Monday, 13 October 2014

Paghahabol ng pangarap o pagiging gahaman?

Isa sa mga kuwentong palaisipan sa akin noong bata pa ako ay isinulat ni Leo Tolstoy. Kuwento ito tungkol kay Pahom, isang magbubukid na naghangad magkaroon ng napakalawak na lupain.  Handa siyang dumaan sa butas ng karayom mapasakamay lamang ang lupang ni sa panaginip ay hindi niya maangkin. 

Tulad ng iba pang magbubukid, mahirap ang pamilya ni Pahom.  HIndi naman niya alintana ang kanilang katayuan sa buhay, hanggang marinig niya ang pag-aalipusta ng  nakatatandang kapatid ng kanyang asawa. Magmula noon, tinutukan ni Pahom na magkaroon ng sariling lupain, na maaring  daan para umunlad ang kanilang buhay.  Nakabili siya ng lupang pananiman at naging matagumpay siya sa gawain niya sa bukid. Pagkatapos ng ilang taon, nakabili  pa siya ng lupaing higit na malawak kumpara sa dati niyang sakahan  Malaki ang tubong nakuha niya mula sa dobleng laki ng kanyang ani.  

Nakilala niya ang isang negosyanteng nagbahagi ng kanyang karanasan sa pagbili ng lupain, sa napakamurang halaga, mula sa isang tribong nagmamay-ari ng napakayaman at napakalawak na lupa. Nagdesisyon si Pahom na subukang kausapin ang pinuno ng tribo para makabili rin siya ng lupang inaasam,

HIndi nahirapan si Pahom mapapayag ang pinuno. Ikinagulat pa niya ang pahayag  nito na maari siyang makabili ng lupang kaya niyang lakaran at ikutan sa isang araw. Kailangan lang makabalik siya sa itinakdang lugar, bago lumubog ang araw. Kung hindi,  wala siyang makukuhang lupa at hindi na maibabalik ang kanyang ibinayad. 

Nilakad ni Pahom ang  pinakamalayong pook sa lupain pag-aari ng tribo. Pagod na pagod na siya. Nagpasiya siyang magpahinga muna hanggang tuluyan na siyang maka-idlip. Pagkagising niya, dumidilim na rin ang langit. Nagmadali siyang maglakad at tuluyan na siyang tumakbo pabalik ng lugar na pinagkasunduan nila ng pinuno. Hapong-hapo na siya at nagdurugo na rin ang kanyang mga paa sa katatakbo. Bagama't umabot siya sa lugar kung saan naroon na rin ang pinuno ng tribo at iba pang mga kasama nito, bumigay na rin ang kanyang katawan sa sobrang pagod.

Inilibing siya at tinabunan ng lupang umabot ng anim na talampakan.

Anim na talampakang lupa ang tanging nadala niya sa kanyang libingan.

****

Naging mapusok ba si Pahom dahil naghahabol siya ng pangarap? Pagiging gahaman ba ang mangarap at gawin ang lahat ng makakaya para masakatuparan ito?

Naalala ko ang kuwento ni Pahom pagkatapos kong mabasa sa mga pahayagan ang mga alegasyon ng katiwalian laban sa ilang matataas na pinuno ng ating bayan. Isa sa kanila ay ibinoto ko noong 2010 dahil sa pagtulong niya sa maraming biktima ng karapatang pantao noong panahon ng diktadura.  Kung totoo ang mga alegasyong ito, nakapanlulumong isipin na pawang mga salitang ampaw ang kanyang binigkas tungkol sa katapatan at pagmamahal sa sambayanan.

Paano kaya nila naatim  linlangin ang taumbayan sa kagustuhan nilang magkamal ng walang katapusang kayamanan? Paano kaya nila nasisikmurang ipambili ang perang dapat sana'y  napunta para sa mga proyektong magbubukas ng oportunidad sa mga maralita? Gaano ba kalaki ang kayamanang kailangan nilang makamtan para magkaroon ng kapanatagan sa kanilang kaluluwa?

Kung totoo ang mga alegasyong ibinato sa kanila, tiyak akong hindi lang paghahabol ng pangarap ang laman ng kanilang puso. 

My Favorite Post!

Remembering Nanay

                                       Photo by  Aaron Burden  from  Pexels   It was a time of disquiet then; the protest movement against t...