Tuesday, 24 July 2012

Wawel

     Pagkukwento ang isa sa gusto kong ginagawa  kapag 
bonding time namin ng aking mga anak.  Nariyan  ang mga kuwento samga nakakatuwa at nakakatawang mga karanasan 
ng buhay, mga pagpupunyagi at tagumpay ng mga ordinaryong 
tao, pati na rin ang mga aral tungkul sa mga isyung pambayan 
na napanood nila sa telebisyon. 

     Naikwento ko na rin  sa kanila ang mga  pinagdaanan 
namin ng kanilang ama  pati na rin kung paano kami 
nagkakilala.  Siyempre pa, parati kong sinasabi sa kanila 
kung gaano namin sila kamahal.

     Hindi rin naman one-way na kwentuhan ito. Sila rin may sariling mga kwento na gustong-gusto ko ring pinapakinggan. Nariyan ang mga kwento nila sa kanilang mga  karanasan sa paaralan, ang mga kaklase nila na masayang kasama pati na 
rin ang mga hindi; ang ilang guro nilang mahusay magturo at nabibigyan sila ng inspirasyong pagbutihin pa ang pag-aaral. 

     Sa kwento, matutunan kung ano ang mahalaga sa isa't isa. Mapaghahalawan rin ng mga aral sa buhay ang mga kwentong binahagi. O, mag-iiwan ng mga katanungang susubukang 
hanapan ng mga kasagutan.

     Noong batang-bata pa sila, laman ng story-telling session naming mag-asawa,  ang buhay ng  mga bayani sa ating bayan. Kasama na rito ang mga bayani na lumaban sa diktadura tulad
 nina Lorena Barros, Edgar Jopson, Lean Alejandro at marami 
pang iba na nanggaling sa batayang mga sektor ng ating lipunan. 

     Bayani rin ang turing ko sa mga  taong tumutulong para magkaroon ng pundamental na pagbabago sa kalagayan ng maralita. 

     Nakuwento ko rin sa kanila na meron ring mga bayaning maituturing na mga ordinaryong ama, ina, kapatid, kapamilya 
na patuloy na itinataguyod  ang  kanilang pamilya bagama't napakahirap ang sitwasyong pinagdaraanan.  

     Isa si Wawel Mercado sa mga bayaning ito.  Namatay 
siya halos kasabay nang pagpanaw ng isang kilalang artista
 ng bayan  dalawang linggo nang nakaraan.  Kung hindi pa 
dahil sa isang kasamahan, hindi ko nalaman na namayapa na 
rin siya.

     Narinig ko ang kuwento niya mula sa  guro kong 
Heswita; kuwento ng isang wagas na pagmamahal sa 
kanyang kapwa.

     Sumulat rin ako sa kanya dati upang ipagpaalam ang 
isang artikulo niya na ilalagay ko sa aking yahoo group.  
Kuwento ito ng buhay nilang mag-anak pagkatapos ng 
nangyari sa kanyang asawang si Mila. Pumayag siya at nagpapasalamat ako para dito.

     Itinaguyod ni Wawel ang kanyang mag-anak bagama't napakahirap ng kanilang sitwasyon. Nagkaroon ng  
kumplikasyon sa panganganak si Mila, na-coma siya bunga 
nito at tuluyan na naapektuhan ang pangkabuuan niyang 
kalagayan. Si Wawel, sa tulong ng kanyang mga kapatid, 
ang umako ng responsibilidad hindi lang sa pagpapalaki at paggabay sa kanilang nag-iisang anak na si Therese, kundi 
pati na rin sa pangangalaga kay Mila.

     Sa mahirap na pagkakataon, hindi siya bumitiw, hindi 
niya pinabayaan ang kanyang mag-anak. Ilan kayang mga
 ama o mga ina ang tulad rin ni Wawel sa panahon ngayon? 





My Favorite Post!

Remembering Nanay

                                       Photo by  Aaron Burden  from  Pexels   It was a time of disquiet then; the protest movement against t...