Sunday, 12 August 2012

Bagyo, Baha, Pagbangon

     Natatandaan ko ang isang taong ikinulong 
at pinahirapan noong panahon ng diktadura. Kasapi siya 
ng isang militanteng samahan ng mga manggagawa. Hindi mailarawan ang hirap na pinagdaanan niya mula nang 
hinuli siya at kanyang mga kasama isang gabing nakatatak na sa kanyang ala-ala.

     Nakausap ko siya sa isang gawain para sa mga dating detenidong politikal.  Sa gawaing ito, naihanda na silang magsalaysay ng kanilang mga kuwento sa mga taong mahalaga sa kanilang buhay.

     Bagama't may mga pagkakataong bumabalik pa rin sa kanyang alaala ang pahirap na ginawa sa kanya, hindi ito naging hadlang upang ipagpatuloy niya ang 
kanyang gawain para sa batayang masa.

Nang tanungin ko siya kung paano niya nagawang 
panghawakan ang kanyang sarili sa gitna ng pagpapahirap 
sa kanya, sinabi niya sa akin na mahirap ang kanyang pinagdaanan pero nabibigyan buhay siya araw-araw sa pag-asa niyang  lumaya para ipagpatuloy ang kanyang gawain para sa mga manggagawa.  Inisip niya na ang kahirapan na kanyang dinanas ay ga-munggo lamang kumpara sa 
araw-araw na paghihirap na dinaranas ng mga maralita 
sa sambayanan

 Naalala ko ang kuwento niya ng pagbangon sa mga nakausap ko galing sa ilang komunidad sa Cagayan de Oro at Iligan City na diretsang tinamaan ng malawakang pagbaha bunga ng bagyong Sendong noong huling linggo ng Disyembre, 2011 

Kasama ng iba pang volunteer crisis responders, pumunta kami sa isang gawaing pagtulong na ipinatawag ng Roman Catholic Diocese ng Iligan City isang araw pagkatapos ng Pasko.

 Una kong pinuntahan ang  Cagayan de Oro, lugar kung saan napakarami ang nasawi bunga ng bahang nagpalubog sa maraming kabahayan at nagdulot ng pinsala at pagkaulila ng marami mula sa kanilang mga mahal sa buhay. Nakausap ko ang mga taong simbahan ng United Church of Christ in the Philippines na nagbukas ng kanilang pinto sa mga nsalanta. 

Photograph of Amy Muga taken at Iligan City December, 2011

Iligan City after Sendong Photograph taken by Amy Muga December 2011
Mandulog River Iligan City Photograph taken by Amy Muga December 2011
    Sa Iligan City, libo-libong putol na troso ang sumama sa tubig na galing sa kabundukan. Ilan sa komunidad na pawang nabura sa mapa ay malapit sa Ilog Mandulog, Natatandaan ko ang isang steel container ng tubig na nayupi bagama't mataas ang kinalalagyan nito; ganito kataas ang tubig na bumalot sa maraming komunidad nung panahong yun. Ganito kalakas ang paghampas ng mga trosong sumama sa rumaragasang tubig na bumagsak galing sa kabundukan.

   Karamihan ay kumapit sa pananampalataya at kagustuhang makita ang miyembro ng kanilang pamilya. Nakatulong rin ang aktibong pakikiisa at pagtulong sa kapwa sa panahong mahirap. 

                                             ***

  Bagama't maraming aral ang nahalaw na sa ganitong mga kalamidad, wala pa ring malinaw at pangmatagalang hakbang ang nakalatag na lulutas sa paulit-ulit na pagbaha.

      Mas bulnerable ang mga maralita sa ganitong sitwasyon; lalo pang nababaon sa hirap ang dati nang mahirap


     Napakahalagang maunawaan ang sitwasyong
kanilang kinapapalooban pati na ang mga sistemang 
sadyang nagpapahirap sa kanilang kalagayan. 



                                      ***


  

My Favorite Post!

Remembering Nanay

                                       Photo by  Aaron Burden  from  Pexels   It was a time of disquiet then; the protest movement against t...