Friday, 6 July 2012

Acupuncture



Nag-aral ako ng ear acupuncture detoxification  para matuto ng iba pang paraan sa pagtulong sa aking kapwa, lalo na sa mga taong nangangailangan ng kaginahawaan. Isa akong kalakbay at social development worker. Gawain ko ang pagtulong sa mga taong dumaraan sa mahirap na karanasan o matitinding krisis ng buhay. Sa marami na ring pagkakataon, nakakasama ko ang iba pang tumutulong sa mga survivors ng kalamidad o maging careproviders nila.

Natatandaan ko ang karanasan ko sa isang komunidad sa Lungsod ng Quezon, pagkatapos ng bagyong Ondoy. Nakausap ko ang ilang inang hindi mapakali, walang kanatagan dahil sa nangyaring pagbaha sa kanilang lugar na nagpalubog sa kanilang komunidad at ikinasawi ng napakaraming tao mula sa isang komunidad na ilang hakbang lang ang layo mula sa kanila. Natatakot silang matulog sa gabi dahil maaring biglang bumaha sa gabing himbing sila sa pagtulog ng kanilang mag-anak.  Ang kanilang nararanasan na agam-agam at takot ay normal na maaring maranasan ng sino mang dumaan sa napakatindi at abnormal na nangyari dati sa kanilang komunidad.

Pero sa totoo lang,  may posibilidad nga namang mangyari ang pinangangambahan nila tulad na rin ng nangyari sa mga komunidad sa Cagayan de Oro, Iligan City at karatig pook nito na natangay sa flashflood isang gabi binabayo sila ng walang tigil na ulan.

Pero paano ang pagtulong sa kanila? Sapat na ba ang ginagawang pagtulong ng mga crisis responders? Ano pa bang paraan ang maaring gamitin para mabilisang maibsan ang pisikal nilang nararamdaman noong mga panahong yun?  Para sa akin, hindi sapat na magpakahon sa isa o ilang pamamaraan lamang, kahit naging matagumpay ito sa karanasan ng iba pang mga komunidad o kultura.

Natutunan ko sa training na ibinigay ng NADA Philippines, na nakatulong ang pagbibigay ng acupuncture sa mga survivors ng Bagyong Sendong sa Cagayan de Oro City para makaramdam ng kapanatagan sa gitna ng kaguluhang nararanasan sa loob ng evacuation site. Nagbigay ng ear acupuncture ang grupo ng NADA pati sa mga mga bata sa ilang evacuation site. Isang magandang balita ito para sa akin!

Napakahalagang bahagi ng training namin  ang pagbibigay ng aktwal na acupuncture detox sa mga pasyenteng kusang loob na papayag dito. Nagbigay kami ng ear acupuncture sa mga babaeng detainees ng Camp Karingal.

Iba't iba ang kasong kinasangkutan ng mga detenido da Camp Karingal, Sa mga pasyente ko halimbawa, marami ang nasangkot sa mga kasong bunga ng paggamit ng pinagbabawal na gamot, ang ilan naman ay naroon dahil naipit sa kasong isinampa ng mga kakilala nila.

Maingay at pawang walang katapusang iskedyul ng mga gawain ang buhay ng mga detenido dito. Pagdalo sa Bible study, prayer meeting, religious service ng iba't ibang grupong panrelihiyon ang buhay ng detenido sa kampo, bukod pa sa gawaing nila mismo sa loob nito.  Sa isang banda, mabuting gawain ito na maaring magpalakas ng kalooban ng mga detendio. Iniisip ko nga, tiyak na kapag nakalaya na ang detenido dito, magiging pastora na siya o isang taong nanghihikayat sa mga kasamahang lumapit sa Panginoon.

Paano kaya sila makakakuha ng pagkakataon mapanatag ang sarili sa isang kapaligirang magulo?

Nakakausap ako ng ilang detendio at maging ilang tagapamahala ng detention center. May isang bagay na nagbibigkis sa kanila - ang kalagayang hirap sila sa pagtulog.  Para sa detenido, mahirap matulog kung ang kapaligiran mo ay maingay. Isama na rito na kailangan kang makipagsiksikan sa maliit na espasyo para sa iyong tutulugan. Para naman sa mga nagbabantay o namamahala sa kanila, naroon yung pangangailangang maging alerto sila 24 oras. Mababaw tuloy ang tulog nila gabi-gabi.

Ayon sa nabigyan namin ng ear acupuncture detox, mahimbing ang naging tulog nila nung kinagabihan. Maging ang kanilang pagdumi, naging maginahawa. Bagama't hindi pa masusi ang pag-aaral ko sa mga salik na maaring nakatulong para sa pagkamit nila ng ganitong kalagayan, mismo ang pagbalik nila sa mga susunod na araw ay patunay sa sinasabi nila sa amin.

Isa ring bagay na kapansin-pansin ang pagiging mas bukas ng bawa't isang detenido sa pagkuwento ng kanilang pinagdaanan pagkatapos ng isang session ng ear detox. Bunga ba ito ng positibong epekto ng acupuncture lang o kasama na ang personal na pakikitungo ng ADs sa kanila? Marami nga naman sa kanila ay hindi madalas nadadalaw ng kanilang mga mahal sa buhay.

Sa ngayon, ang matitiyak  ko lang ay ang personal na patunay ng mga pasyente namin sa Camp Karingal pati na rin mismo ang mga mahal ko sa buhay ana bumuti ang kanilang piskal na kalagayan pagkatapos nilang maranasan ang ear acupuncture detox.   Nagpapasalamat rin ako sa grupo ng NADA Philippines sa inisyatiba nilang ipaalam ang ganitong pamamaraan sa mas marami pang komunidad na nangangailangan. 

My Favorite Post!

Remembering Nanay

                                       Photo by  Aaron Burden  from  Pexels   It was a time of disquiet then; the protest movement against t...