Wednesday, 29 April 2015

Ina sa Piitan

Isinulat ko ang tulang ito para sa kababayan nating si Mary Jane Veloso at iba pang nasa kaparehong kalagayan sa ibang bayan.

Sabi nila mahina kang tao,
mapurol at madaling naloko,
naniwala agad sa pangako,
trabaho't kita para kay bunso.


Kahinaan bang mangarap ng gising,
kaginhawaan para sa supling
mapag-aral at mapagtapos,
masubukan buhay na di busabos?

Tanong nila bakit nagtiwala,
sa kamag-anak na pinagpala,
nabilog magdala ng maleta
kusang sinilidan ng droga.

Kasalanan bang magtiwala

sa taong itinuring na kadugo?
sa paghingi niya ng tulong
iisipin ba niyang siya'y ipagkanulo?

Kasong bitay ang hatol sa iyo,,
hukuman sadyang walang sinanto.
nangarap ka't nagising na totoo
kwento ng mga kababayang naloko.

Limang taon kang nasa piitan,
puno ng lungkot at agam-agam,
di mo alam ang kahihinatnan,
ng kasong mapait at iniyakan.

Bilin mo sa iyong ama't ina,
huwag umiyak at handa ka na
harapin ang nakahandang bala,
magdadala sa iyo sa  payapa.

Bilin mo sa iyong mga anak
huwag malungkot, huwag umiyak,
papunta ka sa lugar na busilak,
mapayapa at wala nang hirap.

Madaling araw, aming nalaman
sentensya sa iyo'y pinagliban.
tagumpay sana ng katarungan
sama-samang pakikipaglaban.

Kwento mo ay kwento ng marami

mga taong sumubok, nagbakasakali,
lumaban, nakipagsapalaran,
makaalpas sa buhay na kinasadlakan.

Sana'y hindi ito kuwentong tapos,

sa pagpaparaya't paghihikahos,
tiklop-tuhod na pagsusumamo,
na mabuhay nang 'di nakagapos.


My Favorite Post!

Remembering Nanay

                                       Photo by  Aaron Burden  from  Pexels   It was a time of disquiet then; the protest movement against t...