"Walang sinuman ang nabubuhay para sa sarili lamang
Walang sinuman ang namamatay para sa sarili lamang
Koro:
Tayong lahat ay may pananagutan sa isa’t-isa
Tayong lahat ay tinipon ng Diyos na kapiling nya
Sa ating pagmamahalan at paglilingkod sa kaninuman
Tayo’y nagdadala ng balita ng kaligtasan
Sabay-sabay ngang mag-aawitan ang mga bansa
Tayo’y itinuring ng Panginoon bilang mga anak"
Fr.Eduardo Hontiveros, SJ
Isa sa pinakamagandang kanta na narinig ko, na inaawit
mula sa puso ng maraming mananampalataya ay ang
kantang "Pananagutan." Isinulat ito at nilapatan ng himig
ni Fr. Eduardo Hontiveros, SJ.
Mapayapang hamon ito sa pagsasabuhay ng ating
pananampalataya. Tapos na ang panahon sa panantiling
tiklop-tuhod sa gitna ng kawalan ng katarungan, pagkibit-balikat
sa kahirapang nakikita natin sa ating bayan o maging sa mga
bayang maligalig dahil sa digmaan.
Napanood ko kamakailan ang isang video documentary
tungkol sa hidwaan sa Gitnang Silangan. Nakalulungkot at
nakapanghihinayang ang bilang ng mga inosenteng nasawi sa
walang humpay na pagbomba sa lupain ng Gaza. Sana magkaroon
ng pangmatagalang resolusyon ang hidwaang ito; sana magtagal
ang tigil-putukan. Napakarami na ang nagbuwis ng buhay,
napakarami na ang naulila at nawalan ng mahal sa buhay.
Acknowledgement: Pananagutan MTV, performed by Himig Heswita, produced by
Jesuit Music Ministry. https://www.youtube.com/watch?v=y8PC7oh4t0w