Friday, 7 September 2012

Guro

     Natatandaan ko ang isang video documentary na ginawa ng isang batikang mamamahayag.

     Tungkol ito sa isang guro na piniling magturo sa isang liblib na lugar sa isang malayong bayan,kung saan binabagtas ng mga  bata ang mga bundok at tinatawid ang ilang ilog para lamang makaabot sa kanilang paaralan. Naglalaan siya ng ilang bahagi  sa kanyang maliit na suweldo para ipambili  ng mga kagamitan sa pagtuturo. Malimit na nahuhuli dumating ang budget na inilaan para dito.

     Naalala ko rin ito nang ikuwento sa akin ng isang punong-guro sa  isang paaralan sa Sagrada Familia, Masantol, Pampanga na araw-araw silang sumasakay ng bangka para lamang mapuntahan ang nag-iisang paaralan sa kanilang bayan.

    Sino ba naman ang makalilimot sa  kuwento ng gurong pinaglaban ang ballot box sa mga nagtangkang nakawin ito ilang eleksiyon na ring nakaraan. Napatay siya sa pakikipaglaban dito. Responsibilidad kasi ng mga guro ang pagbabantay sa proseso ng eleksiyon mula registration hanggang aktuwal na bilangan. Mano-mano ang pagbibilang ng boto dati. Namfrel volunteer ako at alam ko ang hirap na pinagdaanan ng mga guro.

     Naging isang guro ang aking ina. Natatandaan ko pa yung  litratong kuha sa klase niya  sa isang mababang paaralan sa Maynila. Dama ko ang pagmamalaki niya sa kanyang  gawain noong ikuwento niya  ang  di-inaasahang pagkikita nila ng   kanyang pupil na  taos-pusong nagpasalamat sa kanya.

Acknowledgment: Loyola Schools Bulletin, Ateneo de Manila University
     Guro rin ang aking asawa sa pamantasan. Siya si Dr. Felix Muga II, isang  Cocofed scholar sa kolehiyo at nakapagtapos ng Bachelor of Science in Mathematics (magna cum laude). Pinili niya ang bokasyon ng pagturo at minahal niya ito.  Itinuloy niya ang graduate studies at natapos niya ang kanyang doctorate. Nagawaran rin siyang Outstanding Young Scientist (OYS) ng National Academy for Science and Technology noong 1998. Tuloy-tuloy ang kanyang pagtuturo at pananaliksik na kung saan ginagamit niya  ang kanyang husay sa mga pananaliksik sa mga isyung panlipunan.

     Manggagawa ako ng sangguniang pastoral at kalakbay sa komunidad. Kinikilala ko ang mga guro na nagbahagi ng kanilang kaalaman at kahusayan para matuto kaming mga mag-aaral sa  gawaing ito. Sa mga gurong iyon, isang guro ang bukod tangi  dahil sa lalim ng pag-unawa at lawak ng pananaw sa buhay, si Fr. Ted Gonzales, SJ.  Ilang linggo na lamang mula ngayon, paalis na siya papuntang bansang Indonesia upang magturo at tumulong sa paghuhubog ng mga nag-aaral maging alagad ni Kristo. Isang tao siyang makikinig at hindi manghuhusga; isang taong  tutulungan kang matuto mula sa iyong mga pinagdaanan at  hindi maglalagay ng balakid sa iyong pag-unlad.

       Nakasama ko na rin si Fr. Ted  sa iba't ibang gawain, magmula sa isang gawain para sa mga guro sa Benguet pagkatapos ng bagyong Pepeng hanggang sa isang gawain para sa mga taong simbahan ng United Church of Christ in the Philippines sa Northwest Mindanao.

Fr. Ted Gonzales SJ in Payatas Acknowledgment: Photograph Amy Muga
       Guro ko rin siya sa  klaseng Explorations in Resilience. Dito sa klaseng ito makahahalaw ng mga aral mula sa mga taong dumaan sa napakabigat na mga pagsubok at dagok ng buhay. 

      Natatandaan ko ang mga kuwentong buhay ng isang ama na nalulong sa alak, isang dating street-child kasama na rin ang isang young urban professional na nagnilay sa direksiyon ng kanyang buhay.  


     Napakarami pang kuwento  ang mababasa at maririnig tungkul sa mga gurong nagpamalas ng dedikasyon at pagmamahal sa kanilang propesyon. Ilang daang aklat ang maaring maisulat tungkul sa mga gurong ito at sa kanilang mga sakripisyo sa pagtuturo. Hindi sila nangiming magbahagi at magbuhos ng  kanilang husay at talino para mas marami pang makatuklas ng angking talino sa pagpapabuti ng kalagayan di lamang ng sarili kundi ng sambayanan.  


                                              ***

Ito ay video kuha ng TEDX talk ni Sabrina Ongkiko, isang guro. Panoodin natin ito.

My Favorite Post!

Remembering Nanay

                                       Photo by  Aaron Burden  from  Pexels   It was a time of disquiet then; the protest movement against t...