Inabangan niya ang State of the Nation Address
(SONA) ng pangulo ng kanyang bayan. Gusto niyang pakinggan ang paglalagom sa mga hakbang ng pamahalaan sa nakalipas na taon kumpara sa binitiwang mga pangako ng pagbabago. Pang-anim na SONA na ito, mula nang
mailuklok sa poder ang isang taong nangako ng tuwid na daan tungo sa pagbabago ng
lipunan.
Tuwid na Daan. Ito ang pinangako ng pangulong ibinoto niya noong 2010. Naniwala siya sa isang mabuting simula, sa mga pagbabagong mangyayari sa pamamahala ng isang taong tapat. Nais niyang lumaki ang kanyang mga anak sa paniniwalang maaring mabuhay at magtagumpay sa marangal na paraan.
Tuwid na Daan. Ito ang pinangako ng pangulong ibinoto niya noong 2010. Naniwala siya sa isang mabuting simula, sa mga pagbabagong mangyayari sa pamamahala ng isang taong tapat. Nais niyang lumaki ang kanyang mga anak sa paniniwalang maaring mabuhay at magtagumpay sa marangal na paraan.
![]() |
Photo credit : Amy Muga Photographs |
Marami rin siyang nakitang pagbabago sa nakalipas na limang taon. Maraming mga gusaling naipatayo at panibagong lansangang nabuksan para maibsan ang lumalalang trapik sa iba't ibang sulok ng siyudad. Nakapagtalaga ng ilang mahusay na pinuno sa iba't ibang ahensyang pampamahalaan. May panibagong mga sistemang pinairal upang makasabay ang sambayanan sa pag-unlad ng iba pang mga bayan. Gumanda naman ang takbo ng ekonomiya, ayon na rin sa mga pahayagang kanyang nabasa. Magkasalungat nga lang ang mga naisulat tungkol dito; marami ring nagsasabi na ang higit na nakinabang sa pag-unlad ng bayan ay ang mga dambuhalang negosyante't dati nang nakaririwasa ang buhay. Napakulong ang ilang tiwaling mga lider politiko at iba pang mga negosyante habang dinidinig ang mga kasong isinampa sa kanila.
Alam niya noon pa man, na napakalaking hamon ang bubunuin ng sino mang papalit sa naunang administrasyon, na balon ng korupsyon, anomalya at mga kaso ng paglabag sa karapatang pantao.
Hindi simpleng pagpapalit lang ng liderato ang kailangang mangyari upang mawaksi ang malaganap na korupsyon at walang patawad na pagsaid sa pondong nararapat sanang ilaan para sa pangangailangan ng sambayanan. Napakulong nga ang ilang tiwaling opisyal pero hindi pa rin naiaalis sa poder ang ilang makapangyarihan. Lumaki ang bilang ng naipatayong panibagong gusali at dambuhalang mga mall pero dumami rin ang bilang ng maralitang kailangang ilipat sa mga liblib na komunidad na may kakulangan pa ng serbisyong panlipunan. Nakita niya ang pagkahaba-habang linya ng mga pasaherong pumipila patungong tarangkahan ng MRT. Hindi ito miminsanang karanasan ng mga pasahero kundi araw-araw na kalbaryo nila. Sa kanayunan, mababasa pa rin ang mga balita tungkol sa paglabag sa karapatang pantao, lalo na sa hanay ng mga katutubo. Hindi pa rin nakakamit ng mga kapamilya ng SAF 44 ang katarungan sa pagkasawi ng kanilang mga mahal sa buhay.
Tatalakayin kaya ang mga ito sa SONA ng pangulo?
Hindi naman siya umasa sa milagro. Nakayapak naman siya sa lupa. Kaya lang inaasahan niya ang katapatan sa mga taong nagbibitaw ng pangako lalo na sa mga taong hinalal batay sa kanilang mga pangako sa sambayanan.
Pangkaraniwang ina lang siya at hindi naman siya naghangad ng marangyang buhay para sa kanyang pamilya. Tulad ng marami, nais niyang lumaki ang kanyang mga anak sa paniniwalang posible nilang abutin ang kani-kanilang mga pangarap sa marangal na paraan at hindi sa palakasan sa sino mang nasa poder. Sana maramdaman nila ang sinseridad ng pamahalaan na tugunan ang pangangailangan ng pangkaraniwang mamayan sa tapat at maayos na serbisyo sa bayan. Sana makita niyang pinapahalagahan at nabibigyang katarungan ang pangkaraniwang mamamayan, ang mga naisasantabing mga grupo, hindi lamang sa panahong malapit na ang halalan.