Friday, 9 August 2013

Pagiging Ina sa Mundo ng Facebook at iba pang Social Media

    Isa akong ina na may anak na nasa "tween years"- hindi pa ganap na teenager pero hindi na rin bata kung tutuusin

   Tulad ng iba pang nasa age group niya, natutuwa siya sa paglalaro ng ilang computer games; palabasa siya ng   iba’t ibang klaseng libro, masaya siya sa  pagguhit   ng iba't ibang larawan ng mga tao pati na rin ng mga anime characters. Tumutulong siya sa gawaing bahay tulad ng pagsasaing ng bigas para sa aming hapunan. Malambing siyang anak tulad na rin ng kanyang nakatatandang kapatid. 


    Madali siyang maka-empathize sa kanyang kapwa; naluha siya nang makita niya sa telebisyon ang mga ina at mga batang nag-iiyakan matapos buwagin ang kanilang mga tirahan sa  isang komunidad ng maralita.  Tinanong niya pagkatapos kung ano ang maari naming gawin para sa kanila.

     Ilang buwan na lang, maari na siyang sumali sa Facebook at iba pang social media. Hinahanda  namin siya sa panahong kakailanganin na niyang gamitin  ang mga ito. Karamihan sa mga kaklase niya ay may mga FB account kahit wala pa sa tamang edad. Mabuting may pag-unawa siya sa mga hangganan o boundaries ng pagbabahagi ng kanyang sarili sa iba pati na rin ang pag-alam sa  mga nangyayari sa buhay ng iba pa. Magandang alamin niya kung paano makatutulong ang social media sa buhay pati na rin kung ano ang kailangan niyang bantayan dito. 

Koneksiyon sa FB



   Ilang taon na ring nakaraanisang dating kasamahan ko sa student organization  ang nagtanong sa akin kung meron akong Facebook (FB) account. Teka, hindi ako pamilyar dun, sabi ko sa kanya. Mungkahi niya na subukan ko ito dahil naroon raw ang iba pa naming mga kasamahan. Magandang paraan raw ito para maki-"konek"

  Nang nagsimula ako sa FB, hinagilap ko muna  yung kasamahan kong nag-inbita sa akin para ipagpatuloy ang mga naputol na koneksiyon sa dati na ring mga kakilala at kaibigan naming dalawa.  

   Totoo nga namang nakakatuwa ang bahaginan o sharing ng mga kuwentong buhay sa FB.  Nagiging kabahagi ka na rin ng
ligaya, tagumpay ng mga  kaibigan, kamag-anak at iba pang mga mahal sa buhay.


  Epektibong paraan rin ang FB sa madaliang pagkalap ng suporta para makatulong sa mga nasalanta sa kalamidad o anumang matinding krisis. Maraming handang tumulong kapag alam nila kung paano sila makatutulong. Halimbawa na lang, pagkatapos ng pananalanta  ng bagyong Ondoy, bumuhos ang suporta ng mga tao para  sa ating mga kababayang nalubog sa putik at baha.   


     Dahil sa impormasyong makukuha sa  FB, nakikilatis ang mga mahahalagang isyung malaki ang epekto sa sambayanan.  Matatandaan na sa katatapos na mid-term elections, maraming rebelasyong lumabas patungkol sa kalinisan ng halalan tulad ng pattern na "60-30-10" sa pagitan ng mga senador na tumatakbo sa ilalim ng partido ng  administrasyon, sa partido ng oposisiyon at mga senador na tumatakbong independents. Mainit ang palitan ng kuro-kuro tungkul sa isyung ito sa FB at maging sa iba pang social media.


     Ang napakabilis na pamamaraan ng pagbabahagi ng
ng impormasyon sa FB at iba pang social media ang bentahe ng mga ito laban sa mga tradisyunal na porma ng pakikipagtalastasan. Malaki ang iniungos niya maging
sa mga e-groups na dati nang pamamaraan para makipag-ugnayan sa mga taong magkakapareho ng interes. 

      Kaya lang, ang bentaheng ito ay tulad rin ng tunay na pako kung saan delikadong matapakan o madaanan ng mga sasakyan dahil tiyak na mailalagay ka sa alanganin at kapahamakan.  Dahil sa bilis ng pamamahagi ng impormasyon, ang isang litratong ipinaskil para siraan ang isang tao ay napakadaling makita ng napakarami pang iba.  Napakadali tuloy manira ng katauhan ng isang tao; nawawala ang pagmamalasakit sa kapwa.


  Natatandaan ko pa sa newsfeed, ang  pagpaskil ng isang litrato ng isang kabataan na may babala na mag-ingat sa kanya dahil siya raw ay isang 'magnanakaw.' Inilagay ang tunay niyang pangalan  pati na rin kung saan siya nag-aaral. Matapos ang ilang araw lumabas sa mga balita na hindi totoo ang ipinaskil na babalabiktima lang ang kabataang ito sa paghihiganti ng isang dating kakilala.


  Nariyan rin ang "cyber-bullying" na malaganap sa social media. Matingkad na halimbawa dito ang nangyari sa isang estudyante ng UP College of Law na nagkamaling itawid ang kanyang sasakyan sa binahang bahagi ng isang lansangan sa Quezon City

     Nakuhanan siya ng video ng isang broadcaster ng GMA-7 habang lumulutang ang kanyang sasakyan pati na rin ang kanyang pahayag na walang nag-abiso sa kanya na baha doon sa lugar na yun.  Ipinaskil ang video excerpt na yun  sa isang FB page na ipinangalan sa kanya. 
Sa isang panayam, sinabi niya nagkaroon siya ng depression dahil sa mga walang puknat na panlalait na natanggap niya. 

     Matatandaan rin na lumabas sa mga balita ang pagpapatiwakal ng ilang kabataang biktima na cyber bullying sa bansang Canada. Ipinaskil sa FB ang mga sensitibong litratong kinuha sa kanila nang wala silang malay at wala silang kapasidad para magbigay ng pahintulot.  Ang isa pa naman sa kanila ay honor student ng isang paaralan at matulungin sa kapwaTanging pagkakamali ng kabataang ito ang pagsama sa isang kasayahan kung saan siya ay nalasing at nawalan ng malay. Kinuhanan siya ng mga litratong  sadyang pinakalat sa FB para ipahiya siya at ibaba ang  kanyang katauhan.

Reflection:

Paano natin ginagabayan ang ating mga anak sa responsableng paggamit ng internet kabilang na ang social media?
 

My Favorite Post!

Remembering Nanay

                                       Photo by  Aaron Burden  from  Pexels   It was a time of disquiet then; the protest movement against t...