Wednesday, 12 September 2012

Likhang Kamay

Mandala, by Amy Muga


      Nakakatulong sa akin ang paglikha ng mga bagay gamit ang aking mga kamay.  Natatandaan ko pa nung bata ako na gumagawa ako ng sariling mga laruan - lumang medyas para sa manika na guguhitan ko ng mata at labi gamit ang ballpen o pentel pen, mga karton na ginupit para magmukhang mga maliliit na upuan at lamesa, mga munting palayok na gagawin ko sa mumurahing clay. Pinag-aaralan ko ang pagguhit at pagpinta sa isang librong nabili ng aking  kapatid.  Hindi pinturang nabibili sa National Book Store ang gamit ko kundi tunay na pinturang acrylic na tirang pintura namin sa bahay. 



     Nagpamalas rin ng pagkamalikhain ang dalawa kong anak. Bata ang panganay kong anak. nang nagpamalas siya ng husay sa pagguhit. Mahusay naman sa pagguhit gamit ng computer software ang bunso kong anak.


    Ito ang dalawa sa ginawa ng bunso ko: 

Likhang Kamay ni Bunso Reg Muga
Likhang kamay ni Bunso Reg Muga

      Sabi ng marami,  malaki ang matutulong ng sining sa paghilom ng isang tao. Maari kang gumuhit, magpinta, umukit, maglilok, gumawa ng kanta, umawit, lumikha ng mga tula at napakarami pang iba. 

     Narito ang ilan sa huling mga ginawa ko gamit ang watercolor, colored pens, at maging polymer clay. Maaring lumikha rin ng mga bagay mula sa mga ordinaryong nakikita sa loob ng tahanan o kapaligiran. Ang huling litrato  ay isang pendant na gawa sa polymer clay. Pagkatapos kong hubugin ang porma ng isang ina at anak, isinalang ito sa lumang oven toaster ng ilang minuto.  


Water colour painting, Amy Mega


Ina at Anak, Drawing by Amy Muga



Ina at Anak, gawa sa clay  ni Amy Muga (Photocredit, Amy Muga)
Ina at Anak na gawa sa polymer clay, likha ni Amy Muga


      Para sa napakarami, dagdag na kita ang maaring makuha sa mga likhang kamay. Sa Payatas, halimbawa, marami na rin akong nakausap na mga ina na hindi libangan kundi mapagkukuhanan ng pagkaing ilalagay sa hapag-kainan ang paggawa ng mga basahang gawa sa lumang retaso at sinasalansan upang makabuo ng hugis at sukat na hiniling sa kanila ng bibili. Mabuti na rin at merong mga grupong tulad ng Rag to Riches (R2R) na nagturo sa maraming kababaihan dun paano mas mapapaganda at mapapabuti ang paggawa ng mga produktong maaring itinda na kikita sila na mas malaki. 

     Meron rin akong nakilalang mga kababaihan na napakahusay ng likhang kamay  sa beadwork. Ginagawa nila itong iba't ibang hugis ng bag, pitaka, ID holder at iba pang kagamitan. Mga detenido naman  sila sa Camp Karingal na nakulong bunga ng iba't ibang kasong iniharap laban sa kanila. Habang hinihintay nila ang desisyon ng korte, gunagawa nila ang mga napakagandang likhang kamay kung saan makakakuha sila ng kaunting kita at matutulungan sila sa panahon ng paghihintay sa loob ng piitan.
                   Likhang kamay ng mga detenido sa Camp Karingal, -evening bag, purse, ID holder
                                      Photo credit: Amy Muga


     Noong nakaraang taon, nakakita ako ng napakagandang likhang kamay ng ilang manggagawa na galing sa Talim Island Rizal. Tinabas at inukit sa kawayan, lumabas ang isang napakagandang krus ng mga maralita. 














My Favorite Post!

Remembering Nanay

                                       Photo by  Aaron Burden  from  Pexels   It was a time of disquiet then; the protest movement against t...