Bago pa man nagsara ang 2017, nasimulan ko ang pag-aayos sa isang munting kuwartong ginagamit ko sa pagsusulat. Naihanay ko na ang mga librong naipon ko sa loob ng maraming taon. Aba, may mayamang koleksiyon na pala ako ng mga libro! Maaari na pala akong magtayo ng isang munting bookstore, yung katulad ng "Booksale.” Pinangarap ko ring magtayo ng isang silid-aklatan, isang ispesyal na lugar kung saan puwedeng magbabad ang mga bata para magbasa at mangarap. Dahil naayos ko na rin ang mga libro ko, nagkaroon ako ng espasyo para sa mas maginhawang pagsusulat. Ilang linggo mula ngayon mayroon na rin akong sariling kuwartong nadisenyo na pinapalibutan ng mga librong mahalaga sa akin.
Patuloy ako sa pag-aayos dito at sa iba pang bahagi ng aming bahay ngayong 2018. Di lamang bahay kundi iba't ibang aspeto ng buhay ang tututukan ko. Di ako nagmamadali, paisa-isang hakbang lamang.
Nagpapasalamat ako sa pagkakataong magawa ang mga ito. Nagpapasalamat rin ako sa pagkakaroon ng isa pang kaarawan, na patuloy na mabuhay sa piling nga aking mga minamahal, na maging kabahagi ninyo dito sa FB, na makapaglingkod sa kapwa at marami pang iba.
Nagpapasalamat ako sa Panginoon na hindi ako pinabayaan sa panahong binalikan ko ang isang gawaing mahal na mahal ko.