Binagtas namin ang mahabang lansangan ng Payatas Road papuntang Kasiglahan Rodriguez, Rizal upang maghatid ng mga relief donations sa mga pamilyang nasalanta ang mga tirahan noong nakaraang pagbaha. Kasama ko ang mga volunteers ng mga samahang datirati nang tumutulong sa mga maralita- ang samahang Kalipunan ng Damayang Maralita, ang Center for People Empowerment in Governance, ang Anakpawis, ang ilang mag-aaral ng UP College of Social Works and Community Development (UPCSWCD) at ang Mariners Intitute na galing pa ng Bicol.
Sa isang bahagi ng Kasiglahan, umabot sa bubong ng mga bahay ang baha dalawang linggo nang nakaraan. Ang mga pamilya dito ay napilitan nang lumikas at lumipat sa mga bakanteng bahay na inireserba ng National Housing Authority sa isang mas mataas na lugar sa komunidad. Dito dapat ililipat ang mga pamilya galing naman sa mga bubuwaging komunidad ng maralita malapit sa isang napakalaking shopping mall sa lungsod ng Quezon.
Galing sa iba't ibang komunidad ng maralita ang mga pamilya dito sa Kasiglahan - mula Tondo, Navotas, San Roque atbp. Pagdating pa nila sa Kasiglahan, hindi pa sila magkakasama, hindi sila magkakakilala. Yung lambat ng suporta na maaring makatulong sa kanila ay hindi nila naisama sa bago nilang komunidad.
Nalaman ko na tinambakan lang pala ang ilog na dumadaloy sa lugar na tinayuan ng mga pabahay. Natural lamang na kapag tumaas ang malaking ilog na babagsakan ng tubig ulan na galing bundok dadaanan at dadaanan ang ilog na ngayo'y lupang sementado at tinirikan ng mga tirahan para sa maralita. Ganito na nga ang nangyari nung baha. Lumubog ang napakaraming tirahan.
Sabi nga ng isang ina sa komunidad, " ang hinahanap namin ay hanap-buhay at hindi hanap-kamatayan".
![]() |
Isa ang ina na nagtitinda ng Yakult; nabaha rin ang pamilya niya. Picture by Amy Muga |
Naroon rin ang takot nila at ng kanilang mga anak na bata sa baha at ulan. Marami ang nagsisimulang umiyak kapag nagsisimula nang umulan. Ganito rin ang naranasan ng marami pang mga mag-anak sa mga lugar na nasalanta ng mga kalamidad. Napakabuti kung merong lambat ng suporta mula sa kanilang komunidad.
![]() |
Community leader in Kasiglahan Photo Credit: Amy Muga |
Nalaman ko rin kanina ang pagpanig ng yumaong Kalihim Jesse Robredo para sa kapakanan ng mga maralita. Nanindigan siya na magkaroon ng moratorium sa mga demolisyon.
Nagpapasalamat ako sa pagkakataong makasama sa grupong pumunta sa Kasiglahan kaninang umaga upang tumulong sa relief operations. Nagpapasalamat rin ako sa iba pang kasama na dati nang tumutulong sa mga gawain para sa maralita kasama na rin ang nagbigay ng kanilang oras, panahon, tulong suporta para sa gawain.
***
Ito ang artikulo ng Center for People Empowerment in Governance tungkul sa naturang gawain:
http://cenpeg.org/2012/governance/september2012/A-Town-Where-Staying-Alive-Counts-Most.html
Kapatid kong Minx, nasa panalangin kita parati. Maraming salamat sa iyo sa iyong tulong suporta sa mga nasalanta sa pagbaha.