In the blog " Paglalakbay sa Puso ng Isang Ina" the author, Amy Muga shares her stories about kindness and compassion, courage amid life challenges, hope, and faith amidst upheavals and social change.
Friday, 28 September 2012
Thursday, 20 September 2012
Ang batang may Isang daang damit at iba pang kuwentong pambata
![]() |
Artwork provided by 11 years old Gina Muga |
Maaaring kathang isip o tunay na buhay ang nilalaman nito.
Natatandaan ko pa ang isang kuwento tungkol sa isang batang maralita na
nagmalaki na meron siyang isang daang damit. Hindi makapaniwala sa kanya ang kanyang mga kaklase. Paano nga ba sila maniniwala? Bukod sa pinaglumaan ang suot niyang damit ay butas pa ang suot niyang sapatos. Naghahagikgikan sila tuwing naririnig nila ang kanyang kuwento. Sa kanilang murang isipan, kuwento lang ito ng kanilang kaklase na mahilig mangarap at managinip.
Lumipas ang mga araw at napansin nilang absent parati ang kanilang kaklase na may "isang daang damit." Sama-sama nilang pinuntahan ang kanyang tahanan, na nasa bungad ng isang eskinita sa looban ng isang komunidad ng maralita na malapit na ring buwagin. Patay na siya; binawian ng buhay bunga ng sakit na pneumonia. Hindi siya kaagad naisugod ng kanyang ina sa pagamutan.
Nadama nila ang magkahalong lungkot at panghihinayang. Hindi na nila maririnig ang kanyang mga kuwento; hindi na nila makikita ang bilugan niyang mata at bungisngis niyang pagtawa. Nakita nila ang mga drawing ng mga damit na may iba’t ibang hugis na pinapalamutian sa iba't ibang disenyo. Maingat itong iginuhit sa mga lumang papel at tirang lumang supot ng tinapay.
May isang daang damit nga ang kanilang kaklase, iginuhit at inilagay sa dingding ng maliit na dampang tirahan.
Naiyak
ako nang mabasa ko ang orihinal na kuwentong isinulat ng batikang manunulat na si Fanny Garcia. Sa kuwento ni Fanny, kinukutya ang batang maralita hindi lamang sa kanyang pananamit pati na rin sa baon niyang tinapay na walang palaman. Nasaktan siya sa walang tigil na biro at mga parinig sa kanya ng kanyang mga kamag-aral. Hanggang natutunan na rin niyang huwag indahin yun at sa halip ay daanin sa kuwentong nagpamangha sa kanyang mga kamag-aral - ang kuwento ng kanyang "isang daang damit."
Ang pagkaratay niya sa sakit ay salamin lamang ng kalagayan ng maraming komunidad ng maralita, kung saan maraming bata ang nagkakasakit dahil sa kakulangan ng masustansiyang pagkain, malinis na tubig at pagtira sa mga komunidad na hindi nakabubuti sa kanilang kalusugan. Maraming ina at ama ang gagawin ang kanilang makakaya para mapabuti ang kanilang katayuan sa buhay kahit nasasadlak sa sitwasyong mahirap umahon.
Ang pagkaratay niya sa sakit ay salamin lamang ng kalagayan ng maraming komunidad ng maralita, kung saan maraming bata ang nagkakasakit dahil sa kakulangan ng masustansiyang pagkain, malinis na tubig at pagtira sa mga komunidad na hindi nakabubuti sa kanilang kalusugan. Maraming ina at ama ang gagawin ang kanilang makakaya para mapabuti ang kanilang katayuan sa buhay kahit nasasadlak sa sitwasyong mahirap umahon.
Kahapon, napadaan ako sa Adarna House na sumusuporta sa mga manunulat ng mga kuwentong pambata. Marami na palang librong nailimbag at mabibili sa mga bookstore na tumatalakay ng iba't ibang isyung hinaharap ng mga kabataan sa lipunan natin.
May librong naisulat sa kahalagahan ng mga ordinaryong taong tumutulong sa gawaing pambahay. Nariyan ang isinulat ni Rhandee Garlitos at iginuhit ni Liza Flores tungkol sa mga naitutulong ng isang kasambahay satahanan sa librong "Chenelyn, Chenelyn".
