Sunday, 29 November 2015

Ang Batang Naghanap ng Mabuti at Nakatagpo ng Totoo

                                                                   
(An Excerpt from Amy Muga's short story)


Sa maraming pagkakataon, may mga karanasan na nagiging mitsa sa pagpili ng daang tatahakin sa buhay. Natatandaan ko ang pagkakataong nabisita ko ang isang bata at kanyang mga kaanak sa isang komunidad ng maralitang tagalungsod sa siyudad ng Quezon. Mahirap ang pinagdaanan nilang mag-anak, masaklap ang pinagdaanang karanasan ng bata. Kung tutuusin, nangyayari na rin sa maraming tahanan ang nangyari sa bata; naipalabas na sa maraming dulang pantelebisyon ang mga kuwentong katulad ng karanasan niya. Hindi ko ikinagulat ang pangyayari. Iba lang talaga ang dating kung mismo nakasama at nakausap mo ang mga taong maghaharap sa iyo ng realidad ng nangyayari sa loob ng maraming tahanan sa ating lipunan. 

Photograph of Amy Muga


Nakilala ko si Etoy, isang batang masayahin at malambing. Naroon ang ngiti niya para sa sino mang bibisita sa kanilang tahanan. Maaga siyang gumigising papuntang paaralan; hindi na siya kailangang gisingin  ng kanyang ina para maghilamos at magbihis ng nag-iisang pares ng uniporme na sinikap niyang panatilihing malinis. Minsan, nagbabaon na lang siya ng itlog o pandesal na pantawid-gutom niya hanggang tanghalian. Ayaw niyang mahuli sa kanyang klase, gustong-gusto niyang matuto at maging matalino katulad ng ilan sa kanyang mga kaklase. Bilin ng ina niya sa kanya, kailangang magtiyaga siya sa pag-aaral at matututunan rin niya sa kalaunan ang itinuro ng kanilang guro. 

Pagkatapos ng kanyang klase, magmamadali na siyang umuwi  para magbihis ng kanyang t-shirt na pambahay. Uubusin na niya ang iniwang ulam at kanin sa mesa sa sobrang gutom niya. Pagkatapos nito, makikipaglaro siya sa kanyang mga kaibigan ng tumbang preso. Karamihan sa kanila ay tumigil na rin sa pag-aaral dahil sa kahirapan. Bago dumilim ang langit, uuwi na siya  sa bahay, maghihilamos  at magsasaing ng bigas na sapat lang para sa kanilang dalawa ng kanyang ina. Gagawin niya ang kanyang takdang aralin habang hinhintay niya ang kanyang ina. Maraming beses na nakatulog na siya sa paghihintay; magigising na lang siya na nakahiga  sa banig na inilatag ng kanyang ina kanilang papag. Binuhat na pala siya ng kanyang ina nang dumating ito galing sa trabaho.


Wala siyang kinilalang ama.  Hindi naman sa hinanap niya ito dahil pakiramdam niya kumpleto na silang dalawa ng kanyang ina. Nabibisita rin siya paminsan-minsan ng kanyang lolo at lola. Yun nga lang, kapag may school activity, nakikita niya ang kanyang mga kaklaseng akay-akay ng kanilang ama't ina. Pawang may kirot sa kanyang puso kapag nakikita niyang kumpleto ang pamilya ng kanyang mga kaklase samantalang kadalasan ay wala rin siyang makasama sa paaralan.

Isang araw, umuwi ang kanyang ina na may kasama galing sa trabaho. Dun na raw titira ang kanyang Tiyo Domeng, sabi ng kanyang ina. Yinakap niya ito ng mahipit at yinakap rin naman siya pabalik. Alam niya, hindi na malulungkot ang kanyang ina. Kumpleto na rin sila sa pamilya tulad na lang ng nababasa niya sa aklat nila sa paaralan - may tatay, may nanay, may mga anak, may lolo, may lola.

Masayahin ang kanyang Tiyo Domeng. Nakikipaglaro rin ng taguan sa kanya, minsan nahahatid rin siya sa paaralan. Pinagmamalaki nga niya ito sa kanyang mga kaklase. Meron na rin siyang ama, sabi niya sa sarili. Hindi na siya tutuksuin ng kanyang mga kaibigan.

Makulay na ang mundo para kay Etoy. Teknikolor, sabi niya sa sarili. Totoo naman palang sinasagot ng Diyos ang mga panalangin. Kita naman niya ang ngiti ng kanyang ina tuwing umuuwi siya, natatawa siya sa kanyang Tiyo Domeng kapag tutok na tutok sa panonood ng Aldub tuwing Eat Bulaga.

Minsan, naging takdang-aralin sa kanyang klase ang sumulat tungkol sa mga taong modelo para sa kanila, mga taong mabuti, mga taong gugustuhin nilang gayahin sa kanilang paglaki.  Hindi siya nag-atubiling sabihin, gusto niyang maging Tiyo Domeng niya, matipuno ang katawan, masayahin, nakakasama niya sa bahay, seryoso tuwing nag-uusap sila ng kanyang ina. Kapag may pamilya na rin siya, gugustuhin niyang maging isang Tiyo Domeng, bilang matibay na haligi ng tahanan.


Nagmadali siyang umuwi galing paaralan. Bakasyon na rin nila sa Lunes, kaya mahaba-habang panahon ang maaring ilaan sa paglalaro. Ibabalita rin niya sa kanyang ina ang nakuha niyang marka. Tiyak na matutuwa yun. Balak niyang sorpresahin ang kanyang ina't amain, kaya umuwi siya nang mas maaga sa dati.

My Favorite Post!

Remembering Nanay

                                       Photo by  Aaron Burden  from  Pexels   It was a time of disquiet then; the protest movement against t...