Tuesday, 18 August 2015

Isang Kuwento sa Panahon ng Digmaan

     
                                                                        Photo credit: https://cinephilefix.files.wordpress.com/2014/01/h.png


     Hindi mabilang ang mga pelikula at palabas pantelebisyon na nakakuha ng malawakang pagtangkilik ng mga manonood. Maraming sumusubaybay sa mga kuwentong halaw sa tunay na pangyayari sa buhay, mga kuwentong sadyang may kurot sa puso ng manonood, mga kuwentong kapupulutan ng aral tungkol sa sarili at sa kapwa. Maaaring kathang-isip ang mga kuwentong ito subali't nagsisilbing mitsa para matuto ang isang tao   sa pakikipagkapwa-damdamin.

    Hindi rin mabilang ang manonood ng mga palabas na nakapagbibigay ginhawa at katatawanan sa buhay, kahit panandalian lamang. Ito marahil ang dahilan kung bakit marami ang nanood ng "kalyeserye" ng noontime show na EAT BULAGA sa telebisyon. Ang sarap makipagsabayan sa tawa at hagikgikan ng mga manonood ng seryeng #AlDub, ang kwelang palitan ng salita ng mga pangunahing tauhan, ang dubsmash ng dalawang bida sa serye, sina Yaya Dub at Alden Richards. Mabuti ang pagsasalarawan sa katauhan ng kasambahay na si Yaya Dub- magalang, responsable at mapagmalasakit kay Lola Nidora, ang taong kumupkop sa kanya. Halos hawig sa fairy tale na Cinderella ang kuwentong ito, isang kasambahay na umibig at inibig ng isang hindi pangkaraniwang tao. Hindi nga lang sapat na panatilihing naghihintay sa isang "Prince Charming" ang bidang si Yaya Dub, hindi makatarungan na ipaako sa kanya ang pagpapakasal sa isang taong di hamak na mas matanda sa kanya, hindi uubra na manatili siyang walang karapatang magpasiya sa sarili niyang buhay.

  Tunay na may mga palabas na nakabubusog sa mata, masaya, masarap panoorin dahil sa nakatutuwa at maganda ang pagkakagawa nito. Mayroon ring namang mga palabas na mahirap panoorin, mabigat sa damdamin pero nakabubusog ng puso at nag-iiwan ng hamon sa mga manonood.


 Photo credit from the movie "Grave of the Fireflies"
directed by Isao Takahata

     Noong isang linggo, napanood namin ng aking mga anak ang  kakaibang kuwento sa isang pelikulang anime, ang "Grave of the Fireflies" na isinulat ni Akiyuke Nosaka. Kakaiba ito sa kuwentong #aldub, dahil ang kuwento ay maaring tunay na nangyari at mapait na karanasan ng mga bata't matatanda sa maraming bayan noon pa man hanggang ngayon. Kuwento ito ng dalawang batang naulila, si Seita at Setsuko, sa panahon ng digmaan. Kakaiba ito sa marami pang pelikulang anime na nagtatapos sa pagsugpo sa masama at pagkapanalo ng mga bida. Hindi ito nagtapos sa "happy ending" kung saan darating ang mga taong tunay na magmamahal sa dalawang ulila. Nabuhay sila sa panahon ng digmaan, sa komunidad na sinadyang sunugin ng mga pwersang kalaban ng bansang Hapon. Naulila sila sa magulang at  pinagmalupitan ng mga kamag-anak na inakala nilang magtatanggol sa kanila. May pera mang makuha si Seita, wala rin siyang mabibiling pagkain sa gitna ng malawakang taggutom. Walang pananim na mabubuhay sa gitna ng sunod sunod na bombang inihuhulog ng kaaway ng kanilang bayan.



     Hindi kakaiba ang dinaranas ng dalawang naulilang bata sa marami ring mga batang naipit sa walang patid na palitan ng putukan sa iba't ibang bahagi ng ating bayan. Marami ang naulila, marami ang kinailangang lumikas mula sa kanilang tahanan at pamayanan. Kadalasan maiiwan nilang nakatiwangwang ang kanilang mga bukirin na pinagkukuhanan nila ng pagkain. Matagal bago makabalik ang mga bata sa kanilang mga paaralan.

     Nalungkot ako sa pagtatapos ng pelikula dahil namatay ang dalawang ulila sa kagutuman at pagdarahop. Hindi nila nasilayan sa kanilang huling sandali ang kabutihan ng kanilang kapwa.

   Kung sakaling may pagkakataong mapanood ninyo ang  pelikulang anime na "The Grave of the Fireflies," isama na ninyo ang inyong kapamilya, kaibigan at kamag-aral sa panonood nito. Para sa mga mababaw ang luha, huwag kalimutang magdala ng panyo o tissue paper. Sana'y magsilbing aral ang pelikula na walang kahihinatnan ang digmaan; tanging nagtatagumpay lamang dito ay ang makapangyarihan at naibabaon sa limot ang mga taong naisasantabi sa lipunan.


My Favorite Post!

Remembering Nanay

                                       Photo by  Aaron Burden  from  Pexels   It was a time of disquiet then; the protest movement against t...