Paborito kong merienda ang kape at biskwit.
![]() |
(photograph by Amy Muga) |
Naalala ko tuloy ang mga taong nakasama ko sa matagal na panahon. Naging mga kasamahan ko sila sa iba't ibang gawain, naging mga kaibigan at nasasanggunihan na rin sa ilang pagkakataon. Karamihan sa kanila ay nasa gawaing pagtulong hanggang ngayon. Ang iba naman, napunta sa corporate world pero tumutulong hanggang ngayon sa mga maralita. Iba't iba rin ang kanilang mga pananaw maging sa paraan ng pagtulong at pagtingin sa kanilang sarili. Ang ilan, namayapa na pero nagpabaon ng mga karanasang mapaghahalawan ng mga aral ng pakikibaka at tagumpay.
Mga 0rdinaryong tao rin sila, tulad ko na nagmahal at nagmamahal, naiinis o nagagalit, umuunawa o sadyang di pa handang umunawa. Mga di-perpektong tao tulad ko, maraming pinagdaanan, ang iba'y hanggang ngayon nagdadala ng mga pasanin mula sa kanilang nakaraan o maaring sa kasalukuyan. Mga pusong mamon, mga kapatid na nagmamalasakit sa kapwa, mga ina at ama at mga taong may pusong magulang. Marahil ang isang sinulid na nagdudugtong sa lahat ay ang pagmamahal nila sa bayan.
At pagsasama-sama sa hapag-kainan upang magbahagi ng mga kuwentong buhay.
Drawing by Gina Muga, All rights reserved 2013 |
Isa sa mga kuwentong buhay naalala ko ay mula sa isang taong hinangaan ko dahil sa pagpapatuloy niya sa buhay kahit dinaanan ang karanasang napakahirap pero nagpatibay sa kanya. Huling kita ko sa kanya sa isang seminar workshop para isang gawaing paghilom. Matagal na rin siya sa ganitong gawain. Pinag-aralan niya ang iba't ibang pamamaraan kung paano matutulungan ang mga taong may dinadalang sakit sa kalooban at pangangatawan.
Nakasama ko na pala ang kapatid niya dati sa gawain. Di ko alam na magkakakilala rin kami. Narinig ko lang ang pinagdaanan niya. Iba rin kung magmumula na sa kanya ang pagkwento ng kanyang pinagdaanan.
Paano mo ba ibabahagi ang mga bagay na gusto mo na ring ibaon sa limot? Kung di mo naman ibabahagi ito, hindi rin malalaman ng karamihan ang totoong nangyayari sa mga ordinaryong sibilyan noong panahon ng batas militar.
Nahuli siya noon sa isang gabing sana'y di na rin dumating sa buhay niya. Nasa sasakyan pa lang siya nang simulan siyang gawan ng kasamaan ng mga kumuha sa kanya. Masakit ang kumikirot sa hapdi ang kalamnan niya. "Maawa kayo, aalahanin ninyo ang inyong mga ina, ang inyong mga kapatid na babae..." pagsusumamo niya. Pagod na pagod na siya. Puno na ng pasa at sugat ang kanyang katawan.
Bakit kailangang pagsamantalahan ang mga taong walang kalaban-laban? Kailangan bang piliting sirain ang kanilang pagkatao dahil lamang tinuring silang kalaban?
Ilang buwan rin siyang ikinulong kasama ng iba pang mga detenidong politikal. Hinang-hina na ang katawan niya sa pagkaing pinagsasaluhan nila sa piitang maiinit at malamok. Di naman siya naghahanap ng pagkaing marangya. Kaya lang pakiramdam niya lalo siyang nanghihina sa nakikita niyang ulam na halos hindi na nilinis at itinambog na lang sa kumukulong sabaw.
Mabuti na lang at naibalik rin siya sa piling ng iba pang kasama niyang mga bilanggong pulitikal. Napalakas rin ang kalooban niya sa piling ng mga kasama.
Isa pa sa mga kaibigang naalala ko ngayon ay si Ronnie. Kasamahan ko rin siya sa trabaho nang ilang taon. Mabait, mapagkumbaba, mapagbigay, matulungin at matalino. Nakapaglimbag na rin siya ng ilang librong ginagamit ng mg mananaliksik sa paksang pinagkadalubhasaan niya. Hindi ako nangiming humingi ng payo sa kanya dahil totoo siyang mapagbigay at malawak ang kaisipan.
Nung naghiwalay na kami ng mga gawain, malalaman ko na hahawak pa siya ng ibang mga mahahalagang posisyon kung saan lalo pa siyang makakapagambag ng kanyang talino at husay.
Hindi ko akalain na sa kabila ng tagumpay, napakalalim yung mga iniinda niyang hirap sa kanyang damdamin. Hindi siya naging pabaya, humingi siya ng tulong para magkaroon ng liwanag ang dilim na kanyang dinaranas.
(itutuloy)