Sinasabing kapag naging isang ina, magkakaroon ng mga pagbabago sa sarili, hindi lamang sa pisikal na kaanyuhan kundi pati na rin sa mga pananaw sa napakaraming mga bagay. Kahalintulad ito ng isang kahong sisidlan na natanggalan ng takip. Lalong tumitingkad kung alin ang mahalaga at kung ano naman ang maari mo nang palampasin. Nabibigyang patotoo ang pagmamahal na walang hinihintay na kapalit. Lumalawak ang pananaw mo sa mundong gusto mong kalakihan ng iyong anak at iba pang mga bata, isang mundong buhay pa rin ang katarungan at pag-asa.
Isa rin akong ina. Magmula pa noong pinagbubuntis ko ang aking mga anak, panalangin ko na patnubayan sila ng Maykapal, na lumaki silang ramdam ang pagmamahal naming dalawa ng kanilang ama at ang kabutihan ng mga taong nakapaligid sa kanila.
Sa gawain ko sa komunidad, marami na rin akong nakilalang mga kabataang dumaan sa iba't ibang mahirap at masaklap na mga karanasan sa buhay. Napakalaki ang naitulong sa kanilang pagbangon ng kanilang mga kaanak, mga guro at iba pang miyembro ng komunidad na nagmamalasakit sa kapakanan nila. Isang malaking hakbang ang maiparamdam sa kanila ang kanilang kahalagahan, ang kanilang kabutihan, na malaman nilang may patutunguhan ang kanilang pinaghihirapang gawain, sa tahanan man o sa paaralan.
Natatandaan ko ang isang maiksing video na unang naipaskil sa social media ilang linggo na ring nakaraan. Ipinakita dito ang isang batang umiiyak at nanginginig sa takot pagkatapos siyang tutukan ng patalim ng isang magnanakaw. Kinuha sapilitan ang kanyang kinita sa magdamagan niyang paglalako ng pandesal. Hindi man lamang inalintana na batang maralita ang pinagnakawan niya.
Ang pagtitinda ng pandesal ay hindi katuwaan o palipas oras lamang ng bata. Nagsisimula siyang magtinda ala-singko y medya ng umaga, pangkaraniwang oras ng pagkain ng umagahan ng maraming batang mag-aaral. Sa kaunting kikitain, pagkakasyahin niya ito sa tulong na iaabot niya sa kanyang pamilya at kaunting halagang maiiwan para sa pangangailangan niya sa paaralan. Nag-iipon rin siya para makabili ng isang bisikletang ni sa panaginip marahil ay alam niyang hindi mabibili ng kanyang ina para sa kanya. Single mom ang kanyang ina, nagtatrabaho ito bilang labandera.
Kung hindi pa ito naibalita at tuluyang tinutukan ng pamahalaang lokal ng kanyang pamayanan, maaring natabunan na ang kaso niya. Dadalhin niya hanggang sa kanyang paglaki ang bigat ng kanyang karanasan. Maaring dalhin niyang aral ang magkubli sa takot, huwag magkusa at mangarap.
Inaasahan kong manaig ang katarungan, na makakamit niya ito kasama ng iba pang mga batang nakaranas ng pagpapahirap. Sana matutunan niya na maari pa ring magpunyagi at mangarap, na hindi panghabangbuhay na pasanin ang kanyang karanasan, na sasamahan siya at hindi pababayaan ng kanyang pamilya't pamayanan.