![]() |
Papel de Liha book, written by Corazon Remigio, illustrated by Beth Doctolero.Published by Adarna House. Photo credit :Adarna House |
Meron ding librong tumatalakay sa damdamin ng isang batang hiwalay ang mga magulang, "Papa's House and Mama's House" na isinulat ni Jean Lee Patindol at iginuhit ni Mark Salvatus. Nanalo pala ito bilang Grand Prize Winner noong 2004 sa PBBY Salanga Prize.
Dalawang libro naman ang tumatalakay sa damdamin ng mga batang may mga magulang na OFW. Ang "May Higante sa Aming Bahay" na isinulat ni Rhandee Garlitos (ulit) at iginuhit ni Ferdinand Guevarra. Hindi ko nabili yung librong "Ang Nanay Kong si Darna."
Isang libro tungkol sa inabusong bata at kung paano siya nailigtas ang inilimbag na rin ng Adarna House. Sensitibong isyu ang tinatalakay dito. Mahusay ang pagkakasulat nito at nagtatapos pa sa mga paalala para sa kaligtasan ng mga bata laban sa mga taong maaring magsamantala sa kanila. Ito ang "Ang Lihim ni Lea" na isinulat ni Augie Rivera at iginuhit ni Ghani Madueno.
Nagpapasalamat ako sa mga taong nagsulat at nagbahagi ng mga kuwentong ito, mga ordinaryong taong may malaking puso at napakalalim ng mga "balon ng paglikha" na pinagkukuhanan nila ng iba't ibang istorya ng buhay.
Salamat sa mga tunay na taong naging bida sa maraming kuwentong totoong larawan ng buhay-bata man o matanda. Inspirasyon para sa marami ang mga kuwento ng pagpupunyagi at pakikibaka.
***
***
Friday, 14 September 2012
Sulat ng Ina sa Kanyang Anak (Part 2)
Panganay ko,
Nagmamahal,
Nanay
Mataas pa ang lagnat ng kapatid mo kaya
nagbabantay muna ako sa kanya dito sa bahay. Sana na nga lang hindi ito dengue;
kung hindi pa magbago ang kalagayan niya, kailangan na nating dalhin siya sa
ospital.
Salamat sa tulong mo sa pagpapaaral ng
kapatid mo, anak. Alam ko, may mga bagay na gusto mong bilhin pero inuuna mo
ang paglalaan ng pondo para sa tuition ng kapatid mo. Mabuti na lang at mas maayos na ang pag-aaral niya.
Sa susunod na linggo, paalis na naman ako
papuntang Mindanao. Tutulong ako sa pagbibigay ng pagsasanay para sa mga taong
simbahan sa Cagayan de Oro at Iligan. Nakasama ko na sila dati noong Pebrero; ang ilan ay tumulong rin sa isang gawain para sa mga inang nagtrabaho sa sex
trade dahil na rin sa kahirapan.
Babaunin ko kayo sa aking puso pagpunta ko doon. Alam mo, pinagmamalaki ko kayong dalawa ng kapatid mo, siyempre pa ang ama ninyo, sa mga nakakausap ko at nakakasama ko sa mga gawain.
Babaunin ko kayo sa aking puso pagpunta ko doon. Alam mo, pinagmamalaki ko kayong dalawa ng kapatid mo, siyempre pa ang ama ninyo, sa mga nakakausap ko at nakakasama ko sa mga gawain.
Nakakatuwa ang mga kuwento mo sa iyong
trabaho. Napakabuti na nakapili ka ng trabahong magagamit mo ang husay mo sa
matematika at pakikitungo sa mga tao.
Hindi pa ako tapos sa pag-aaral nang nagtrabaho ako. Manunulat ako sa
isang pahayagan para sa mga manggagawa. Hindi pa nga ako gaano kahusay sa
pagsusulat kumpara sa mga kasamahan kong pulido ang pagsusulat. Ginagawa ko lang ang aking makakaya para matuto pa sa ganitong larangan.
