Nalulungkot ako sa mga pamamaalam. May ilang beses na rin na hindi ako dumadalo sa mga despedida o pagtitipon para sa ilang kaibigang naging malapit na rin sa akin.
Ilan sa mga kaibigan ko ay umalis na para tugunan ang panibagong mga gawain sa malayong mga lugar. Dalawa sa kanila ay lumipat na sa hilagang bahagi ng Mindanao samantalang ang isa sa kanila ay lumipat na ng gawain sa rehiyong MIMAROPA (Mindoro, Marinduque, Romblon, Palawan). Ang isa naman, na naging guro at gabay ko sa sa gawaing sanggunian, ay malapit na ring umalis patungong isang karatig-bansa natin.
Bagama't nakakalungkot na maaring magtagal bago ko sila makita ulit, alam ko na nariyan sila at maraming pamamaraan para hindi maputol ang koneksiyon sa isa't isa. Alam rin nila ito. Isang mundong konektado, ika nga.
Pamamaalam ng Sambayanan
Nung isang linggo, si Willem Geertman, isang misyonero at social development worker na tumutulong sa mga maralitang magsasaka ng Gitnang Luzon ay pinaslang ng mga armadong kalalakihan. Pinaslang nang walang awa ang isang misyonero, na tinalikuran ang mapayapang buhay sa kanyang sariling bayan upang magsilbi sa mga maralita ng bayan natin. Nakakalungkot at nakakagalit na nangyayari pa rin ito dito ngayon.
Kahapon naman, namayapa na ang isang taong kinilala ng marami sa husay niyang magpatawa at umunawa kung ano ang makakapagbigay saya sa ordinaryong Pilipino. Kinalakihan ko ang mga palabas niya sa telebisyon; mula sa mga re-run ng mga pelikulang pinagbidahan niya, sa palabas na John en Marsha na minsan kinaiinisan ko na rin dahil sa paulit-ulit na sinasambit ng dakilang biyenan ni John sa kanya, " o, John, magsumikap ka..." Nakakalungkot ang pagpanaw niya.
Si Dolphy, Si Willem at marami pang nag-alay ng dugo at pawis para sa kanilang kapwa, sa mga kaibigang tatahak ng panibagong mga hamon sa kanilang buhay:
Patnubayan kayo ng Panginoon at nasa panalangin kayo ng sambayan.
Pahabol:
May luksang parangal para kay Willem Geertman mamaya, Hulyo 11 sa Sto Domingo Church, 6 ng gabi.
Isa sa pelikula ni Dolphy na umani ng mga parangal di lamang sa bayan natin ay ang Markova: Comfort Gay na nagpatunay sa husay niya bilang isang alagad ng sining.
Narito ang unang bahagi ng pelikulang ito, na mapapanood sa YOUTUBE.
May luksang parangal para kay Willem Geertman mamaya, Hulyo 11 sa Sto Domingo Church, 6 ng gabi.
Isa sa pelikula ni Dolphy na umani ng mga parangal di lamang sa bayan natin ay ang Markova: Comfort Gay na nagpatunay sa husay niya bilang isang alagad ng sining.
Narito ang unang bahagi ng pelikulang ito, na mapapanood sa YOUTUBE.