Thursday, 3 July 2014

Segundo

     Marami nang nagawang mga komersyal pantelebisyon na 
sumentro sa pamilya at sa komunidad. Tunay namang nakaaantig 
ng damdamin ang marami sa mga ito. Marami ring  komersyal na 
ginawa na matagumpay na nailagay sa ilang segundong kuwento 
ang mga bagay na mahalaga at nagpapayabong ng mga pangarap.  

    Maaring marami sa atin ang pamilyar sa isang serye ng komersyal 
na sumubok sagutin ang  katanungang " para kanino 
ka bumabangon?" Ipinalabas ito ilang taon na ring nakaraan. 
Ibinahagi ang mga kuwento ng iba’t ibang pangkaraniwang tao sa 
piling ng mga taong pinahahalagahan nila, mga taong naging 
inspirasyon sa kanilang kagustuhang bumangon at harapin 
ang  pang-araw araw na mga hamon sa buhay.  

     Nagandahan ako sa ilang  segundong pagbabahagi ng isang 
guro habang tahimik siyang nagninilay at umiinom ng  isang 
tasang kape.  Simpleng almusal ang kanyang kakainin bilang 
paghahanda sa buong araw na pagtuturo sa mga paslit sa isang 
pampublikong paaralan. Aninag sa kanyang mga mata ang ligaya 
niya sa pagtuturo; ligayang nakikita ko rin sa mga mukha ng ilang 
gurong kakilala ko at  naging kaibigan ko na rin.  

   Naantig ako sa pagbabahagi ng isang manggagawang pangkultura 
na bumisita sa isang  komunidad ng katutubo na tinutulungan niya. 
Ipinakita ang saya sa mukha ng mga katutubo sa kanyang
pagsama  sa  kanilang pangkulturang sayaw. Natatandaan ko tuloy 
ang mga kasamahan ko sa gawain na patuloy na na naroon sa iba't 
ibang komunidad at patuloy na tinutupad ang kanilang mga adhikain 
para sa mga maralita.

   Nakaaaliw namang panoorin ang isang traffic enforcer na naghahanda
sa kanyang gawain sa kalsada. Sinasabayan niya ng malikhaing sayaw ang 
pagbibigay niya ng direksiyon sa mga motorista. Ilang tao kaya 
napangiti at natanggalan niya ng ng init ng ulo  habang 
binabaybay nila ang masikip na lansangang punong-puno ng sasakyan.
Palagay ko, napakarami.

   Nakatutuwang isipin na maaring lumikha ng ilang segundong 
mga komersyal na tumatalakay sa mga bagay na tunay na mahalaga sa 
pangkaraniwang mga taong nagsisikap at nagpupunyagi sa kani-kanilang 
mga gawain sa buhay. 

    Para saan ba tayo bumabangon sa araw-araw? 
Ano ang nagbibigay sa atin ng inspirasyon ipagpatuloy ang 
ating mga gawain?

My Favorite Post!

Remembering Nanay

                                       Photo by  Aaron Burden  from  Pexels   It was a time of disquiet then; the protest movement against t...