![]() |
"Anak" Copyright, 2009, Amy Muga |
Panganay ko,
Ang bilis talaga ng panahon. Pinagmamasdan ko ang mga litrato mo noong sanggol ka pa lamang.
Proud kami sa iyo. Aba, pinagmamalaki kita sa lahat ng mga kasamahan ko. Naikuwento ko nga na nakakasama kita sa Payatas at maging sa isang gawain para sa mga kaanak ng mga detenidong politikal. Gayundin naman ang ama mo, masaya siya at nabiyayaan kami ng isang anak na tulad mo - mabait, mapag-unawa, maalalahanin.
Ang dami mo ring namana sa iyong ama. Naroon yung pagmamahal mo sa agham at matematika. Likas ka ring matulungin at malapit sa mga tao. Mahusay ka rin sa sining, sa pagguhit at pagpinta. Sa tingin ko yan naman ang nakuha mo sa akin. Maganda rin sigurong ituro mo ang ganyang mga kaalaman sa mga makakasama natin sa komunidad.
Natatandaan ko kayong dalawa ng iyong ama nang sanggol ka pa lamang. Pinaghehele ka niya sa kantang Usahay, Matud Nila at Alimukoy. Natatandaan mo ba ang mga kantang iyon, anak? Kinakarga ka niya at inaawitan hanggang makatulog ka na. Biruin mo, napakanta mo ang ama mo!
Natatandaan ko rin na pareho tayong fans ng Green Archers. Sa bawa't laro nila, humihiyaw tayo sa galak para sa kanila. Nabisita pa nga natin ang bonfire celebration nung nanalo sila ng UAAP championship. Nasa high-school ka pa noon. Nang nag-kolehiyo ka na sa pamantasang pinagtuturuan ng iyong ama, naging masugid ka namang tagahanga ng Blue Eagles!
Anak, salamat sa napakalaki mong puso para sa iyong kapwa, sa pagtulong mo sa nakakabata mong kapatid, sa maraming pagkakataong pinapatawa mo ako, kahit sumasakit na ang aking tiyan sa katatawa. Hay, iyan ang isang kalakasan mo. Hindi ko na nga kailangan magpraktis ng Laughter Yoga. Sadyang pinapatawa mo na ako.
Huwag mong kakalimutan na mahal na mahal ka namin ng iyong ama at ng iyong kapatid. Narito kami para sa iyo.
Mula sa akin,
Nanay
![]() |
Mother and child pendant made by Amy Muga |
P.S. Itutuloy ko pa ito anak. Nanalo rin pala ang Blue Eagles laban sa Green Archers kahapon.