Thursday, 11 September 2014

MRT

Regular na commuter ng MRT ang anak ko.  

Maaga siyang gumigising araw-araw para maglakad papuntang  pinakamalapit na istayon ng MRT.  Kadalasan, dinadala na lang niya ang kanyang almusal o magbabaon na lang siya ng biskwit pangtawid-gutom habang naghihintay sa napakahabang pila ng commuters.  Pinili niyang sumakay dito dahil sa di-kataasang singil sa pamasahe bukod pa sa bilis ng biyahe. Mahirap makipagsapalaran sumakay sa taxi, lalo na sa bus, na maaring tumagal ng higit sa dalawang oras ang biyahe, depende sa daloy ng trapiko. 


Bagama't mabilis ang biyahe dito kumpara sa iba pang mga sasakyan, kailangang magbaon ng napakahabang pisi ng pasensiya ang sino mang sasakay dito. Kailangang handa ring pumila sa linyang pawang "dulo ng walang hanggan." Huwag na ring indahin ang pagtayo sa maliit na ispasyo na ninipis pa dahil sa pagdagsa ng mga commuter. Noong huling sakay ko dito, pawang pinipiping lata ang pakiramdam ko dahil sa dami ng mga taong nakasabay ko.

Hindi ito isang beses o dalawang beses na pangyayari. Araw-araw na reyalidad ito ng mga commuter ng MRT, tulad ng anak ko.

Photo Acknowledgement: This photograph was taken by Mark Balmores for
Manila Bulletin. 

***
Natatandaan ko nang itinayo ang isang istasyon ng MRT malapit sa komunidad namin. Siyempre pa, tulad ng marami, nakatutuwang malaman na magkakaroon ng tren na babagtas sa mahabang lansangan ng EDSA. Hindi na kailangang makipagsapalaran sa trapik tuwing papasok o uuwi galing sa trabaho. Kahit nakatayo nang matagal, dahil air-con ang mga bagon nito, hindi ka rin lalabas na pawisan o magmumukhang may mabigat na pasaning dala-dala.

Naalala ko tuloy nang itinayo ang Light Rail Transit system. Binagtas nito   ang bahagi ng Taft Avenue na tapat ng pamantasang pinasukan ko sa kolehiyo. Alam kong maraming ginhawang maidudulot nito kaya lang marami rin namang naapektuhang mga negosyo, lalo na ang mga kainan na nasa tapat ng pamantasan ko.  Naroon rin ang ingay na dulot nang unang dumaan ang tren sa harap ng gusali namin na pinakamapalapit dito. Kailangang huminto ang propesor sa pagtuturo niya dahil hindi na rin namin maririnig ang kanyang binabahagi. 

***
Sana, magkaroon na rin ng pangmatagalang solusyon para mapabuti ang mass transport system ng bayan natin. Napakalaking ginhawa ang maidudulot nito sa buhay ng pangkaraniwang mga mamamayan.



Seryosohin sana ng pamahalaan ang pagpapabuti ng iba't ibang serbisyo para sa bayan, kasama na dito ang pagsasaayos ng  suliranin sa trapiko pati na rin ang krisis sa  mass transport system ng ating bayan. 

Hindi na kailangang hilingin na maglaan ng kaunting pag-unawa at sakripisyo ang mga commuters,  dahil araw-araw na nilang ginagawa ito. 




Reference:

Buelva,Alma. "Is MRT Among the World's Worst Trains." Manila Bulletin
http://www.mb.com.ph/is-mrt-among-the-worlds-worst-trains/

My Favorite Post!

Remembering Nanay

                                       Photo by  Aaron Burden  from  Pexels   It was a time of disquiet then; the protest movement against t...