Friday, 24 October 2014

Survival

     Naging matingkad na balita kamakailan, ang mga alagasyon sa paglabag sa Republic Act 9262 o Anti-Violence Against Women and Children Act of 2004, ng dalawang kilalang personalidad ng ating bayan. Ang isa’y sikat na artista ng pelikulang tabing, na hindi nakilalang may asawa’t anak.  Ang pangalawa naman ay halal na opisyal ng isang pamahalaang panlalawigan sa timog silangang bahagi ng Luzon.

     Naunang  naibalita ang alegasyon ng pang-aabuso ng isang artista laban sa kanyang legal na asawa, mula pisikal at sikolohikal na pananakit, ekonomikong panggigipit pati sekswal na pang-aabuso. Huling balita dito ay iniurong na ng asawa ang demanda niya laban sa artista pagkatapos magkasundo sa hinihinging suporta para sa kanilang anak. Hindi naging madali ang pinagdaanan ng asawa ng artista upang ipagtanggol ang karapatan ng kanyang anak na matagal ring hindi kinilala ng artista.

     Ibinalita rin ang paglitaw ng legal na asawa ng isang opisyal ng pamahalaang panlalawigan,  na inakala ng marami na dinukot at itinatago. Lumantad siya, kasama ng kanyang abugado at isang kaibigan, sa isang panayam sa programang pantelebisyon. Ibinahagi niya ang hirap ng kanyang kalooban sa lantarang pangangaliwa ng kanyang asawa. Nagdesisyon siyang magplano ng pagtakas, matapos niyang matakot sa ipinakitang galit at pagbabanta ng kanyang asawa. Pinakitaan siya ng baril, na ginamit rin para hampasin at sirain ang gamit niyang computer; pilit pang kinuha ang  ginagamit niyang mga mobile phone. Pinagbintangan siyang nagpakalat sa social media ng mga sensitibong litrato at video ng opisyal at  karelasyon nito.

     Natatandaan ko tuloy ang isang artistang nakapangasawa ng isang politiko mula sa isang mayaman at makapangyarihang angkan, ng isang lalawigan sa hilagang bahagi ng Luzon.  Sa ilang artikulong naisulat tungkol sa buhay niya, binahagi kung paano siya nailagay at nanatili sa mahabang panahon sa loob ng sa isang mapang-abusong relasyon. Inilayo siya ng kanyang  asawa sa mga mahal niya sa buhay at sa mundong ginagalawan niya dati. Sunod-sunod ang kanyang pagbubuntis kaya lalong kinailangang kumapit siya  sa suportang pinansiyal na ibinibigay ng kanyang asawa. Nakatanggap siya ng pisikal na pananakit at emosyunal na pang-aabuso mula sa kanyang asawa. Nagtangka siyang magpatulong sa isang samahan ng kababaihan pero iniwan rin niya ito nung bandang huli.  Mag-isa siya sa huling sandal ng kanyang buhay, hindi siya pinanigan ng sarili niyang mga anak. 


Ina sa pagbangon, a drawing by Regina Muga, 2014

     Ilang taon na ring lumipas ng nakilala ko ang mga naulila ng isang inang namatay sa pambubogbog ng kanyang kinakasama. Hindi aakalaing nanatili siya sa relasyong mapang-abuso ng matagal na panahon.  Panganay siyang anak, nagtapos ng pag-aaral sa sariling sikap, nagtatrabaho at binubuhay mag-isa ang kanyang batang anak. Nalungkot ako para sa kanya at para sa mga naiwan niya. Matanda na ang kanyang mga magulang, nabahagi nila na hirap silang maghanap ng ikabubuhay para mapag-aral ang kanilang apo.

     Marami na ring pananaliksik na naisagawa tungkol sa mga dahilan kung bakit nailalagay at napananatili ang isang tao sa isang mapang-abusong relasyon. Isa na rito ang mga kinamulatang pananaw patungkol sa papel na dapat gampanan ng bawa't isang miyembro ng pamilya. Naisulat ng dalubhasang si Dr. Lourdes Carandang ang konsepto ng "tagasalo" o miyembro ng pamilya na aako ng responsibilidad sa mga suliranin sa tahanan kahit bata pa siya kung tutuusin. Madalas na gumagampan bilang "tagasalo" ang mga anak na babae, lalo na ang panganay. Iminulat sila, sa napakamurang edad, na gawin ang lahat ng makakaya para panatilihin ang  kaayusan sa loob ng tahanan, mahirap man ang sitwasyong hinaharap nila.  Walang puwang ang pagtakas sa responsibilidad na pinaako sa kanila. Naroon rin ang pananaw na kailangang sumailalim ang mahina sa malakas, ang binubuhay sa bumubuhay, ang asawang babae sa asawang lalaki. Marami rin ang naniniwalang hindi dapat makilalam sa karahasang sila mismo ay nakakasaksi sa paniniwalang  problemang pangmag-asawa ito, Hindi ako sang-ayon sa ganitong mga pananaw. 

