Ang bilis talaga ng panahon. Kung dati-rati, hinihintay mo akong matapos ang klase ko sa CEFAM, ngayon, naman, ikaw na mismo ang mag-aaral sa Ateneo. Aba, kayo ang makasaysayang unang batch ng mga mag-aaral na magsisimula ng Senior High School.
Ano nga ba ang mabuting alamin sa pagpasok mo sa Ateneo?
Una, mabuting kilalanin mo ang iyong mga kalakasan at iba mo pang mga katangian. Tuklasin mo ang mga bagay na nagbibigay buhay sa iyo, kung ano ang lalo pang magbibigay inspirasyon sa iyong pagbutihin ang iyong pag-aaral.
Pangalawa, bawa’t isa sa inyo ay may angking talino at husay. Hindi kailangang ikumpara ang sarili sa iba pa. Mahalagang kilalanin at lalo pang linangin ang mga kahusayang ito.
Pangalawa, bawa’t isa sa inyo ay may angking talino at husay. Hindi kailangang ikumpara ang sarili sa iba pa. Mahalagang kilalanin at lalo pang linangin ang mga kahusayang ito.
Pangatlo, magtiyaga at magpunyagi ka sa pag-aaral. Maaring mahirap ang bawa’t subject mo, maraming requirements, maaring mahigpit ang mga guro ninyo. Ihanda mo na ang iyong sarili dito, anak. Walang short-cut sa pag-aaral at pagkatuto. Mismo sa klase pa lang, mag-focus sa itinuturo ng iyong guro, magtanong sa kanya kung mayroong hindi malinaw sa iyo. Maging masinsin sa pagsulat ng mga natutunan sa klase. Hindi kailangang magpakahon sa kaalamang makukuha sa loob ng silid-aralan. Magsaliksik, magtanong, maging mapanuri. Alamin kung paano makatutulong sa iba ang iyong mga pinag-aralan.
Pang-apat, matutong makisalamuha sa iyong mga kamag-aral. I-enjoy mo ang bawa’t araw na kasama sila. Alam kong marami kayong matutunan sa bawa’t isa.
Panlima, mahalagang matuto ka ng time management Kung sakaling may proyektong kailangang ipasa sa isang takdang araw, planuhin kung ano ang gagawin sa bawa’t araw hanggang matapos ito. Mas mabuting may ginagawa ka araw-araw, kahit pakaunti-kaunti para sa proyekto, kaysa mag-cram at ma-stress ka sa magdamag.
Pang-anim, sa mga pagkakataong may group work sa klase, ibigay mo ang iyong 100% para mapabuti ang proyekto. Maging aktibo sa mga pulong, sabihin kung ano ang nasa isip na makakatulong sa proyekto.
Pampito, hindi kailangang maging daan sa panghina ng kalooban ang mababang grado. Maaring may mga pagkakataong hindi mo makuha ang minimithi mong grade kahit napakalaking panahon ang binuhos mo sa pag-aaral maging sa pagpapabuti ng proyekto. Ganoon talaga ang buhay. Hindi mo makukuha ang lahat ng bagay na ginusto mo. Pinakamabuting gawin ay magtasa (assess), kuhanin ang aral sa gawain at magplano paano pagbubutihin ang iyong pag-aaral. Gamitin ang mga ito para mapabuti pa ang susunod mong pagsusulit o gawain. Padayon lang anak. Carry on!
Panghuli, manalig ka sa Panginoon, anak.
Huwag mong kalilimutang mahal na mahal ka namin ng iyong ama't kapatid at narito kami para sa iyo.