May mga libro rin akong kinagiliwan dahil sa magandang pagkakaguhit ng mga pangunahing tauhan sa iba't ibang kuwento dito. Nakikibasa lang ako noon sa mga libro ng pinsan ko. Tuwang-tuwa ako sa Disney books dahil sa napakagandang pagkaguhit kay Snow White, kay Cinderella at kay Sleeping Beauty. Mga kababaihang kailangang saluhin ng kanilang 'prince charming'.
Kaya lang noon pa man, alam kong ang "happy ending" sa kuwento nina Snow White at kanyang mga kabaro ay kathang isip lamang at hindi realidad ng napakaraming pamilya sa lipunan natin. Realidad ang napakalaking agwat ng mayaman at mahirap, maraming ina na namamatay sa panganganak, ang sistemang panlipunan na lalong nagpapayaman sa iilang makapangyarihan at nagpapahirap sa dati nang mahirap. Maraming babasahin na Free Press ang ama ko na naglalaman ng mga artikulong naglalahad ng mga isyung panlipunan at pampolitika kabilang na ang mga katiwaliang ginagawa ng pamahalaang Marcos noon.
Noong naging isang ina na rin ako, pinipili ko ang mga librong pambata na babasahin ko sa aking mga anak na babae pati na rin pelikulang papanoorin nila. May libro akong binabasa sa kanila tungkol sa mga kababaihang naninindigan at makabayan. Nariyan rin iyong mga kwento ko sa kanila tungkol sa mga bayani ng ating bayan na pinarangalan at hindi pa pinaparangalan.
Natuwa ako noong ipalabas ang pelikulang Mulan dahil kakaiba ang istorya niya na tiyak na mabuting halimbawa sa anak kong bata. Tungkol ito sa isang simpleng babae na piniling maging sundalo ng kanyang bayan para hindi mapahamak ang kanyang ama. Yun nga lang, kailangan pa ring magtapos ito sa pag-iisang dibdib ng bidang babae at ka. nyang "prinsipe."
Kagabi, kasama ko ang bunso kong anak at ang aking asawa sa panonood ng isang kakaibang cartoon na gawa ng Pixar-ang BRAVE. Ito ay pelikula tungkol sa isang matapang na prinsesang si Merida na matigas na nanindigang siya ang magdedesisyon para sa kanyang sariling buhay. Mabuting ipanood ito sa mga batang babae at batang lalaki, para alamin nila ang kanilang kakayahan at matutuhan na hindi kailangang madaliin ang pakikipagrelasyon (o maging magkaroon ng isang karelasyon) para magkaroon ng happy ending sa buhay.
Tulad ni Merida, naroon din ang pakikipagsapalaran ng maraming kababaihan sa bayan natin na subukang hanapin ang sarili sa mahabang lansangan ng buhay. Marami, dahil sa kahirapan, ay natitigil sa pag-aaral, mapipilitang magtrabaho sa murang edad, mabubuntis at magsisilang ng sanggol samantalang bata pa rin kung tutuusin. Marami ang tuluyan nang matatali sa loob ng bahay sa pangangalaga ng mga batang kumakalam ang sikmura.
Hindi fairy tale na buhay.
Iniisip ko ito ngayon dahil sa nalalapit na ring pagbotohan sa kongreso ang pagpasa sa Reproductive Health (RH) Bill. Mainit ang diskusyon at debate sa isyung ito.