Tuesday, 24 June 2014

Pangarap

     Sabi ng iba, libre ang mangarap. 

    Oo nga naman, napakasarap mangarap para sa sarili at para sa 
mga mahal mo sa buhay. Walang mawawala; libre lang naman  
ito.  Mangarap ka man ng simple o malakihan at magising kang 
nakangiti o hindi, sana lang dalhin at baunin kung ano 
ang mahalaga at nagpapayabong sa puso't diwa.

     Naitanong sa akin noon, kung ano ang mga pangarap ko 
sa buhay. Simple lang ang sagot ko dito, gusto ko maging isang 
abugadong nagtatanggol sa karapatan ng mga maralita.  
Gusto ko rin  maging isang guro ng mga paslit tulad ng aking ina, 
isang gurong mapagmahal at inspirasyon sa kanyang mga tinuturuan. 
Hindi ako naging abugado o guro pero masaya ako sa kasalukuyan 
kong bokasyon sa buhay, bilang isang gabay, isang tagapamatnubay.

    Naikwento ko rin sa mga anak ko na nangarap akong 
matagpuan ang isang taong may malalim na pagmamahal sa bayan.  
Mamahalin ko siya sa bawa't araw ng aking buhay. Natagpuan ko ang 
taong yun; naging mabuting ama siya ng aking mga anak at naging 
matalik ko rin siyang kaibigan. 

                                                       ***
      Sabi nila, mahirap mangarap kung hindi ka handang kumilos, 
magsakripisyo at magpunyagi sa katuparan ng mga ito.  
     
    Naalala ko si Ka Romy Castillo, isang lider manggagawang 
nakapanayam ko ilang taon na ring nakaraan. Natandaan  ko pa ang 
mga kuwento niya sa piitan at ang hirap na dinanas niya sa loob 
nito. Tinanong ko siya kung paano niya nagawang hindi bumigay 
sa mga panahong yun.Sabi niya, kung tutuusin, ga-munggo lang 
ang hirap na kanyang dinanas kumpara sa araw-araw na hirap na 
dinaranas ng karamihan sa ating bayan.  Sinikap niyang maging 
matibay hanggang sa kanyang paglaya. Pinayabong niya sa kanyang 
puso ang mga pangarap niya para sa mga manggagawa at iba pang
maralita.

     Noong huli naming pagkikita, aninag sa kanyang mga mata ang
pag-asa at tibay ng damdamin. Pumanaw siya noong Hunyo 5 dahil 
sa isang malubhang karamdaman.


Pagpupugay, Ka Romy Castillo!
Acknowledgement : Amy Muga's photograph
taken at an activity of the Balay Rehabilitation Center
Bantayog ng mga Bayani, 2010













     


     

     

     Nabasa ko ang balita tungkol sa engkwentro sa pagitan ng mga 
militar at ng grupong Abu Sayyaf sa Patikul, Sulu noong Hunyo 19.  
Maraming sundalong nasawi at nagtamo ng malubhang tama ng bala 
sa engkwentrong ito. Nakalulungkot na patuloy pa ring nangyayari 
ang mga labanang tulad nito sa bayan natin.

     Nasawi sa enkwentro ang batang opisyal na si 1st Lt. Roger Flores, 
miyembro ng Masiglahin class ng Philipine Military Academy (PMA).  
Isa sa "best and the brightest" ng PMA, maraming karangalan siyang 
naiuwi sa kanyang mga mahal sa buhay-ang kanyang mga magulang, 
kapatid at ang kanyang kasintahan. Sa kabila ng mga karangalang 
nakamtan, nanatili ang katauhan niyang masipag, mapagkumbaba 
at mapagmalasakit sa kapwa. 

    Pinangarap niyang maging tapat na sundalo ng bayan at natupad niya 
ito. Nanghihinayang ako sa maagang pagkamatay ng mga taong tulad niya
na humarap ng panganib at hirap para tuparin ang tungkulin nila sa
bayan.


1st Lt. Roger Flores,Acknowledgement:
Screendgrab from Bandila, ABS-CBN




     





    

      






     
     Mainit ring pinag-uusapan ngayon, bukod sa pagsuko ng dalawang  
senador na sinampahan ng  kasong plunder, ang pagtanggal sa pangalan 
ng artistang si Bb. Nora Aunor sa listahan ng mga gagawaran ng 
pinakamataas na parangal na maaring makamit ng isang artista ng 
bayan, na makilala bilang Pambansang Alagad ng Sining ng Pilipinas 
(National Artist).

     Bata pa lang ako noong una kong masaksihan ang  kakaibang
husay ni Nora. Napanood ko siya sa entablado habang inawit 
niya ang isang pamilyar na himig; natatandaan ko ang pagtahimik 
ng mga tao habang pinapakinggan siya. Magmula noon, naging
Noranian ako, katulad ng marami. Lumaki ako, kasama ng aking 
kapatid, sa mga kuwento at mga babasahin tungkol sa kanya. 
Pinanood ko ang marami niyang pelikula.

    Mahaba at masalimuot  ang kanyang  paglalakbay sa buhay, 
magmula sa panahong nagtitinda  siya ng tubig sa riles ng 
tren sa Iriga, Camarines, Norte. Dumaan siya sa hirap sa pagkamit 
niya ng mithiing tagumpay bilang isang artista. Hindi siya perpektong 
tao; marami siyang pagkukulang at pagkakamali tulad nating lahat.
Sa kabila ng mga ito naroon ang pagpupunyagi niyang paghusayin
ang sining ng kanyang pagganap at tahimik niyang pagtulong sa 
kanyang kapwa. Hindi na mabubura sa kasaysayan ang kanyang mga 
pelikula na patunay ng husay ng artistang Pilipino. 

   Umaasa akong maibibigay sa kanya ang karangalang nararapat
para sa kanya at para sa iba pang mga artista ng bayan. 


Nora Aunor in Brilliante Mendoza's "Thy Womb"
Acknowledgement: Photograph from Inquirer Entertainment










                                            

   
 


References:

ABS-CBN News Channel. "Brilliant Soldier killed in Sulu". 
Retrieved from https://anc.yahoo.com/news/brilliant-soldier-
killed-in-sulu-134412178.html

Jose, F.Sionil."Nora Aunor Deserves Award, Honor." Retrieved from
http://www.philstar.com/headlines/2014/06/24/1338347/nora-deserves-award-honor

Maggudayao, Mark. "Isang Pagpupugay Who was Labor Leader 
Romy Catillo to this Young Activist" Retrieved from http://www.interaksyon.com/article/88702/isang-pagpupugay--
who-was-labor-leader-romy-castillo-to-this-young-activist










My Favorite Post!

Remembering Nanay

                                       Photo by  Aaron Burden  from  Pexels   It was a time of disquiet then; the protest movement against t...