Sunday, 16 December 2012

Pasko ng Pagsubok, Pasko ng Pag-asa

    Ilang araw na lang, Pasko na. Ramdam na ito sa komunidad namin - sa mga bahay na pinapalamutian ng iba't ibang dekorasyon, sa mga poste ng ilaw na sinasabitan ng  makulay na mga parol at sa mga Christmas carols na maririnig sa radyo at telebisyon. Sunod-sunod na rin ang mga pagtitipon ng mga magkakaibigan, magkasama at magkapamilya. Nagbabalik-bayan, nagbabalik tahanan ang mga taong matagal nang nanirahan sa ibang bayan para makasama ang mga mahal nila sa buhay. Siyempre pa, nariyan ang mga pagtitipon sa mga simbahan bilang paghahanda sa simbolikong pagsilang ng ating Panginoon sa Disyembre 25.

    Sa aming pamilya, simple lang ang paghahandang ginagawa namin tuwing Pasko.  Sentro ng handa namin sa hapag-kaninan ang tsokolate at masarap na puto maya na niluluto ng aking asawa. May ispesyal siyang "recipe" na pinasarap ng pagmamahal, ayon sa kanya. 


Photograph by Lex Muga
     Tradisyon na rin na maituturing sa amin ang  panonood ng mga piling pelikula na kalahok sa  Metro Manila Film Festival. Sana na nga lang maraming makabuluhang pelikulang maaring panoorin maging ng mga anak ko. Ngayong taon, plano naming mag-anak na manood ng mga pelikulang  pagbibidahan ng paborito kong si  Nora Aunor, ang natatanging artista ng bayan na sinubaybayan ko mula pa sa aking pagkabata.  

    Tulad namin ang marami ring mag-anak tuwing Pasko.  Nagsasalo sa  simpleng mga pagkain sa hapag-kainan. Ang hindi mawawala marahil ay ang kuwentuhan at hagikgikan. Hindi na baleng kaunti ang handang pagsasaluhan basta makasama ang mga mahal sa buhay sa pagkakataong yun.

   Nakakalungkot lang na sa Paskong darating, maraming pamilya ang makakaranas ng kawalan bunga ng mga trahedyang nangyari sa kanilang mga komunidad.

  Kahapon, isang nakakalungkot na pangyayari ang bumalot sa isang tahimik na komunidad sa isang bayan ng Estados Unidos. Dalawampung bata, karamihan ay nasa edad anim hanggang pito, kasama ang ilang nanunungkulan sa paaralan ang walang awang pinaslang ng isang beinte anyos na lalaki gamit ang isang semi-automatic rifle. Naluha ako sa mga kuha ng mga magulang na nag-aalala at nagdadalamhati kasama na ang mga batang namulat bigla sa reyalidad ng buhay sa pagpaslang sa kanilang mga kapamilya at kamag-aral. Sa social network sites, mababasa  ang pakikiisa at pagpapabot ng pakikiramay ng marami  sa mga kapamilya at kasamahan sa komunidad ng mga nasawi.

                                                  
    Ganitong pag-aalala at pagmamalasakit ang mababasa rin mula sa ating mga kababayan noong kasagsagan ng mga kalamidad na dumaan sa ating bayan.  

  Noong nakaraang linggo lang, nanalasa ang bagyong Pablo  sa mga probinsiya ng Compostela Valley at Davao Oriental. Maraming nasawi doon, kasama na ang mga batang natabunan ng  gumuhong putik. Di lamang mga tirahan ang nasira kundi mga pananim na ikinabubuhay nila. Halos walang makain at maayos na inumin ang karamihan. 

    Bagama't maraming nasagip at nabigyang pangunang lunas ang mga nakaligtas sa trahedya, napakalaking bilang ang hindi naabutan ng tulong dahil na rin putol  ang linya ng komunikasyon sa kanilang mga lugar.  Marami ang nagpaabot ng  mga donasyon kaya lang di kaagad nakarating ang mga ito sa mga nangangailangan bunga ng mga suliraning lohistikal. Mabuti na lamang at nabibigyang kasagutan  na ang mga suliraning ito ng mga ahensiyang kinauukulan.

  Sana bago mag-Pasko magkaroon sila ng maayos na tirahan  na maaring masilungan laban sa ulan at lamig ng panahon kasama na ang sapat na pagkaing magpapainit at magpapalakas sa kanilang mga katawan. 

    Iba pang usapin ang pangangailangan maisakatuparan ang isang komprehensibong planong tutugon sa pangangailangan ng mga nasalanta tungo sa kanilang pagbangon.


    P.S.

   Gawain ko ang paggabay sa mga taong dumaraan sa mahirap na mga karanasan sa buhay.  Kahapon may masayang binalita sa akin ang isa mga mga mag-asawang ginabayan ko.

  Dahil raw sa payo ko na isang mabuting paraan sa paghilom mula sa mabigat na karanasan sa buhay ang pagtulong sa kapwa, nagpasiya silang mag-asawa na tumulong sa iba't ibang proyekto para sa maralita.  Isa ang Black Pencil Project  sa balak nilang tulungan. Meron rin silang mga proyektong   pangungunahan ngayong Pasko para sa mga batang lansangan at mga matatanda. 

    Ang Black Pencil Project ay isang samahang nangunguna sa proyektong 1000 Bear Hugs kung saan mangangalap sila ng mga laruang ibibigay sa mga batang naapektuhan ng bagyo sa Davao Oriental.  Isang napakagandang proyekto ito.   
http://www.blackpencilproject.org
   
     

      



    

    



      

        


      

    

      






     


    

    
     

     




 

My Favorite Post!

Remembering Nanay

                                       Photo by  Aaron Burden  from  Pexels   It was a time of disquiet then; the protest movement against t...