- Amy Muga
mga salitang binitawan mo,
isang araw sa kalagitnaan ng Hulyo,
kapaligiran natin ay binabayo
ng hanging dala ng nagbabadyang bagyo.
naalala ko,
mga palitan natin ng salita,
tungkol sa pagbangon,
tungkol sa paghilom,
tungkol sa pananampalataya.
pinagnilayan ko,
daang lalakbayin,
sigwang susuungin,
tanglaw na babaunin,
pag-asang dadalhin.
salamat kapatid ko.
hindi ka bumitiw,
hindi ka lumisan,
hindi ka nagwalang-bahala
sa panahong napakadaling gawin ito.
kapatid ko,
guro at estudyante ng buhay,
kapwa ko manlalakbay,
taimtim kong dadalhin sa aking puso,
ang iyong mga paalala't paggabay.
Amy Muga
ina, manunulat, kalakbay