Nakapaskil na ang resulta ng ACET sa Blue Eagle Gym! Bumalik kami ni Felix sa Ateneo para sa resulta ng anak naming may sakit. Mabuti na lamang at nasa UP Village pa lang kami nang mabasa namin ang FB post ng Office of Admission and Aid (OAA).
Unang Bugso. Ang ACET ay pagsusulit na ibinibigay ng Ateneo sa lahat ng gustong mag-aral ng kolehiyo dito. Kasunod ng paglabas ng listahan ng mga nakapasa dito ang paglabas ng iba’t ibang pamantasan ng sarili nilang listahan ng mga mag-aaral na naging matagumpay sa kanilang mga pagsusulit.
Trapik nito pagbalik natin, sabi ni Felix. Nadaanan namin ang mga mag-aaral na naglalakad papuntang gym. Punuan ang parking lot.
Isang dagat ng mga tao ang dumayo sa Ateneo. Iba’t ibang mukha ang sumalubong sa amin papunta sa gym. Naroon ang kumpulan ng mga mag-aaral, mga magkaibigan na naghihiyawan nang malaman nila ang kanilang resulta. Naroon rin ang ilang magulang na nakamasid mula sa malayo pati na rin ang mga nakisiksik upang makita ang mga nakapaskil sa mga bulletin board. Pawisan ang mga sumuong papunta dito. Mayroon ring mga gustong tumulong sa crowd control. Di mahulugan ng karayom ang grupong nasamahan ko. Lahat nakatutok sa resultang nakapaskil. Naroon sana ang pangalan nila, ng kanilang kaibigan, ng kanilang mga anak at ng kanilang kapamilya.
Sa wakas, nakalapit rin si Felix sa board. Masaya ang mukha niya palapit sa akin!
Salamat sa Panginoon. Nakaraos na sa unang bugso sa Ateneo 
