Tuesday, 10 July 2018

Pagpupugay sa Isang Makata

Esteemed Filipino artist and poet, Rogelio B. Mangahas passed away last July 4, 2018. The author, Amy Muga, read this piece at the tribute given  by writers and artists to the late poet.

   Dati, nasabi ko kay ninong Roger na magdadala kami ni Lex ng cake sa pagbisita namin sa kanya. Galing siyang sakit noon. Sabi niya, huwag na, magdala na lang raw ako ng mga tulang sinulat ko, kahit dalawa o tatlo. Nyay, inisip ko. Mukhang magtatagal na naman bago kami magkita.

    Hindi na ako nakadala ng cake, pero napadalhan ko naman siya ng ilang sinulat ko tungkol sa samot-saring mga kuwento ko sa buhay. Hindi tula, dahil nagdesisyon akong magpahinga muna sa pagsusulat nito matapos ang isang palihang sinalihan ko.

  Napakahalaga sa akin ang binitawan niyang mga salita sa panahong nagdadalawang-isip ako kung itutuloy ko pa ang pagsusulat.
   
     Ganyan si Ninong Roger sa buhay ko at sa buhay namin ni Lex. Pawang isang amang hahayaan kang tumuklas, magkamali at matuto. Yung tutulungan kang matanglawan ang iyong daraanan kung kakailanganin. Walang butil ng pagmamalaki sa sarili. Nagbabahagi ng mga paraan kung paaano malilinang ang kakayanan mo sa pagsulat. Di mayabang. Di naninindak. Walang masamang tinapay sa kapwa.
   
     Sa kanya ako nagpapabasa ng mga sinulat ko. Bubusisiin niya ang mga salitang ginamit ko, sasabihin niya ang mga maling pagkagamit ng salita, tutulungan niya akong itama ang mga pagkakamali ko. Magbibigay siya ng mga abiso na pakikingan ko pero minsan ay hindi ko naman gagawin. Siguro, naroon na rin ang pagtanggap niya na matigas ang ulo ko, na may sariling diskarte sa buhay, kabilang na sa paraan ng pagsusulat.
   
     Kaanak siyang maituturing ng aking mga anak. Ninong Roger rin ang tawag sa kanya ng mga anak ko. Natutuwa siyang makipagkuwentuhan sa mga anak ko - ang ginagawa ng panganay ko sa trabahong actuary at sa bunso kong mahilig rin magsulat at lumikha. Siyempre pa, naroon yung pagkawili niya sa mga kuwento tungkol sa eleksiyon at politika. Kapalitan niya ng kuro-kuro si Lex.
     
     Mami-miss ka namin, Ninong. Nalulungkot kami sa iyong pagpanaw. Pero alam namin na marahil ay nasa isang mabuting lugar ka ngayon. Salamat sa napakayamang ambag mo sa panitikang Filipino. Salamat sa paggabay sa akin, sa amin ni Lex.




Ninong Roger Mangahas kasama si Lex Muga



Meryenda kasama si Ninong Roger

My Favorite Post!

Remembering Nanay

                                       Photo by  Aaron Burden  from  Pexels   It was a time of disquiet then; the protest movement against t...