Tuesday, 18 March 2014

Graduation

Graduation 2014 ( Amy Muga's photographs)

     Malapit nang magtapos ang bunso kong anak sa mababang paaralan.
Magmamartsa siya, katulad ng iba pang kabataang estudyante, patungo 
sa isang pagtitipong tradisyunal na idinaraos para sa mga nagtatapos sa 
yugto ng kanilang pag-aaral. Panalangin ko na marami siyang bauning 
mabuting alaala na dadalhin niya sa pagtawid sa panibagong kabanata ng 
kanyang buhay mag-aaral.     

     Nagpapasalamat ako na nagkaroon siya ng pagkakataong matuto sa  
isang paaralang pinapahalagahan ang paglinang ng mga kakayanan at
mga kalakasan nilang mag-aaral.  Hindi dapat sa aspetong pang-
akademika lang ang batayan ng kahusayan. 

     Hindi lahat ng estudyante ay magkakaroon ng pagkakataong mag-aral
o tapusin ito. Malaking porsiyento ang humihinto sa pag-aaral bago pa
lamang magtapos ng mababang paaralan. Gustuhin man nilang 
magpatuloy ng kanilang pag-aaral, wala ring kakayanan ang kanilang 
mga magulang para suportahan ang kanilang mga pangangailangan. 
Malimit na wala rin silang pagkaing pamatid-gutom sa kumakalam 
nilang sikmura.     

     Natatandaan ko ang  isang anak na sinuportahan ng kanyang ina sa
pag-aaral hanggang makatapos siya ng  kolehiyo. Ginawa ng kanyang ina
ang lahat ng kanyang makakaya para mapag-aral siya; kaya lang,
napakakitid ng oportunidad sa kanyang inang hindi nakapag-aral 
maging sa mababang paaralan.Pakiramdam  ng ina niya'y nasa 
sitwasyong  kapit sa patalim;nagdesisyon siyang ilako ang kanyang 
sarili para may panustos sa mga pangangailangan ng kanyang anak.     

    Sa isang komunidad, kung saan ako tumulong  bilang isang 
community counselor , maraming kabataan ang  natitigil 
sa pag-aaral dahil sa kahirapan. Mas pangunahin ang paghahanap ng 
pagkakakitaan para may mapagsaluhang pagkain.  Ang isang kabataang 
nakilala ko ay nagsisikap mag-aral sa  mababang paaralan kahit 
danasin ang panunudyo dahil sa kanyang edad. Kahit wala 
siyang makain, pinipilit niyang pumasok sa kanyang paaralan. 
Pangako niya sa kanyang sarili na siya'y magtatapos sa kanyang 
pag-aaral para maging isang guro na gagabay sa maraming mga
kabataan.

                                                 ***     

     Ngayong Marso, buwan ng mga pagtatapos at pagsisimula 
ng panibagong mga yugto sa buhay, kinikilala ko  ang ilang taong 
matibay na halimbawa na posibleng magtagumpay bagama't 
danasin ang kahirapan at mahirap na mga kabanata ng buhay. 
Malaki rin ang naging kontribusyon ng mga taong naniwala 
sa kanilang kakayanan, nagpamalas at nagparamdam ng kanilang 
walang humpay na suporta.     

    Una sa listahan ko,  si Joseph Nathan Cruz na nagtapos ng Magna 
Cum Laude sa University of the Philippines. Sa kanyang valedictory 
address, kinilala niya ang kanyang ina na namamasukan bilang isang 
kasambahay para lamang may maipanustos  sa kanyang pag-aaral. 
Bagama't sa isang komunidad ng maralitang tagalungsod sila 
nakatira, hindi niya nakitang sagabal yun sa kagustuhan niyang 
pagbutihin at pagpunyagian ang kanyang pag-aaral.    

     Pangalawa sa listahan ko, ang nagtapos bilang class valedictorian 
ng Philippine Military Academy noong 2013 na si  Jestony Lanaja. 
Bata pa lang natuto na siyang magtrabaho sa isang plantasyon ng tubo. 
Inspirasyon niya ang kanyang mga magulang na nagsikap pag-aralin 
siya at kanyang mga kapatid. Araw-araw, inaakyat ng kanyang ama 
at mga puno ng niyog sa isang plantasyon sa Davao del 
Sur para makakuha ng tubang maititinda para sa kanyang pamilya. 

   Pangatlo sa listahan ko, ang matalik kong kaibigan, si Felix Muga II.
Nagtapos siya na  Magna Cum Laude sa Silliman University bilang 
isang iskolar ng COCOFED. Natapos niya ang kanyang doctorate 
degree sa University of the Philippines at ginawarang Outstanding 
Young Scientist ng National Academy for Science and Technology 
noong 1998. Patuloy siyang nanaliksik at tumutuklas ng mga 
pamamaraan kung paano makakatulong ang agham at matematika 
sa mahahalagang usaping panlipunan.    

   Sina  Joseph, Jestony at Felix ay iilan lang sa marami pang 
nagpunyagi sa iba't ibang karanasang sumubok sa kanilang katatagan. 
Iba't ibang karanasan ang kanilang  pinagdaanan; iba't ibang pagsubok 
ang kanilang  inigpawan.Patuloy sana silang magsilbing inspirasyon 
sa marami; patuloy sana nilang gamitin ang angking talino 
hindi lamang sa pansariling kapakanan  pero para mapabuti ang 
kalagayan ng sambayanan.


References:

Cruz, J.S. (2008) "The True Gospel of Solidarity"
http://likhaan_online.tripod.com/08242001archivesite/feat11-1.html

Dalangin-Fernandez, L. (2013) " PMA Valedictorian's Road to Graduation was 'long,crooked."  http://www.interaksyon.com/article/57289/pma-valedictorians-
road-to-graduation-was-long-crooked

Paredes, J.(2013) "Midterm Polls, A Month After:Fraud doubts linger as PCOs 
defects Surface."
http://www.mmdatraffic.interaksyon.com/article/64021/midterm-polls-a-
month-after--fraud-doubts-linger-as-pcos-defects-surface

#BangonPilipinas #Resilience #Graduation2014



 

 




My Favorite Post!

Remembering Nanay

                                       Photo by  Aaron Burden  from  Pexels   It was a time of disquiet then; the protest movement against t...