Sunday, 3 June 2018

Kuwentuhan sa Mundo ni Citizen Jake

     May ilang beses na ring nakasama ko ang bunso kong anak  sa panonood ng  pelikulang may  politikal na paksa. Isa sa pelikulang nagustuhan niya ay ang Barber’s Tale, isang kuwento tungkol sa pagbabago ng pananaw ng isang balo mula sa pagiging kimi at mahina ang kalooban tungo sa pagkilala sa kanyang kakayanang gumawa ng mga hakbang na babago sa kanyang buhay. Maganda ang kuwentuhan namin ng anak ko lalo na tungkol sa kalagayan ng mga babae sa isang mala-pyudal na lipunan.  Ito rin ang dahilan kung bakit kapag may pelikulang makabulahan, sisikapin naming panoorin ito.

     Noong isang linggo, nanood kami ng Citizen Jake, pelikula ng batikang direktor na si Mike de Leon at pinagbidahan ng broadcast journalist na si Atom Araullo. Hinintay ko ito, di lamang dahil sa kalibre ng mga pelikula ni Direk Mike pero bilang suporta na rin kay Atom na nakilala ko  sa isang proyekto para sa mga mag-aaral ng isang pamantasan. Paksa namin sa proyekto ang "resiliency", ang kakayanang umigpaw at magpatuloy kahit humarap sa mahirap na mga yugto sa buhay. Nagbahagi si Atom ng isang masaklap na karanasan at paano niya inigpawan ito.


     Natandaan ko ito sa pagbida ko ng Citizen Jake sa anak ko. Gusto ko rin kasing makapanood ng mga pelikulang lapat sa lupa at salamin ng realidad sa lipunan.  Nagustuhan ko ang pagpili ng direktor sa Baguio City, isang lugar na pinangarap kong matirhan ng aking pamilya.  Nagustuhan ko ang magandang kuha sa iba’t ibang eksena dito, ang kuha sa artistang si Max Collins,  ang bahay ng pamilya ni Jake sa Baguio na tunay na pag-aari pala ng pamilya ni Direk Mike. Gusto ko tuloy magkaroon rin ng bahay na napapaligiran ng mga halaman sa Baguio! Mahusay ang pagkakaganap ng halos lahat ng artista dito lalo na kina Cherrie Gil, kay Max Collins, kay Ruby Ruiz na gumanap na caretaker ng bahay at nanay ni Jonie, kababata ni Jake at buong husay na ginampanan ni Luis Alandy. Makatotohanan ang kuwento; naantig ako sa kagustuhan ni Jake  lumayo sa buhay na inilalatag sa kanya ng kanyang ama pero pawang batubalani na kumakapit sa kanya.

     Palaisipan sa akin ang pagkakasulat ng katauhan ng ilang mga tauhan sa kuwento. Naroon ang kadiliman ng budhi ni Senador Jacobo Herrera. Alam na ni Jake ang kasamaan ng ama niya; nalaman niya sa bandang huli na may didilim pa pala sa itim. Naroon rin ang psychopath niyang kapatid na politiko. Maaaring ang redeeming value ng ama niya’t kapatid niya ay  ang pagpapahalaga nila sa konsepto ng pamilya. Natanong rin sa akin ng anak ko ang sitwasyon ni Jonie, kababata ni Jake.  Sana raw kung tinuring ni Jake na kaibigan si Jonie, na natulungan siyang  makapag-aral at makaalis sa buhay niya bilang caretaker ng bahay at ponyboy sa umaga.

     Natatandaan ko tuloy ang ilan sa kakilalang kong pinag-aral ang kanilang kasambahay o mga anak ng kasambahay nila. Ganoon rin ang ginawa ng kapatid ko para sa kanyang kasambahay. Tinulungan niya itong mag-aral sa isang pamantasang kalapit ng tirahan nila.  Di niya ginustong maikahon sa paninilbihan ang kasambahay nila.


     Mabuti ang pagkakatahi sa kuwento ng ilang mga realidad sa kalagayang politikal  ng ating bayan,kabilang na dito ang pagbabalik sa poder ng pamilyang napatalsik sa noong 1986, ang “culture of impunity”  na dahilan kung bakit pinili ng marami magtiklop-tuhod at manahimik.


     Bagama’t di na rin bago para sa akin ang mga isyung tinalakay sa pelikula, nagpapasalamat ako na nagawa ito’t naipalabas sa mga sinehan. Di biro ang sumugal sa isang pelikulang Pinoy na walang artistang tinitilian ng mga manonood. Nagpapasalamat ako na napalamanan ulit ang kuwentuhan namin ng anak ko tungkol sa pelikula at politika, tungkol sa mga pangyayari sa ating bayan noong panahon ng diktadura.

My Favorite Post!

Remembering Nanay

                                       Photo by  Aaron Burden  from  Pexels   It was a time of disquiet then; the protest movement against t...