( I first wrote this poem for a mother bravely looking for her son who up to now is a "desaparecido." I am dedicating this poem for mothers healing from the loss of their sons and daughters - from Amy Muga)
Paano mo ilalarawan ang puso ng isang ina?
Isang pusong kayang
maghintay
sa panahong maligalig,
Isang pusong tumatangis
sa anak na piniling
lumisan.
Isang pusong handang
magpatawad
sa sarili at sa iba pa.
Kay Muriel, na pinilit
hanapin ang sagot
Kung bakit namaalam ang
kanyang anak,
sa mga pangarap na binuo
mula pagkabata,
Hindi kayang tapatan ng
mga mga pangako,
Ang himutok ng iyong
damdamin.
Sisikaping unawain at
magtiwala
Sa sariling paghilom at
pananampalataya.
Kay Editha, na hindi
sumuko sa paghahanap;
'Di masukat ang lungkot sa
patuloy niyang pagkawala;
hindi mapanatag sa araw na walang
katiyakan
hindi mabilang ang mga gabing pinuno ng
panalangin at pagsumamo sa Lumikha,
humuhugot ng lakas sa paninindigan at
pananampalataya.
Paano mo ilalarawan ang puso ng isang ina?
Isang pusong nangungulila,
Isang pusong nananalangin,
Isang pusong nanindigan,
Isang pusong paghuhugutan ng lakas at
tapang
sa panahong kailangan;
Isang pusong bibigkis sa marami pang
pusong
naniniwala at sumasampalataya.