     Isang hamon ang pag-alis sa isang mapang-abusong relasyon. Tunay na mahirap iwanan ang mga anak sa isang tahanang hindi ligtas. Maraming naabusong kababaihan na patuloy na kumakapit sa suportang ibibigay ng kanilang mga asawa o karelasyon.  Payo ko na magplano at isama sa plano ang pag-ipon o pagtatabi ng pera. Maaring ipatago ang perang naipon sa isang mapagkakatiwalaang kaibigan o kamag-anak.  Mahalagang gawin ito ng sino mang nasa sitwasyong mapang-abuso, para kung sakaling kakailanganin nilang umalis, malaya nilang magagawa ito nang hindi nila iisipin pa kung saan kukuha ng pamasahe papuntang ligtas na lugar o maging pinakamalapit na shelter. 

     Kailangan ring magpalakas ng pangangatawan. Hindi birong  mabuhay sa kalagayang 'di ligtas. Na-counsel ko dati ang isang ina na hindi binibigyan ng sapat at masustansiyang pagkain ng kanyang asawa. Makakakain lamang siya kung may matitirang pagkain sa pinggan ng kanyang asawa. Tirang kanin na nakalubog sa manipis na sabaw ang iniiwan sa kanya. Nagpatulong na ako sa mga kakilala sa parokya na pansamantalang isama muna siya sa kanilang feeding program. 

     Mahalagang tukuyin  kung sino-sino ang maaring maging kaalyado mula sa pinagkakatiwalaang mga kaibigan, kamag-anak at kapitbahay. Kailangan ring ipaalam ang nangyayaring pang-aabuso sa kanila. May nakausap akong ina na ayaw ipaalam ang tunay na nangyayari sa kanyang mga magulang at kapatid. Nahihiya siya sa pangyayari at ayaw niyang dumilim ang paningin nila sa kanyang asawa. Isang ina naman ang ni-refer sa akin para sa counseling ng isang mapagkawanggawang kapitbahay. Kinailangang ikubli ang pagpunta niya sa counseling, natatakot silang maulit ang pananakit ng asawa ng ina.

     Napakalaki ang magagawa ng isang komunidad na mapagmalasakit sa kapakanan ng sino mang nailalagay sa sitwasyong mapang-abuso.  Natatandaan ko ang pagkausap ng community leaders sa isang lalaking pisikal na sinasaktan ang kanyang asawa. Binalaan nila ito na bibitbitin siya sa presinto sakaling ulitin niya ang pananakit sa kanyang asawa. Pinapalakas rin nila ang kalooban ng ina na patuloy na tumatahak ng daan sa pagbangon.

                                                                        ***

     Maraming matatagpuang mga artikulo sa internet, kasama na ang mga video na matatagpuan sa Youtube.com, tungkol sa paksa ng karahasan sa mga kababaihan at kanilang mga anak. 

     Mabuting maibahagi ang mga video na ito para lalong maunawaan ang isyu ng karahasan at kung bakit hindi dapat manatiling tikom ang labi ang tiklop ang tuhod sa mga pagkakataong kailangan ng tulong ng mga biktima ng pang-aabuso.

     Natagpuan ko ang video na ito sa Youtube, na proyekto ng mga estudyante ng isang klase ni Professor Rowena Guazon sa University of the Phiippines. Magandang mapanood ito ng mga kabataan para maunawaan nila ang aspeto ng pang-aabuso sa isang relasyon. 


Acknowledgement:  PITO KABABAIHAN Project of the Local Government Class 
(2nd sem SY 08-09) under Prof. Rowena Guanzon

My Favorite Post!

Remembering Nanay

                                       Photo by  Aaron Burden  from  Pexels   It was a time of disquiet then; the protest movement against t...