Wednesday, 22 August 2012

August memories


Isa ang Agosto sa buwan na nag-iiwan sa akin ng napakaraming ala-ala. Una, dahil ang nag-iisang kapatid kong babae na si Minx ay  pinanganak sa buwan na ito.  Kasabay ng petsa ng kapanganakan niya ang paggunita sa kapanganakan ng  yumaong Pangulong Manuel L. Quezon. Tuwing kaarawan ng kapatid ko tuloy, walang pasok sa buong Siyudad ng Quezon. Siyempre pa, nung mga bata kami, tuwang-tuwa kami dahil isang araw ng bakasyon yun mula sa aming paaralan.

Tatlong taon ang tanda niya sa akin. Mabait at mapagmahal, maaalahanin at napakayaman na rin ang mga karanasan sa buhay. Naging fans rin kami pareho ng natatanging superstar, si Nora Aunor!


Napakatalino rin niya; nag-top siya ng entrance exam sa University of the Philippines Law School nung kumuha siya nito. Nakatapos rin siya sa Wharton Business School ng University of Pennsylvania.


Marami na siyang napagtagumpayan pero isa tagumpay na alam kong isinisilid niya sa kanyang puso ay ang pagiging ina ng isang  mabuting anak na ngayo'y nasa unang taon na sa kolehiyo. Naaruga niya ito at naihanda para salubungin ang mga reyalidad ng buhay.


Noong umalis ako sa aming bahay nang nag-full time na ako sa gawaing pagtulong sa sambayanan, isa siya sa mga taong tumulong sa akin. Mahirap rin nung panahong yun, walang katiyakan ang patutunguhan ko, iniwan ko na rin ang pag-aaral ko sa pamantasan.


Nung nakaraang pagbaha sa Kalakhang Maynila at karatig bayan nito, isa siya sa nagpadala ng tulong suporta para sa mga nasalanta.


***


Ginugunita ko rin tuwing Agosto ang petsang Agosto 21, kung saan napaslang ang dating Senador Benigno Aquino Jr., ama ng kasalukuyang pangulo ng bansa. Naging mitsa ito para magkaisa ang maraming puwersang lumalaban sa diktadura para paigtingin pa ang kanilang pakikibaka.  


Natatandaan ko nung mga araw pagkatapos ng Agosto 21 sa aming pamantasan, pawang ramdam ang galit at di katiyakan sa mga susunod na araw. Ganito rin ang nangyayari sa napakaraming lugar di lamang sa Kalakhang Maynila. Nagtapos ito sa pagpatalsik sa dating Pangulong Ferdinand Marcos at pagbabalik ng demokrasya sa bayan.



Kahapon, Agosto 21, ginunita ulit ang kabayanihan ng dating Senador Aquino. Naroon ang mga pormal na gawaing paggunita sa iba't ibang lugar sa Kamaynilaan. Wala ring pasok sa mga paaralan. 


Kahapon  rin natuldukan ang paghahanap sa isang mabuting taong nagsilbi sa ating bayan, si Jesse Robredo.  Bumagsak ang eroplanong sinasakyan niya sa karagatan malapit sa Masbate nung nakaraang Sabado. Kahapon lamang natagpuan ng mga technical divers ang kanyang labi pati na rin ang mga labi ng dalawa pa niyang kasamahan.


Pinapanood ko ang panayam niya sa telebisyon dati.  Sinabi niyang nag-desisyon siyang magsilbi sa bayan matapos ang pagpaslang sa dating Senador Ninoy Aquino. Mula sa nakasanayang career path ng isang graduate ng De La Salle University, na tumuloy at umangat bilang isang executive sa isang korporasyon, pinili niya ang daang pinili rin ng dating senador, ang paglilingkod sa sambayanan kahit napakahirap ang nilalakbayan.


***








My Favorite Post!

Remembering Nanay

                                       Photo by  Aaron Burden  from  Pexels   It was a time of disquiet then; the protest movement against t...