Ngayon na nga lang binabalikan ko ulit ang
pagsusulat na matagal ko na ring naiwanan. Medyo di ako panatag noong sinisimulan ko ang pagsusulat pero nang nakapagsulat na ako, tuloy-tuloy na rin
yun. Naisama na nga yung isang isinulat kong akda para sa isang libro. Iyan ang isa sa mga proud
moments ng nanay mo pero di maihahambing sa sayang nararamdaman kapag makita kayong masaya rin sa inyong mga
ginagawa.
Anak, maaring humarap ka sa mga pagkakataong mahirap para sa iyo. Huminga ka ng malalim ng ilang segundo, saka mo isipin kung paano lulutasin at tutugunan kung ano man ang suliraning kinakaharap mo. Huwag kakalimutan na hindi mo kailangang saluhin lahat at merong mga taong maaring tumulong sa iyo.
Meron ring mga tao na maaring di kilalanin ang mga nagawa mo. Ay, hayaan mo na, anak. Alam mo ang
totoo sa sarili mo, alam mo ang totoo sa mga ginagawa mo. Hindi mo kailangan
ang opinyon ng iba sa lahat ng pagkakataon. Hindi mahalaga kung hindi sumasang-ayon ang iba sa mga bagay na gusto mong gawin sa buhay mo. Tandaan mo anak, ikaw ang magpapasiya sa landas na tatahakin mo sa buhay.
Huwag mong kakalimutan na narito kami parati ng iyong ama at iyong kapatid para sa iyo.
Nanay
Wednesday, 12 September 2012
Likhang Kamay
![]() |
Mandala, by Amy Muga |
Nakakatulong sa akin ang paglikha ng mga bagay gamit ang aking mga kamay. Natatandaan ko pa nung bata ako na gumagawa ako ng sariling mga laruan - lumang medyas para sa manika na guguhitan ko ng mata at labi gamit ang ballpen o pentel pen, mga karton na ginupit para magmukhang mga maliliit na upuan at lamesa, mga munting palayok na gagawin ko sa mumurahing clay. Pinag-aaralan ko ang pagguhit at pagpinta sa isang librong nabili ng aking kapatid. Hindi pinturang nabibili sa National Book Store ang gamit ko kundi tunay na pinturang acrylic na tirang pintura namin sa bahay.
Nagpamalas rin ng pagkamalikhain ang dalawa kong anak. Bata ang panganay kong anak. nang nagpamalas siya ng husay sa pagguhit. Mahusay naman sa pagguhit gamit ng computer software ang bunso kong anak.
Ito ang dalawa sa ginawa ng bunso ko:
![]() |
Likhang Kamay ni Bunso Reg Muga |
![]() |
Likhang kamay ni Bunso Reg Muga |
Sabi ng marami, malaki ang matutulong ng sining sa paghilom ng isang tao. Maari kang gumuhit, magpinta, umukit, maglilok, gumawa ng kanta, umawit, lumikha ng mga tula at napakarami pang iba.
Narito ang ilan sa huling mga ginawa ko gamit ang watercolor, colored pens, at maging polymer clay. Maaring lumikha rin ng mga bagay mula sa mga ordinaryong nakikita sa loob ng tahanan o kapaligiran. Ang huling litrato ay isang pendant na gawa sa polymer clay. Pagkatapos kong hubugin ang porma ng isang ina at anak, isinalang ito sa lumang oven toaster ng ilang minuto.
Water colour painting, Amy Mega |
![]() |
Ina at Anak, Drawing by Amy Muga Ina at Anak, gawa sa clay ni Amy Muga (Photocredit, Amy Muga) |
Friday, 7 September 2012
Guro
Natatandaan ko ang isang video documentary na ginawa ng isang batikang mamamahayag.
Tungkol ito sa isang guro na piniling magturo sa isang liblib na lugar sa isang malayong bayan,kung saan binabagtas ng mga bata ang mga bundok at tinatawid ang ilang ilog para lamang makaabot sa kanilang paaralan. Naglalaan siya ng ilang bahagi sa kanyang maliit na suweldo para ipambili ng mga kagamitan sa pagtuturo. Malimit na nahuhuli dumating ang budget na inilaan para dito.
