Monday, 22 May 2017

Mother's Day

     Tuwing sasapit ang Mother's Day, naaalala ko ang pinakamatapang na mga inang nakasama ko sa buhay. Di sila ang mga inang nababasa sa pahayagan o nabigyan ng mga parangal; alam ko balang araw ay maaaring mapabilang sila sa listahan ng mga kinikilalang kababaihan. Pangkaraniwang mga tao sila-umiiyak kapag nalulungkot, nagagalit sa mga sitwasyong di makatarungan, nangangarap ng isang mas magandang buhay para sa kanilang mga anak, magpupunyagi kahit makailang ulit na madapa at mahirapan bumangon. Oo na rin, ang ilan sa kanila ay may pusong mamon sa mga tagpong makabagbag-damdamin sa telebisyon man o sa pelikula. 





     Di sila perpektong mga magulang; tanggap nila ang kanilang pagkakamali. Marunong silang humingi ng patawad; di nila titikisin ang kanilang mga anak kapag sila naman ang nagkamali. Gugustuhin nila kung ano ang pinakamabuti para sa kanilang mga anak.


     Di sila mga inang magmumukmok sa isang tabi kapag di nakakuha ng pumpon ng mga bulaklak bilang pagkilala sa mga kanilang mga ginawa. Di rin sila titigil sa pagkilos kung di makatanggap ng papuri at pasasalamat mula sa kanilang mga anak at mga taong di nila iniwan sa panahong mahirap. Di nila isinasantabi ang kanilang mga ginawa kapag di nila naabot ang kanilang pinaghirapan.


     Para sa aking kapwa ina, maraming salamat sa mga aral ng pagmamahal, pakikipagsapalaran at pakikibaka.

My Favorite Post!

Remembering Nanay

                                       Photo by  Aaron Burden  from  Pexels   It was a time of disquiet then; the protest movement against t...