![]() |
Artwork provided by 11 years old Gina Muga |
Maaaring kathang isip o tunay na buhay ang nilalaman nito.
Natatandaan ko pa ang isang kuwento tungkol sa isang batang maralita na
nagmalaki na meron siyang isang daang damit. Hindi makapaniwala sa kanya ang kanyang mga kaklase. Paano nga ba sila maniniwala? Bukod sa pinaglumaan ang suot niyang damit ay butas pa ang suot niyang sapatos. Naghahagikgikan sila tuwing naririnig nila ang kanyang kuwento. Sa kanilang murang isipan, kuwento lang ito ng kanilang kaklase na mahilig mangarap at managinip.
Lumipas ang mga araw at napansin nilang absent parati ang kanilang kaklase na may "isang daang damit." Sama-sama nilang pinuntahan ang kanyang tahanan, na nasa bungad ng isang eskinita sa looban ng isang komunidad ng maralita na malapit na ring buwagin. Patay na siya; binawian ng buhay bunga ng sakit na pneumonia. Hindi siya kaagad naisugod ng kanyang ina sa pagamutan.
Nadama nila ang magkahalong lungkot at panghihinayang. Hindi na nila maririnig ang kanyang mga kuwento; hindi na nila makikita ang bilugan niyang mata at bungisngis niyang pagtawa. Nakita nila ang mga drawing ng mga damit na may iba’t ibang hugis na pinapalamutian sa iba't ibang disenyo. Maingat itong iginuhit sa mga lumang papel at tirang lumang supot ng tinapay.
May isang daang damit nga ang kanilang kaklase, iginuhit at inilagay sa dingding ng maliit na dampang tirahan.
Naiyak
ako nang mabasa ko ang orihinal na kuwentong isinulat ng batikang manunulat na si Fanny Garcia. Sa kuwento ni Fanny, kinukutya ang batang maralita hindi lamang sa kanyang pananamit pati na rin sa baon niyang tinapay na walang palaman. Nasaktan siya sa walang tigil na biro at mga parinig sa kanya ng kanyang mga kamag-aral. Hanggang natutunan na rin niyang huwag indahin yun at sa halip ay daanin sa kuwentong nagpamangha sa kanyang mga kamag-aral - ang kuwento ng kanyang "isang daang damit."
Ang pagkaratay niya sa sakit ay salamin lamang ng kalagayan ng maraming komunidad ng maralita, kung saan maraming bata ang nagkakasakit dahil sa kakulangan ng masustansiyang pagkain, malinis na tubig at pagtira sa mga komunidad na hindi nakabubuti sa kanilang kalusugan. Maraming ina at ama ang gagawin ang kanilang makakaya para mapabuti ang kanilang katayuan sa buhay kahit nasasadlak sa sitwasyong mahirap umahon.
Ang pagkaratay niya sa sakit ay salamin lamang ng kalagayan ng maraming komunidad ng maralita, kung saan maraming bata ang nagkakasakit dahil sa kakulangan ng masustansiyang pagkain, malinis na tubig at pagtira sa mga komunidad na hindi nakabubuti sa kanilang kalusugan. Maraming ina at ama ang gagawin ang kanilang makakaya para mapabuti ang kanilang katayuan sa buhay kahit nasasadlak sa sitwasyong mahirap umahon.
Kahapon, napadaan ako sa Adarna House na sumusuporta sa mga manunulat ng mga kuwentong pambata. Marami na palang librong nailimbag at mabibili sa mga bookstore na tumatalakay ng iba't ibang isyung hinaharap ng mga kabataan sa lipunan natin.
May librong naisulat sa kahalagahan ng mga ordinaryong taong tumutulong sa gawaing pambahay. Nariyan ang isinulat ni Rhandee Garlitos at iginuhit ni Liza Flores tungkol sa mga naitutulong ng isang kasambahay satahanan sa librong "Chenelyn, Chenelyn".
![]() |
Papel de Liha book, written by Corazon Remigio, illustrated by Beth Doctolero.Published by Adarna House. Photo credit :Adarna House |
Meron ding librong tumatalakay sa damdamin ng isang batang hiwalay ang mga magulang, "Papa's House and Mama's House" na isinulat ni Jean Lee Patindol at iginuhit ni Mark Salvatus. Nanalo pala ito bilang Grand Prize Winner noong 2004 sa PBBY Salanga Prize.
Dalawang libro naman ang tumatalakay sa damdamin ng mga batang may mga magulang na OFW. Ang "May Higante sa Aming Bahay" na isinulat ni Rhandee Garlitos (ulit) at iginuhit ni Ferdinand Guevarra. Hindi ko nabili yung librong "Ang Nanay Kong si Darna."
Isang libro tungkol sa inabusong bata at kung paano siya nailigtas ang inilimbag na rin ng Adarna House. Sensitibong isyu ang tinatalakay dito. Mahusay ang pagkakasulat nito at nagtatapos pa sa mga paalala para sa kaligtasan ng mga bata laban sa mga taong maaring magsamantala sa kanila. Ito ang "Ang Lihim ni Lea" na isinulat ni Augie Rivera at iginuhit ni Ghani Madueno.
Nagpapasalamat ako sa mga taong nagsulat at nagbahagi ng mga kuwentong ito, mga ordinaryong taong may malaking puso at napakalalim ng mga "balon ng paglikha" na pinagkukuhanan nila ng iba't ibang istorya ng buhay.
Salamat sa mga tunay na taong naging bida sa maraming kuwentong totoong larawan ng buhay-bata man o matanda. Inspirasyon para sa marami ang mga kuwento ng pagpupunyagi at pakikibaka.
***
***