Naalala ko rin ito nang ikuwento sa akin ng isang punong-guro sa isang paaralan sa Sagrada Familia, Masantol, Pampanga na araw-araw silang sumasakay ng bangka para lamang mapuntahan ang nag-iisang paaralan sa kanilang bayan.
Sino ba naman ang makalilimot sa kuwento ng gurong pinaglaban ang ballot box sa mga nagtangkang nakawin ito ilang eleksiyon na ring nakaraan. Napatay siya sa pakikipaglaban dito. Responsibilidad kasi ng mga guro ang pagbabantay sa proseso ng eleksiyon mula registration hanggang aktuwal na bilangan. Mano-mano ang pagbibilang ng boto dati. Namfrel volunteer ako at alam ko ang hirap na pinagdaanan ng mga guro.
Naging isang guro ang aking ina. Natatandaan ko pa yung litratong kuha sa klase niya sa isang mababang paaralan sa Maynila. Dama ko ang pagmamalaki niya sa kanyang gawain noong ikuwento niya ang di-inaasahang pagkikita nila ng kanyang pupil na taos-pusong nagpasalamat sa kanya.
![]() |
Acknowledgment: Loyola Schools Bulletin, Ateneo de Manila University |
Guro rin ang aking asawa sa pamantasan. Siya si Dr. Felix Muga II, isang Cocofed scholar sa kolehiyo at nakapagtapos ng Bachelor of Science in Mathematics (magna cum laude). Pinili niya ang bokasyon ng pagturo at minahal niya ito. Itinuloy niya ang graduate studies at natapos niya ang kanyang doctorate. Nagawaran rin siyang Outstanding Young Scientist (OYS) ng National Academy for Science and Technology noong 1998. Tuloy-tuloy ang kanyang pagtuturo at pananaliksik na kung saan ginagamit niya ang kanyang husay sa mga pananaliksik sa mga isyung panlipunan.
Manggagawa ako ng sangguniang pastoral at kalakbay sa komunidad. Kinikilala ko ang mga guro na nagbahagi ng kanilang kaalaman at kahusayan para matuto kaming mga mag-aaral sa gawaing ito. Sa mga gurong iyon, isang guro ang bukod tangi dahil sa lalim ng pag-unawa at lawak ng pananaw sa buhay, si Fr. Ted Gonzales, SJ. Ilang linggo na lamang mula ngayon, paalis na siya papuntang bansang Indonesia upang magturo at tumulong sa paghuhubog ng mga nag-aaral maging alagad ni Kristo. Isang tao siyang makikinig at hindi manghuhusga; isang taong tutulungan kang matuto mula sa iyong mga pinagdaanan at hindi maglalagay ng balakid sa iyong pag-unlad.
Nakasama ko na rin si Fr. Ted sa iba't ibang gawain, magmula sa isang gawain para sa mga guro sa Benguet pagkatapos ng bagyong Pepeng hanggang sa isang gawain para sa mga taong simbahan ng United Church of Christ in the Philippines sa Northwest Mindanao.
![]() |
Fr. Ted Gonzales SJ in Payatas Acknowledgment: Photograph Amy Muga |
Guro ko rin siya sa klaseng Explorations in Resilience. Dito sa klaseng ito makahahalaw ng mga aral mula sa mga taong dumaan sa napakabigat na mga pagsubok at dagok ng buhay.
Natatandaan ko ang mga kuwentong buhay ng isang ama na nalulong sa alak, isang dating street-child kasama na rin ang isang young urban professional na nagnilay sa direksiyon ng kanyang buhay.
Napakarami pang kuwento ang mababasa at maririnig tungkul sa mga gurong nagpamalas ng dedikasyon at pagmamahal sa kanilang propesyon. Ilang daang aklat ang maaring maisulat tungkul sa mga gurong ito at sa kanilang mga sakripisyo sa pagtuturo. Hindi sila nangiming magbahagi at magbuhos ng kanilang husay at talino para mas marami pang makatuklas ng angking talino sa pagpapabuti ng kalagayan di lamang ng sarili kundi ng sambayanan.
WebRep
currentVote
noRating
noWeight
Wednesday, 5 September 2012
Ilang Litratong Kuha Malapit sa Karagatan
Minsan, may mga karanasang binibitbit mo pag-uwi.
