinapagawa ng mga physical therapist ko umaga at gabi. Pinapalakas ko rin ang binti ko sa paggamit ng exercise bike at threadmill. Pursigido akong gumaling at  tanggap kong nasa mahabang biyahe ako sa paghilom.

    Maaaring magkakaiba ang karanasan ng bawa’t isang sasabak sa ganitong operasyon. May kasabayan akong seaman sa araw ng operasyon na naglalakad na habang hindi man lamang ako makatayo sa wheelchair ko. Malaking tulong ang pag-unawa sa sarili at pagkilala na hindi magkakapareho ang daraanan sa paghilom. Kinakailangan ihanda ang sarili bago at pagkatapos ng operasyon, kasama na dito ang pananaliksik at matibay na pananalig sa paggaling. Di matatawaran ang kahalagahan ng "support team" - mga taong tutulong sa iyo. Kailangan rin na literal na pagbabanat ng buto, sa pamamagitan ng physical therapy. Walang short-cut sa paghilom. Hindi rin biro ang gastusin na haharapin kaya kailangang iplano ito.

    Pinagnilayan ko dati ang pagpili sa tradisyunal na operasyon o piliin ang minimally invasive knee surgery (MIS).Mas mabilis ang paghilom sa MIS kumpara sa tradisyunal na operasyon dahil hindi na kailangang hiwain ang quadriceps ng binti. Hindi ito uubra sa akin dahil maraming kailangang ayusin sa tuhod ko.Nagtanong ako sa kapatid ko at mga kasamahan kung may kakilala silang mahusay na orthopedic surgeon. Nagbasa rin ako sa mga nailathalang artikulo sa web. Mahalagang panukat sa pipiliing surgeon ay di lamang ang dami ng naisagawang operasyon pero kung paano siya makitungo sa kanyang mga pasyente. Hinahanap ko kasi yung surgeon na mahusay, di ako mangingiming magtanong at hindi babalewalain ang mga agam-agam ko. Mabuti na lamang at nakilala ko ang isang doktor na mapagmalasakit sa kanyang mga pasyente at handang ipaglaban sila.

    Mahalagang mayroong support group para sa operasyon at panahon ng paghilom. Kasama sa support group ang  mga taong tutulong sa iba’t ibang mga pangangailangan pagkatapos ng operasyon. Maaaring kamag-anak o maaaring magtukoy ng isang caregiver. Naging caregiver ko ang isang ina na tumulong sa akin sa loob at paglabas ng ospital, nakitawa at nakiiyak habang nanonood kami ng teleseryeng panghapon sa ospital.

    Nagpapasalamat ako sa mga taong naging sandigan ko noon, mga taong nagmalasakit at nagpadama ng kanilang pagmamahal bago pa man ako isalang sa operasyon. Nariyan ang aking pamilya, ang aking asawa’t mga anak, ang aking mga kapatid at mga pamangkin. 

    Malaki ang pasasalamat ko sa pamantasang Ateneo sa malasakit at suporta - sa mga kasamahan ko sa trabaho lalo na sa mga taga-Loyola Schools na naglakbay papuntang Manila Doctor’s Hospital upang magbigay ng donasyon na dugo.

    Higit sa lahat, nagpapasalamat ako sa Panginoon na hindi ako pinabayaan sa panahong mahirap.




My Favorite Post!

Remembering Nanay

                                       Photo by  Aaron Burden  from  Pexels   It was a time of disquiet then; the protest movement against t...