Monday, 20 April 2015

Kwentong Biyahe

Mag-ina, Photo Artwork by Amy Muga, 2014


     Minsan sa mga biyahe ko, nakakasabay ko ang ilang taong nagbibigay aral ng buhay sa akin. Pangkaraniwang commuters rin sila, tulad ko, pumipila sa mahahabang linya, kadalasan may dala-dalang mabigat na mga bagahe, handang tumakbo, makipagsiksikan at maghintay.

    Masarap ring makipagkwentuhan sa mga kapwa commuter sa biyahe. Maaring simulan sa mababaw na mga paksa na lalo pang mapapalalim depende sa haba ng biyahe,. Maaring mapag-usapan ang isyung matingkad sa mga pahayagan tulad ng pagtaas ng presyo ng pamasahe o kwento sa paboritong artista. Maari rin namang eksena sa pinapanood na telenobela. Isama mo na rin ang mga  tips sa mga lugar na magandang bisitahin.
Natandaan ko tuloy ang nakilala kong doktor sa isang biyahe papuntang Cagayan de Oro. May gawain ako noon para sa mga taong simbahang tumutulong sa mga kababaihang nasa bulnerableng katayuan. Naikwento niya sa akin ang hirap na pinagdaanan ng kanyang mag-anak nang nagkaroon ng malaking pagbaha noong 2011. Patuloy siyang tumutulong sa mga kababayan niyang nasalanta tulad ng marami pa sa kanilang komunidad. 

    Biyahe ko ring itunuturing ang pagsakay sa  MRT o sa LRT. Sa mga sumasakay sa tren, lalo na kapag rush hour, pamilyar na eksena na ang mahabang pila papuntang tarangkahan ng palapag na paghihintayan mo ng tren. Naroon pa ang siksikan sa loob . Mabuti at may mabuting mga Samaritano pa rin  para sa  mga matatanda at mga inang may kalong na sanggol o paslit.

    Isang araw, pag-uwi ko mula sa Pedro Gil station sa Maynila, nakasabay ko ang mag-inang nanggaling sa Philippine General Hospital (PGH).  Kalong ng ina ang kanyang siyam na taong gulang na anak na may hydrocephalus. Hindi makapaglakad ang  bata bunga ng pisikal na kalagayan ng kanyang ulo.  Aninag ko ang pagmamahal, ang tapang at lakas ng kalooban ng ina. Hindi madaling buhatin ang anak niya papuntang LRT patungong pagamutan, pero ginagawa rin niya ito linggo-linggo. Naniniwala akong tunay na mangingibabaw ang pagmamahal at pagmamalasakit ng kahit sinong ama at ina para mapabuti ang kalagayan ng kanilang anak. 

    Isang doktor, isang ina ng isang batang pasyente. Ilan lang sila sa mga nakasama ko sa biyahe. Nagmula sila sa magkakaibang lugar sa ating bayan, humuhugot sila ng lakas mula sa kanilang mga karanasan sa buhay. Patuloy na tumutulong ang doktor sa kanyang komunidad; hindi binitawan ng ina ang kanyang anak na nasa bulnerableng kalagayan. Hindi madali ang kanilang nilalakbayan sa buhay, pero nanaig pa rin ang kalakihan ng kanilang puso para sa kanilang kapwa. 






     
         

     

My Favorite Post!

Remembering Nanay

                                       Photo by  Aaron Burden  from  Pexels   It was a time of disquiet then; the protest movement against t...