May isang kuwentong pambata na naalala ko ngayong malapit nang sumapit ang Pasko.
Kuwento ito ng isang batang maralita na nakatira sa isang malayong bayan sa hilaga. Nagtitinda siya ng posporo sa lansangang nababalutan ng niyebe. Ginaw na ginaw siya sa lamig ng kanyang paligid; kumakalam na rin ang kanyang sikmura sa gutom. Gusto na niyang umuwi sa kanilang tahanan, kaya lang hindi pa ubos ang kanyang paninda. Natatakot siyang masaktan muli ng kanyang ama. Nagsindi na lang siya ng ilang posporong maaring magbigay ng ginhawa sa nanunuot na lamig na kanyang nararamdaman.
'Mahiwaga' ang nangyari pagkatapos niyang sindihan ang unang posporo, dahil lumitaw sa isang iglap, ang isang mesang punong-puno ng masarap na mga pagkain- ubas, peras, mansanas, mga matamis na tinapay na inaasam niyang matikman.
Noon pa man, sinasabi niya sa sarili, magsisipag siya sa pagtitinda ng posporo at mag-iipon para makapag-aral. Balang araw, makakakain rin siya ng masarap na mga pagkaing nakikita niya sa mga tindahan at kainan.
Minsan napadaan siya sa labas ng ilang tahanang napapalamutian ng makikintab na dekorasyon at kumukutitap na ilaw, Nasilip niya ang mga batang kasalo ng kanilang mga magulang sa pagkain. Manghang-mangha siya kapag nakikita niya ang mga mag-anak na masaya at nagmamahalan. Sana, sabi niya sa kanyang sarili, maramdaman rin niya ang pagmamahal ng kanyang ama.
Habang naiisip niya ang mga ito, bigla na lang naglaho ang mesang may laman ng pagkain sa kanyang harapan. Naubos na pala ang posporong sinindihan niya. Nagsindi siya ng isa pang posporo. Nakita niya ang isang silid na may mesang punong-puno ng pagkain. Naroon rin ang kanyang lola na matagal nang namayapa. Buong pagmamahal siyang yinakap nito. Naiiyak naman niyang yinakap ito ng mahigpit. Matagal na siyang nangungulila sa kanyang lola; inaruga at ipinagtanggol siya nito pagkatapos mamatay ang kanyang ina. Sa kanya niya naramdaman ang tunay na pagmamahal at paniniwala sa kanyang kakayanan.
Hindi na niya namalayan na huling posporo na rin ang nasindihan niya. Sa pagkaubos ng sindi nito, tuluyan na ring naglaho sa kanyang paningin ang kanyang lola, pati na rin ang magandang silid na may mesang punong-puno ng pagkain.
Natagpuan kinabukasan ang batang nagtitinda ng posporo, na namatay bunga ng lamig na dulot ng niyebe.
Nalungkot ako noong una kong mabasa ang kuwentong ito, na orihinal na akda ng kuwentistang pambata na si Hans Christian Andersen. Maraming mga bata ang nakararanas ng hirap at gutom, maaring mula pa nang pinagbubuntis sila ng kanilang mga ina.
Marami ring mga bata ang nakararanas ng pananakit sa kani-kanilang mga tahanan. Dahil sa hirap ng buhay, bunga na rin ng sistemang panlipunang kinapapalooban nila, maraming mga magulang ang nawawalan na ng panahon para mag-aruga, gabayan at iparamdam ang pagmamahal na kailangan ng kanilang mga anak. Mas madali tuloy nahihimok ang maraming kabataan na sumama sa mga gawaing naglalagay sa kanila sa panganib at pang-aabuso.
Malaking bagay ang magagawa ng pamayanan o mga taong nagmamahal at naniniwala sa kakayanan ng bawa't batang dumaraan sa mahirap na mga karanasan. Tulad ng lang ng lola sa kuwento ni Hans Christian Andersen na nagpamalas ng taos-pusong pagmamahal sa kanyang apo. Maaring ito rin ang dahilan kung bakit hindi nawalan ng pag-asa ang batang nagtitinda ng posporo sa lansangang nabalutan ng niyebe isang gabi ng Disyembre.