Wednesday, 28 August 2013

Mga Butil ng Palay

   Isa ang Noli Me Tangere sa mga nobelang naikuwento 
ko na sa aking anak. Inilarawan dito ang sitwasyong 
umiiral sa ating bayan noon - ang kawalan ng katarungan, 
ang pangangamkam ng mga taong nasa poder at ang 
kahirapan ng mga taong nagsisikap mabuhay sa 
ilalim ng  isang mapaniil na sistemang panlipunan.

     May isang tagpo sa nobela na umantig sa aking puso. 
Ito ang paghahanda ng hapunan ng isang ina para sa
kanyang mga anak.
  
     Alam niyang gutom na ang mga anak niya pagkagaling 
sa simbahan kung saan sila namamasukan bilang mga 
sakristanKahit mga bata pa sila, kinailangan na nilang magtrabaho. 

     Inaasahan niya na  mapapawi ang kanilang pagod at 
gutom kapag natikman na nila ang hinain niyang 
masarap na hapunanIniluto niya ang ilang pirasong tuyong 
tawilis  at mga pagkaing nahingi niya mula sa isang 
mapagmalasakit na kakilala-mga piraso ng tapang usa at 
patong bundokMay maputing bigas rin siyang isinaing 
para sa kanilaGaling ito sa pinulot niyang 
mga palay  sa lupa. Hindi niya inalintana ang pagod sa 
pagpulot ng mga ito.

     Hindi  pala matitikman ng kanyang mga anak ang 
kanyang hinanda

    Ang pamumulot ng nahulog na palay, na tinukoy 
sa nobela, ay realidad sa maraming maralitang mag-anak 
noon. Nakakalungkot lang isipin na ganito pa rin 
ang ginagawa ng maraming maralitang mag-anak sa 
kanayunan para may mailagay sa kumakalam nilang 
sikmura- mahigit isang siglo pagkalimbag ng nobelang 
isinulat ng bayaning si Dr. Jose Rizal. 

    Patunay  sa kalagayan nila ay ang  video report na 
ginawa ng ABS-CBN reporter na si Chiara Zambrano 
kung saan kinapanayam niya  ang mga taong dapat sana'y
natulungan ng proyektong pinondohan ng
priority development assistance fund (PDAF) 
ng ilang mambabatas sa kongreso. Kung naisakatuparan 
sana ang mga proyektong ito, malaki ang maitutulong para 
mapabuti ang kalagayan ng mga maralita.  

    Sa isang barangay sa Hinigaran, Negros Occidental, 
nakapanayam ni Ciara ang isang babae na araw-araw ay  
naghahanap ng mga bukirin kung saan maaring mamulot 
ng mga tirang palay.  Kapag nabigyan na sila ng pahintulot 
na kuhanin ang mga palay na nahulog sa lupa, agad-agad 
silang magtatakbuhan para kuhanin ang bawa't butil kahit 
balot na ang mga ito ng putik. Gagawin nila ito para hindi magutom ang kanilang mga anak. 

     Laking gulat ng ina nang malaman niya na beneficiary 
pala ang kanyang barangay sa isang proyektong pang-maralita 
na nagkakahalaga ng mahigit siyamnapung milyong piso. 
Sa proyektong itomabibigyan sana ang mga tulad niya  ng 
livelihood assistance at  mga punla para sa mga pananim. 

     Ang pondo sa proyektong ito, na pinamunuan pala ng isang 
pekeng non-governmental organization, ay nanggaling sa 
PDAF ng ilang mambabatas sa kongreso.

     Pawang 'nilubid na buhangin' ang mga proyektong ito; 
ginamit pa ang mga maralita para isulong ang pansariling 
interes. Habang nagsasaya ang ilan, patuloy na naghihirap 
ang mga mamamayang nagtitiis magpulot ng mga tirang bigas
 o naghahanap ng mga tinapon na pagkain na maari pa nilang pakinabangan. 

Pinagbatayan:

1. "Who Should Have Received the P10B in Pork Barrel"? 
by Chiara Zambrano, ABS-CBN News Channel (ANC)
http://anc.yahoo.com/video/received-p10b-pork-barrel-020141508.html

2. "Noli Me Tangere", nobelang isinulat ni Dr. Jose Rizal. 

  










My Favorite Post!

Remembering Nanay

                                       Photo by  Aaron Burden  from  Pexels   It was a time of disquiet then; the protest movement against t...