tula ni Amy Muga, Abril 4, 2016
hindi ito ang umagang
mag-aayuno tayo sa Lumikha,
pauwi sa ating bayan.
hindi ito ang umagang
babaunin natin ang butil
ng pag-asa sa kumakalam
nating sikmura.
Isa ito sa umagang
hinintay makatulog sa banig
ng gutom ang mga musmos
na hindi nagpaiwan sa parang.
ito sana ang umaga ng
pangitaing
dinala ng ating mga ninuno
sa kanilang mga puso
na kahit hibla man lamang,
maari pa ring magtiwala,
maari pa ring maniwala,
sa mga nilikhang birhen
na sumusulpot
pagkatapos ng pagaspas.
isa itong umaga sa maraming
araw
ng tagtuyo ng mga pangakong
binitawan ngunit walang pusong
iniwan.