Minsan may pagkakataong nagiging malinaw sa iyo na kailangan mo nang iwan ang mga bagay na hindi mahalaga para mabigyan ng mas malaking panahon ang mga tao at mga gawaing nagbibigay-buhay sa iyo.
Natatandaan ko yung mga nanay na nakausap ko sa isang komunidad sa siyudad ng Quezon pagkatapos ng bagyong Ondoy. Nilubog ng tubig baha ang mga tirahan nila at ikinasawi ito ng maraming nanirahan sa isang komunidad na ilang hakbang lang ang layo mula sa kanila.
Wala silang makain at walang mainom nung nasa bubong sila ng kanilang mga tirahan. Buong magdamag silang naghintay ng saklolo habang suot-suot ang mga damit na basang-basa sa walang humpay na pag-ulan.
Pagtila ng ulan at pagbaba ng tubig, binalikan nila ang mga tirahan nilang nilamon ng tubig, putik at basura. Wala pa rin silang makain at wala silang masuot na tuyong damit.
Sabi ng isang nanay, hindi na mahalaga kung luma, bago, pambabae o panalalaki ang isusuot nila o ng kanilang mga anak, basta meron silang damit na maisuot. Bagama't nasira at maraming kukumpunihin sa mga tirahan nila, pati na rin ang mga kasangkapan sa loob nito, nagpapasalamat sila at walang nasawi sa kanilang mag-anak.
Sa panahong sadyang mahirap, nagiging malinaw kung ano ang mas mahalaga.
Dumating rin sa akin yung pagkakataong yun nuong Sabado nang malaman kong binawian na ng buhay ang isang kaibigan at kasamahan sa gawain. Namatay siya sa aneurysm o pagputok ng ugat sa daluyan ng dugo.
Old pic on immersion in Smokey Mountain with the Student Christian Movement of the Philippines.We were talking to one of the trash-pickers " mangangalahig"who earns his living by looking for things that may yet be salvaged from the trash. Ramon Te is the second person from the left, I was the second from the right. Acknowledgement: Student Christian Movement of the Philippines photograph
Matagal na ring hindi kami nagkita, huling kita namin ay sa isang gawain ng SCMP sa gusali ng National Council of Churches of the Philippines. Kasama niya ang kanyang anak na panganay. Nalaman ko rin na sumali na siya sa pulitika at naihalal na isang konsehal ng pamahalaang lungsod ng Caloocan. Malayo na rin ang kanyang naabot.
Nakasama ko siya sa gawaing pag-organisa ng kabataang mag-aaral noong panahon ng diktadura. Pawang nakakatandang kapatid ang turing ko sa kanya, isang taong hindi mang-iiwan sa panahong mahirap. Isang kasama na marunong makinig at umunawa.
Marami rin akong natutunan sa kanya, sa iba't ibang aspeto ng gawain, sa dedikasyon at commitment sa gawain bagama't hindi hayagang nabibigyang pagkilala. Tulad niya ang marami pang ibang kasamahan, na taimtim ang kagustuhang makatulong sa sambayanan kahit hindi sila kilalanin sa kanilang mga nagawa.
Salamat, kasamahang Ramon Te sa kalakihan ng iyong puso at dedikasyon sa gawan para sa sambayanan. Salamat sa mga aral na naibigay mo sa panahong magkasama tayo sa gawain.