Tuwing
bonding time namin, hindi maaalis ang
kuwentuhan, biruan at tawanan. "Chill" lang kami, sabi ng anak ko. Iba't ibang paksa ang laman ng usapan namin, maaring video na ginawa ni
bunso, yung pinakahuling episode ng "Aldub" na popular na kalyeserye sa Eat Bulaga o tungkol sa isang palabas na napanood namin sa internet.
Napag-uusapan rin namin ang ilang mga pangyayari sa ating bayan, kabilang na dito ang mahalagang mga usaping pampulitika na mainit na
pinag-uusapan ng marami.
Kanina,
natinag ako sa kuwento ng panganay kong anak na halaw sa librong pambata na nabili ng kanyang kaibigan. Isinulat pala ito ng yumaong Ka Rene
Villanueva, isang batikang manunulat na naging guro ko sa isang
palihan sa pagsusulat. Nailimbag na rin ng Adarna Books ang kuwentong ito sa librong pambata na "Nemo: Ang Batang Papel."
Hindi
siya pangkaraniwang kuwentong pambata dahil usaping panlipunan ang tinutumbok
ng kuwento.
![]() |
Photograph of Amy Muga, 2011 |
Kuwento
ito ni Nemo, isang "bata" na hinugis ng mga estudyante mula sa ginupit-gupit na papel. Sa isang mahiwagang pagkakataon, nabigyang kakayanan si
Nemo na makapagmasid sa kanyang paligid. Nakita niya kung gaano kasaya ang mga bata sa kanilang paglalaro. Nangarap siyang maging isang tunay na bata, na hindi na manatiling isang batang papel na tinatangay ng hangin.
Nabuhayan siya ng loob nang narinig niya na maaring magkatotoo ang lahat ng mga pangarap, kapag hilingin ito sa pinakamalayong bituin. Pinaghandaan niya ang pagdating ng bituin at taimtim niyang hiniling ng maging isang ganap na bata. Pagbukas niya
ng kanyang mga mata, napatunayan niya na totoong may himala. Tunay na siyang bata!
Napakasaya
ni Nemo sa pagbabago ng kanyang pangangatawan. Maari na niyang gawin ang mga bagay
na kailanman ay hindi niya maaring magawa. Tuwang-tuwa siyang nakipaghabulan sa kapwa
niya bata, mga batang pawang walang suliranin sa mundo dahil masaya sila sa
pakikipaglaro.
Mayroon rin siyang ama't ina na nakatira sa isang komunidad ng maralitang
tagalungsod. Tunay na karanasan ng maraming mag-anak ang
buhay na naibigay sa kanya. Walang ikinabubuhay ang kanyang ama't ina at
kinailangan niyang magtrabaho kahit musmos pa siyang maituturing.
Araw-araw,
pawang nagpapatintero siya sa gitna ng mga bus at jeep na humaharurot sa
lansangan, habang nagtitinda siya ng sampaguita. Naisip niyang bumalik sa paaralan, kaya lang naramdaman
niya ang pagmamaliit sa kanya ng kanyang mga kaklase. Halos ipagtabuyan siya dahil sa marungis niyang kasuotan at nanlilimahid niyang katawan.
Nakakilala
rin siya ng iba pang mga bata na tulad niya na nabubuhay sa kalye. Sa kanila niya naramdaman ang pagtanggap na walang paghuhusga. Salo-salo sila sa pagkain, kahit sa mga tirang ulam na nakuha nila sa mga basurahan. Maraming pagkakataon niyang nakita ang mga kasamahang lumalanghap ng rugby kahit sa tanghaling tapat. Inisip niyang marahil ito na lang ang maari nilang magawa para hindi nila maramdaman ang gutom at pangungulila.
Iisa lang naman ang sinulid na nagdudugtong sa kuwento niya at kuwento ng kanyang mga kaibigan. Iisa rin ang sinulid na nagdudugtong sa kanilang mga mithiin sa buhay- - ang kagustuhang magkaroon ng mapag-arugang magulang, mapagkalingang paaralan, masustansiyang pagkain na magbibigay lakas sa kanilang manipis na pangangatawan.
Hindi
niya maatim na manatili ang kanyang mga kaibigan sa ganoong sitwasyon. Tinipon niya ang mga ito at sinabing maaring mabago ang kanilang buhay; kailangan lamang sabihin nila ang kanilang mithiin sa pinakamalayong bituin. Tumango ang kanyang mga kaibigan.
Hinintay nila ang pagdating ng bituin at sabay-sabay nilang hiniling na maging masaya panghabang-buhay.
Pagbukas
nila ng kanilang mga mata, nalaman nila na lahat sila ay naging mga batang papel na madaling tangayin ng hangin sa kalawakan. Masaya na sila dahil hindi na nila mararamdaman ang lungkot, ang takot, ang paghihirap na
araw-araw nilang reyalidad noon bilang mga batang lansangan.
Magkahalong
mangha sa husay ng kuwento ni Ka Rene at lungkot sa buhay ng mga batang lansangan
ang naramdaman ko sa kuwentong ito.
Simpleng kuwento ito pero tunay na pangyayari sa buhay ng maraming mga bata sa iba't ibang komunidad ng maralita sa ating bayan. Realidad nila ang mamuhay sa paghihikahos, kagipitan, pati na rin sa karahasan.
Hindi
dapat dumating ang panahon na mas pipiliin ng mga bata na mabuhay
na pawang batang papel dahil sa hirap na kailangan nilang harapin sa buhay.