Monday, 9 September 2013

Kuwento

     May mga kaibigan ako na natural na mga kuwentista.
Kapag nagsimula na silang magbahagi ng mga kuwentong  
buhay, mapatitigil ka na sa iyong gawain; ihihinto mo na
ang pag-text sa cellphone para pakinggan ang bawa't
salitang bibitawan nila.

     Isa sa kanila ay isang kaibigang napakayaman ang 
karanasan sa gawaing pagtulong, hindi lamang sa usaping pangkapayapaan, kung hindi pati na rin sa mga kampanya 
laban sa katiwalian sa pamahalan. Isang umaga nang binisita 
ko siya, naikuwento niya na hindi patag ang daan sa krusada 
laban sa katiwalian.  Hindi biro ang perang umiikot para mapatahimik ang mga taong tinaya ang  kanilang buhay 
para ibunyag ang katotohanan.




     Ibinahagi niya sa akin ang kuwentong buhay ng  isang 

whistle-blower noong kapanahunan ng isang dating pangulo 
ng bayan. Bagamat kinilala sa katapangan dahil sa kanyang ibinunyag na mga anomalya, nakatanggap rin ang whiste-blower
ng mga pagpuna at pagbabatikos mula sa mga taong naghinala 
sa kanyang motibo sa pagbubunyag ng kanyang mga nalalaman.



      Ang mabuhay na may  integridad ay kinalakihan ng 
whistle-blower mula sa kanyang sariling pamilya. Malaki ang impluwensiya ng magulang sa paninindigan niyang ito.



       Magmula bata pa siya, pakukuhanin sila ng kanilang 

"allowance" sa isang lata kung saan nakalagay ang pinagsama-samang pera na baon nilang magkakapatid sa araw na yun. 
Isa-isang nilang kukuhanin ang eksaktong  halaga na nakalaan 
para sa bawa't isaBawa't sentimong labis na kinuha ng sino 
man ay kabawasan sa baon ng iba pang mga kapatid.

      Lumaki silang magkakapatid na hindi pinahalagahan 
ang pagkamal ng salapi at mga materyal na mga bagay. Mas 
pipiliin nilang mabuhay ng simple, may malasakit sa kapwa
tapat at mapagkakatiwalaan. 

     Napapanahon ang kuwentong ito, lalo na ngayong 
naglalabasan sa mga balita ang mga kuwento tungkol sa korupsiyon, walang pakundangang paglulustay ng salapi 
sa gitna ng kahirapan  at katiwalian ng mga taong sana'y 
napatigil at nagdalawang-isip man lamang.  Ang perang
nilustay ay  pondong dapat sana'y nailaan para mapabuti 
ang kalagayan ng maraming maralita sa sambayanan.

                                                     ***
       Isang kuwentista na hinahangaan ko ay ang direktor 
na si Guillermo del Toro ng pelikulang "Pan's Labyrinth."
Aakalain mong kuwentong pambata ang pelikula, dahil 
isinama ang isang alamat kung saan may isang prinsesa
ng mga engkanto na nagkatawang tao para mabuhay sa 
piling ng mga ordinaryong mortal. Matagal nang hinihintay 
ang pagbabalik niya sa kaharian upang makasama ang 
kanyang magulang na hari at reyna.



     Maganda ang pagkakagawa ng pelikula; mahusay maging

ang pagkakalapat ng musikang akma sa bawa't eksena. Kaya 
lang mahirap panoorin ang ilang eksena dito. Nagitla ako sa 
tuwing pinapakita ang pagpapahirap sa mga ordinaryong 
sibilyan ng  isang pasistang kapitan. Maging ang batang na 
si Ofelia, na bida ng pelikula, ay hindi nakaligtas sa 
pagmamalupit ng kapitan na tumatayong kanyang 
ama-amahan.

    Sana nga hindi ito nangyayari sa tunay na buhay, isang 

"fairy tale" na lang sana ito kung saan hindi babaunin ni
Ofelia ang bangungot ng takot at pananakit sa kanya ng 
taong walang kaluluwa.

    Ang eksena ng pananakit ng kapitan sa 
mga taong nahuli 
ng kanyang mga sundalo ay may katapat ng mga tunay na kuwentong nangyayari sa maraming piitan hindi lamang sa 
ating bayan kundi sa iba pa.

      Sa ating bayan, ilang taon matapos ang 
pagpapatalsik ng pamahalaan ng dating pangulong Ferdinand Marcos, na 
nagtala ng napakalaking bilang ng mga kasong paglabag sa karapatang pantao, lumalabas na hindi pa natigil ang  mga kaso 
ng pananakit sa mga ordinaryong taong napagkamalang kalaban 
ng estado. Isa sa kanila ay nakanayam ko ilang buwan na ring nakaraan.
 
     Maraming mga bata na tulad ni Ofelia na naiipit sa 
mga kaguluhan sa sarili nilang bayan. Patuloy ang mga 
digmaang hindi  nila pinasimulan, nguni't hindi pa rin 
natutuldukan pagkatapos ng  maraming taon. Marahil
mas pipiliin pa nilang mahimlay sa piling ng mga 
kuwentong  nagbibigay sa kanilang pag-asang mangarap 
at mabuhay. 

My Favorite Post!

Remembering Nanay

                                       Photo by  Aaron Burden  from  Pexels   It was a time of disquiet then; the protest movement against t...