Mga karanasan kung saan lalo mong nakikilala ang iyong sarili,
mga karanasan na maaring simple at payak.
Hibla, Photo by Amy Muga
Tahimik ang ihip ng hangin
na dumaloy sa bawa't dahon ng mga halamang nakapalibot sa pampang.
Kapanatagan
sa mga pangakong binitawan sa sarili ang naramdaman |
Mula sa Looban (Photo credit, Amy Muga) |
|
Bakawan Photograph by Amy Mega
Binalikan ko ang pagsusulat,
binabalikan ko rin ang pagguhit at pagpinta,
pati na rin ang pagkuha ng mga litratong nagsisilbing
ala-ala ng mga karanasan sa aking buhay.
|
Dagat (photograph by Amy Muga)
Hindi na kailangang idaan sa napakaraming salita ang
taos-pusong pasasalamat sa ganitong mga pagkakataong makapagnilay
at mabuhay.
|
Saturday, 1 September 2012
Sulat ng Isang Ina sa Kanyang Anak
![]() |
"Anak" Copyright, 2009, Amy Muga |
Panganay ko,
Ang bilis talaga ng panahon. Pinagmamasdan ko ang mga litrato mo noong sanggol ka pa lamang.
Proud kami sa iyo. Aba, pinagmamalaki kita sa lahat ng mga kasamahan ko. Naikuwento ko nga na nakakasama kita sa Payatas at maging sa isang gawain para sa mga kaanak ng mga detenidong politikal. Gayundin naman ang ama mo, masaya siya at nabiyayaan kami ng isang anak na tulad mo - mabait, mapag-unawa, maalalahanin.
Ang dami mo ring namana sa iyong ama. Naroon yung pagmamahal mo sa agham at matematika. Likas ka ring matulungin at malapit sa mga tao. Mahusay ka rin sa sining, sa pagguhit at pagpinta. Sa tingin ko yan naman ang nakuha mo sa akin. Maganda rin sigurong ituro mo ang ganyang mga kaalaman sa mga makakasama natin sa komunidad.
Natatandaan ko kayong dalawa ng iyong ama nang sanggol ka pa lamang. Pinaghehele ka niya sa kantang Usahay, Matud Nila at Alimukoy. Natatandaan mo ba ang mga kantang iyon, anak? Kinakarga ka niya at inaawitan hanggang makatulog ka na. Biruin mo, napakanta mo ang ama mo!
Natatandaan ko rin na pareho tayong fans ng Green Archers. Sa bawa't laro nila, humihiyaw tayo sa galak para sa kanila. Nabisita pa nga natin ang bonfire celebration nung nanalo sila ng UAAP championship. Nasa high-school ka pa noon. Nang nag-kolehiyo ka na sa pamantasang pinagtuturuan ng iyong ama, naging masugid ka namang tagahanga ng Blue Eagles!
Anak, salamat sa napakalaki mong puso para sa iyong kapwa, sa pagtulong mo sa nakakabata mong kapatid, sa maraming pagkakataong pinapatawa mo ako, kahit sumasakit na ang aking tiyan sa katatawa. Hay, iyan ang isang kalakasan mo. Hindi ko na nga kailangan magpraktis ng Laughter Yoga. Sadyang pinapatawa mo na ako.
Huwag mong kakalimutan na mahal na mahal ka namin ng iyong ama at ng iyong kapatid. Narito kami para sa iyo.
Mula sa akin,
Nanay
![]() |
Mother and child pendant made by Amy Muga |
P.S. Itutuloy ko pa ito anak. Nanalo rin pala ang Blue Eagles laban sa Green Archers kahapon.
Subscribe to:
Posts (Atom)
My Favorite Post!
Remembering Nanay
Photo by Aaron Burden from Pexels It was a time of disquiet then; the protest movement against t...
-
"Anak" Copyright, 2009, Amy Muga Panganay ko , Ang bilis talaga ng panahon. Pinagmamasdan ko ang mga litrato mo...
-
I came across the book of Bianca Sparacino, " The Strength in Our Scars" and I remember the many individuals from all walks of lif...