May ilang pelikulang Pinoy na nakatulong sa pagkamulat ko sa umiiral na sistemang panlipunan noong panahon ng batas militar. Malaki ang pagkakaiba ng mga ito sa ilang mga pelikulang napanood ko sa telebisyon noon, na pawang ampaw para sa akin-magandang pagmasdan pero walang laman. Walang sustansiyang magbibigay ginhawa sa kumakalam na sikmura, walang dagdag kaalaman na maaring magbigay ng kakayanang mabago ang iyong kalagayan sa buhay.
Unang pelikulang umantig sa akin ay ang pelikulang obra ni Lino Brocka na "Tinimbang ka Nguni't Kulang." Kuwento ito ng isang kabataan na pawang piping saksi sa mga nangyayari sa kanilang maliit na komunidad sa probinsya. Nabuksan ang mata niya sa mga pagkukunwari ng mg taong nirespeto niya kasama na ang ang pagkawala ng pagmamalasakit para sa mga bulnerable at naisasantabing mga tao. Nakilala rin niya ang ilang mga taong nagbigay patotoo sa kabutihan ng kanyang kapwa, na maaring magmahal ng lubos ang mga maralita.
Baptism of fire ko ang pelikulang ito.
Napanood ko rin ang ilang mga pelikulang tumalakay sa pang-aabuso ng mga taong nasa poder sa ilalim ng batas militar. Nariyan ang pelikulang "MORAL"ni Marilou Diaz Abaya at ang" Sister Stella L" ni Mike de Leon. Hindi na simpleng pahaging ang pagtalakay sa mga isyu, kundi malinaw at matingkad na pagtalakay sa kawalan ng katarungan at pangangailangang huwag manahimik at magtiklop-tuhod ang sambayanan sa isang sistemang mapang-abuso.
Malayo na rin ang narating ng pelikulang Pilipino lalo na pagkatapos ng People Power Revolution. Marami rin ang hinarap na mga suliranin ng industrying pampelikula na kailangang makipagsabayan sa mga higanteng pelikulang dayuhan. Mabuti rin na nasimulan at naipagpatuloy ang mgapagpapalabas ng mga indie film sa ilalim ng Cinemalaya Film Festival.Taunang ginaganap ito upang bigyang pugay ang mga mahuhusay na pelikulang Pinoy.
Isa sa pelikulang ipinalabas sa ilalim ng Cinemalaya Film Festival ay ang ang "Mga Kuwentong Barbero (The Barber's Tale)," na halaw sa screenplay na nanalo na rin ng Palanca Awards noong 1997. Matapos kong mabasa ang ilang magandang rebyu sa kanya, nagdesisyon akong isama ang bunso kong anak sa panonood nito. Ipinanganak ko siya, maraming taon pagkatapos ng Edsa People Power Revolution. Kinalakihan niya ang isang bayang nakawala na sa gapos ng diktadurya. Gusto niyang matutunan ang mga pangyayari sa ating bayan noon.
Hindi ako nagkamali sa pagpili nito na pelikulang panonoorin namin ng aking anak. Palagay ko, paglabas niya ng sinehan, hindi lang dagdag na kaalaman tungkol sa mga nangyari sa ating bayan ang bitbit niya, kundi mas nabuksan ang kanyang pag-unawa sa kanyang kapwa, sa kanilang pinagdadaanang iba't ibang pagsubok sa buhay.
Malaking aral rin para sa kanya ang maaring magawa ng sama-samang pagkilos ng mamamayan kahit mukhang kailangang daanin pa sa butas ng karayom ang solusyon sa suliranin.
Kaya para sa kuwentistang si Jun Lana at mga taong nagbigay-buhay sa kuwento ni Marilou, Mabuhay Kayo! Padayon! Ipinagmamalaki ko kayo.
San Diego, Bayani Jr. "Barber's Tale: A Tribute to Strong Women."
Philippine Daily Inquirer. Aug.23, 2014
http://entertainment.inquirer.net/150041/barbers-tale-a-tribute-to-
strong-women