Monday, 9 June 2014

Isang Ama, Isang Anak sa "ALAGWA"

   Naalala ko si Mang Simon (di tunay na pangalan) at ang kuwentong 
nagmulat sa akin sa  sitwasyong patuloy na umuukit  sa puso ng maraming 
pamilya sa bayan natin. Bata pa ako nang una kong malaman ang nangyari 
sa kanyang pamilya.

    Dating driver si Mang Simon ng isang pampasaherong dyip na 
pinapasada niya sa kahabaan ng kalyeng Espana.


     Sa araw na tumigil siya pagmamaneho, sinagip niya ang kanyang 
bunsong anak na nabiktima ng child trafficking sa isang bayan sa 
hilagang Luzon. Inilako ang anak niya sa prostitusyon ng isang taong 
pinagkatiwalaan nila sa pamilya. Kung hindi dahil sa isang 
sanib-puwersang operasyon ng pulis at militar para sagipin ang kanyang 
anak, malamang na hindi na niya nakita ito. 

     Natandaan ko ang sinapit ng anak ni Mang Simon  nang mapanood ko 
ang Pinoy indie film na "ALAGWA."

Acknowledgement: jerichorosales.tv 
     Nakakabagabag ang pelikulang ito na ipinalabas sa iilang sinehan 
noong 2012. Kahit halatang limitado ang budget sa pelikula, naipaalam 
sa mga manonood ang realidad ng child trafficking na  patuloy na 
bumibiktima sa napakaraming mga inosente at dumudurog sa puso ng 
maraming mga magulang. 

     Buong husay na ginampanan  ng artistang si Jericho Rosales ang papel 
ng  isang responsable at di-perpektong ama, na nagsikap itaguyod ang 
naulilang anak sa kanyang yumaong asawa.  Katulad niya ang marami ring 
ama sa umako ng papel ng isang nanay at tatay sa tahanan.

    Ipagluluto  niya ang kanyang anak ng hapunang  pagsasaluhan nilang 

dalawa. Pagpaplantsa rin niya ito ng  unipormeng gagamitin  sa paaralan. 
Ihahatid  pa niya ito sa paaralan sakay ng isang pedicab bago pumasok sa 
trabaho.

    Kapag nakaluwag siya sa pera at oras, sasamahan niya itong mag-ikot 

at gumala sa isang maliit na  shopping center sa Maynila.  Sa isang 
pagkakataon, pinagalitan niya ito dahil pinilit nitong puntahan ang isang 
bilihan ng laruan kahit walang paalam sa kanya.

    Dahil  na rin sa kalagayang hirap at pangangailangang maghanap ng 

ikabubuhay, mas madalas na matigas na mga salitang pangaral, at hindi 
mga salitang mapagkalinga ang nabibitawan niya para sa kanyang anak. 
Napapalo niya ito at napagsasabihan ng mga salitang masakit.

    Bagama't hirap ang buhay, naroon pa rin naman ang saya sa simpleng 
buhay nilang mag-ama. Naroon ang  tawanan at biruan na nagpapalambot 
rin sa puso nilang dalawaPinatutugtog pa ng anak ang silindrong bigay 
niya. Minsan nga tinuruan pa siya nito ng  kakaibang paraan ng pagsalo 
ng kanyang palad.

    
Hindi niya inakalang sa isang iglap, mawawala ang kanyang anak at 
matagal bago niya makita at mayakap ito muli.  Sa ilang minutong iniwan 
niya ang kanyang anak sa banyo ng shopping center, tuluyang 
mabibiktima ito ng mga taong maitim ang kaluluwa. 

     Matututunan niya na hindi sapat na pabayaan ang mga alagad sa batas 
na maghanap sa batang mahirap. Makikilala niya ang mga taong walang 
pakundangang magsamantala sa mga batang walang mga kasalanan. 
Matutunan niyang lumaban at hindi sumuko sa kagustuhan niyang 
mahanap ang kanyang anak. 

    Matagal ring panahon ang kanyang tiniis nang isang araw marinig 
niya ang isang pamilyar na himig mula sa isang silindro. Unti-unting 
natatagpuan niya ang kanyang sariling lumalapit sa isang pamilyar na 
mukha na nakaukit sa kanyang puso, isang mukhang aninag ang hirap, 
pasakit at pangungulila. Patuloy niyang pinakinggan ang himig na yun, 
na matagal na rin niyang pinagdasal na mapakinggan ulit, kahit sa 
panaginip man lamang. Lumapit siya sa pulubing payat at gusgusin. 
Napatigil ito at sinalo ang kanyang palad sa paraang itinuro sa kanya 
ng kanyang anak na nawawala ng napakatagal na panahon. 

    Natagpuan na rin niya ang kanyang anak, pagkatapos ng napakahabang 

panahong pagtititis at pananampalataya.

                                                                   ***

    Ano ang maaring maitulong ng isang ordinaryong tao para tulungan 
ang isang biktima ng child trafficking?

Sa website ng Philippines Against Child Trafficking (PACT), isang ahensiyang 

tumutulong sa mga biktima ng child trafficking, nakasaad ito:


"Unang-una’y dapat ilayo ang bata sa lugar kung saan 
siya natagpuan at dalhin siya sa isang ligtas na lugar, maging sa DSWD, 
LSWDO o NGO na kinikilala ng DSWD.  Maaari ring mabawi ng biktima
 ang kanyang sariling mga kagamitan sa tulong ng mga alagad ng batas.
Hangga’t maaari’y ipagbigay-alam sa kanyang pamilya kung saan siya 
naroroon. Kung magkapatid silang na-traffick, sikapin na ipagsama sila.
Dapat rin siyang makausap at mapaliwanagan ng isang social worker ng 
DSWD bago pa siya makapanayam ng alagad ng batas. Kailangan itong 
gawin para mabawasan ang tindi ng takot at kahirapan ng loob dulot ng 
pagkakasagip sa kanya at sa karanasan niya sa trafficking.
Tungkulin ng pamahalaang ibalik ang bata sa kanyang sariling bayan o 
pinagmulan. Kung sa labas ng bansa siya na-traffick, ang DFA at DOLE 
ang may responsibilidad sa kanya, dokumentado man o hindi ang batang 
na-traffick "
Philippines Against Child Trafficking (PACT) - Metro Manila (1343), 
Probinsiya (02-1343) 
Website: http://philippinecampaign.wordpress.com/resources-on-child-trafficking/



                                                         

                                                  



     

My Favorite Post!

Remembering Nanay

                                       Photo by  Aaron Burden  from  Pexels   It was a time of disquiet then; the protest movement against t...