Lumaki ako sa panahong pinapairal ang batas militar sa Pilipinas. "Martial law babies" ang tawag sa amin, mga batang lumaki sa panahong 1972-1986. Dinaanan ko ang panahong laman ng mga balita sa mga pahayagan at telebisyon ang mga magagandang nagawa ng pamahalaan para sa taong bayan. Bawal noon ang pasaway na mga manunulat. Tandang-tanda ko pa ang mga pag-aaral namin sa paaralan tungkul sa programang Masagana 99 at Green Revolution, sa malaking ambag sa sining ng dating Unang Ginang na nakapagpatayo ng mga naglalakihang gusali tulad ng Folk Arts Theatre.
Dahil na rin limitado ang mapapanood sa telebisyon, naging paborito ko tuloy ang mga cartoon tulad ng Scooby Doo at Voltes V sa telebisyon pati na rin ang mga palabas na pinagbidahan ni Nora Aunor, isa sa paborito kong artista. Aba, Noranian akong maituturing. Paborito ko ring screen partner niya noon si Manny de Leon at hindi si Tirso Cruz III. Rags to riches ang istorya ng buhay niya na halos kahalintulad ng mga kuwento sa mga naunang pelikula niya, ang buhay ng pangkaraniwang taong nagpunyagi at nagwagi. Ginagampanan niya ang isang karakter na matiisin at madasalin. Inaapi pero nagtatagumpay sa bandang huli dahil sa kabutihan ng kanyang puso. Happy ending parati.
***
Unang pelikula kong napanood na tumalakay ng seryosong mga usapin ng kawalan ng katarungan sa ating lipunan ay ang "Tinimbang ka Nguni't Kulang" ng namayapang si Direk Lino Brocka. Lahat yata kaming magkakapatid ay isinama ng aking ina sa panonood nito. Hindi matawaran ang husay sa pagganap nina Lolita Rodriguez at Mario O'hara dito. Mahusay na kuwentista si Direk Lino sa pelikulang ito na salamin ng buhay sa isang bayang pinamumugaran ng mga "malinis"at "maka- Diyos" at mga taong sadyang tinalikuran ng tadhana, tinaguriang latak na hindi dapat nilalapitan.
Nagpapasalamat ako sa tapang ng mga taong tulad ni Direk Lino na sadyang gumawa ng mga obra na nagpamulat sa marami sa tunay na kalagayan nga ating bayan noong panahong yun. Taong 1974 pinalabas ang pelikula at naging matagumpay ito sa box-office. Mabuti naman kung ganun.
Noong bandang 80's ipinalabas na ang mga pelikulang may mga paksang tumalakay ng mga nangyayaring karahasan sa loob ng pagawaan, sa mga komunidad ng maralita pati na rin sa militarisasyon sa kanayunan. Malaki ang naitulong ng mga pelikulang ito sa sarili kong pagkamulat at marahil sa aking pagiging aktibista.
***