Friday, 13 March 2015

Pangungulila at Pagbangon

    
"Cinderella" Artwork by Regina Muga, March 2015 All Rights Reserved


     Isang kuwentong pambata na naging laman ng mga pananalaysay sa loob at labas ng paaralan ang binigyang buhay muli sa pelikulang ipinalabas ng Disney Films ngayong 2015. Kuwento ito ng isang kabataang lumaking mapagmahal sa kapwa, naulila sa mga magulang at pinagmalupitan ng mga taong inaasahan niyang aaruga at magmamahal sa kanya bilang kapamilya. Nakilala niya ang isang taong nagmahal sa kanya at naging daan para makalayo siya sa mga taong sa mga taong umabuso ng kanyang kabutihan.

    Kuwento ito ni Cinderella, ang ulilang nasalo ng isang prinsipe mula sa mahirap na buhay. Pinanood ko ito kahapon kasama ng aking bunsong anak. Sa simula, nag-alangan akong panoorin ito dahil makailang ulit ko na ring napanood ang ganitong kuwento-mula sa animated cartoon ng Disney Films, sa ilang dulang pangtelebisyon at pangtanghalan pati na rin ang isang pelikulang pinagbidahan ni Drew Barrymoore ilang taon na ring nakalipas. Pinili naming panoorin itong aking anak dahil inaasahan naming magaan ito at masarap panoodin. 

     Sa ilalim ng direksiyon ng batikang artistang si Kenneth Branagh, nabigyang buhay at kulay ang kuwentong kinagiliwan ng maraming bata’t matanda. Natutuwa akong hindi nila hinayaang “biktima” ang turing ni Cinderella sa kanyang sarili, bagkus, naipamalas niya an kanyang mga kalakasan sa maraming pagkakataon sa pelikula. Hindi tuluyang  nabura ang kanyang pagkatao kahit dumaan siya sa butas ng karayom. Kaya lang, katulad rin ng pelikula ang laman ng orihinal na kuwento;sa kahuli-hulihan kailangan  pa rin ni Cinderella ng isang taong makapangyarihan para saluhin siya sa sitwasyong hindi makatarungan. 

     Kung mabibigyan ako ng pagkakataong gumawa ng mas makabuluhang  kuwento ni Cinderella na angkop sa ating panahon, maari ko sigurong isulat ang ilang matingkad na karanasan ng ilang kababaihang hindi sumuko kahit sa pinakamadilim na bahagi ng kanilang buhay. Maari ko rin sigurong palawigin ang kuwento ng kanyang pangalawang ina o mga kapatid, para maipakitang hindi naman lahat ng tao ay ubod ng sama o ubod ng bait.  Maaring pagyamanin ang kwentuhan ni Cinderella at ng prinsipe. Maari ring magtapos ang kuwento hindi sa pag-iisang dibdib kundi sa mas malawak na pananaw ni Cinderella sa sitwasyong kanyang kinapalooban dati, maging pagtulong niya sa maraming pang kababaihan at kabataang araw-araw na nabubuhay sa sitwasyong mapanganib at mapang-abuso. 

                                                                 ***

     Ilang linggo na ring nakaraan nang mapanood namin ang "Nanay Mameng: Isang Dula," isang malikhaing pagsasalarawan ng buhay ng  lider anak-pawis na si Carmen "Nanay Mameng" Deunida. Ikinagagalak kong mapanood ito, kasama ng aking bunsong anak at ang aking asawa, dahil pinaghandaan mabuti ang dula, mahusay ang pagkakaganap ng mga artista at higit sa lahat makabuluhan ang paksang tinatalakay dito. Sabi ko nga sa anak ko, napakagandang halimbawa si Nanay Mameng sa pagkilos at hindi pagsuko kahit na dumaan sa masaklap na mga yugto ng buhay, kabilang na dito ang pakikipaghiwalay sa asawang nanakit sa kanya.  Hindi kinakailangang maghintay ng isang prinsipeng  sasalo sa iyo o maniwala sa salamangkang magagawa ng isang makapangyarihang nilalang upang simulan ang pagbabago sa iyong buhay, ipaglaban at igiit ang yong karapatan at karapatan ng iyong kapwa. 


Final scene from Nanay Mameng: Isang Dula. The play was sponsored by the Urban Poor Resoure Center of the Philippines and the Kalipunang Damayang Mahihirap (KADAMAY)






















Acknowledgement: Cover photo of souvenir program for Nanay Mameng: Isang Dula
produced by the Urban Poor Resource Center of the Philippines and KADAMAY

Acknowledgement: Nanay Mameng Deunida artwork by Paps Ospmubal




My Favorite Post!

Remembering Nanay

                                       Photo by  Aaron Burden  from  Pexels   It was a time of disquiet then; the protest movement against t...